Kris Aquino fills in for Willie Revillame on Wowowee Author: ABS-CBN Showbuzzer Laking gulat ng sambayanan kahapon nang hindi nakarating ang host na si Willie Revillame sa noontime show nitong Wowowee dala na rin ng pagkakasakit nito't pangangailangang maisugod kaagad sa ospital; ngunit kaninang tanghali, tila mas nagulantang ang mga manunuod nang si Kris Aquino ang sumalubong sa kanila upang humalili sa ngayo'y nakikipaglaban sa pneumonia na host. Ayon kay Kris, siya na raw mismo ang nagvolunteer na pansamantalang pumalit kay Willie sa show habang kasalukuyang nagpapagaling ito. Sa nasabing pagfill in ng tinaguriang 'Queen of All Media' sa number one noontime show ng bayan, di naman maiwasang mapahanga ng mga co-hosts nitong sina Mariel Rodriguez, Valerie Concepcion at Pokwang. Maliban di umano sa masarap siyang katrabaho ay tunay raw na nakakatuwa siya, lalo pa't game na game siya sa mga pakulo ng show para mapasaya ang buong mundo. Given the fact na may pagkasosyal raw ang dating ni Kris, tunay raw na ikinagulat nilang lahat nang makipagsabayan ito ng sayawan at kantahan sa kanila. ' Nagpromise ako kay Willie sasayaw ako' paliwanag ni Kris sa hindi inaasahang pagpapakitang-gilas nito kanina sa paggiling. Isa raw kasi ito sa mga bilin sa kanya ni Willie, na kahit may sakit na'y patuloy pa rin ang pag-iisip sa kasiyahan ng mga manunuod. Hindi na rin naman raw nakatanggi si Kris sa nasabing hiling dahil sabi na nga rin niya'y isa ito sa mga naeenjoy ng mga anak niya sa panunuod ng nasabing show. Hindi na rin niya maiwasang maging proud sa sarili matapos ito dahil ayon sa kanya ay nagawa niya ng maayos ang nasabing stunt sa kabila ng pangungutya ng asawa niyang si James Yap na hindi niya ito gagawin. Maaaring hindi pa makikita si Willie sa Wowowee sa susunod na mga araw dahil kasalukuyan pa raw itong nakaconfine sa ospital at mahigpit siyang pinagbilinan ng mga doktor na magpahinga; ngunit ayon na nga rin kay Kris, na constant ang pagchecheck kay Willie thru text, hopefully by Saturday ay magiging maayos na ang lagay ng Wowowee host. Source: ABS-CBN Interactive |