Nov 23
HomeLoginBrowseNewsTV SchedulePreferenceHelp
 

Kris, ibebenta ang bahay para kay Noynoy!

Kris, ibebenta ang bahay para kay Noynoy!

Author: Abante

BALANGA CITY, Bataan -- Kung handa si Kris Aquino-Yap na i-make-over ang kanyang nag-iisang kapatid na lalaki na si Sen. Benigno 'Noynoy' Aquino III, na nagpahayag na ng kanyang intensyong tumakbo sa pagkapangulo sa darating na eleksyon sa May 2010, handa rin ang sikat na TV host/aktres na ibenta ang kanyang bahay para suportahan ang pangangampanya ni Noynoy.

“I told Noy na ibebenta ko ang bahay ko at ang proceeds noon ay mapupunta sa kanya. Kikitain ko naman uli 'yon eh,” ani Kris nang makapanayam ng mga mamamaha­yag matapos ang idinaos na misa sa San Jose Cathedral na pinangunahan mismo ni Ba­langa Archbishop Socrates Villegas kahapon, alas-12:00 ng tanghali para sa ika-40 araw na pagkamatay ni dating Pangulong Corazon Aquino.

Sinabi rin ni Kris na si Sen. Kiko Pangilinan ang magiging spokesperson ni Noynoy bilang standard bearer ng Liberal Party (LP) kasabay ang pasasalamat nito kina Sen. Pangilinan at asawang si megastar Sharon Cuneta na nagpahayag ng 100% support sa kandidatura ng kanyang kapatid.

“Ang masasabi ko lang para kay Noy, he's uncorrupt, sa pagkasimple ng kapatid ko kahit ungkatin niyo lahat. Hindi ba, he lives in mom's house?

Wala akong doubts. Maybe mga sisters ko at ako hindi mag-wa-100% support kung meron kaming pag-aalinlangan na baka masira ang pangalan ng mom at dad,” pahayag pa rin ni Kris.

Ukol naman sa pagmi-make-over kay Noynoy, sinabi ni Kris na siya mismo ang kumuha ng barbero para magupitan ang kanyang kapatid bandang alas- 12:30 ng madaling-araw kahapon habang inaayos ng senador ang kanyang speech ukol sa kanyang gagawing announcement sa Club Filipino kahapon ng umaga.

“Ako ang nagsuklay sa kanya pati 'yung suot niyang barong. Hanggang doon lang ang pakikialaman ko, kasi lalaki siya, eh. We cannot mold him because he will not allow us... pati 'yung pleats ng pantalon niya, sabi nya... 'Wag mo nang pakialaman 'yan'. Isa lang ang request ni Noy, pag love life niya raw, quiet lang ako,” sabi pa rin ni Kris.

Napaluha rin si Kris dahil sa mga suportang natatanggap ng kanilang pamilya para sa kandidatura ni Noynoy, kung saan ay marami na umano sa kanyang mga kasamahan sa show business kabilang na ang ilang mga sikat na singers at song writers ang nagpahayag na handa silang kumanta at gumawa ng awit para sa pangangampanya ng senador.
***

Samantala, mistulang hindi mahulugan ng karayom ang loob ng cathedral dahil sa dami ng mga taong gustong makita ang aktres kasama ang asawa nitong si James Yap at anak na si Baby James.

Napuno ang cathedral ng mga estudyante matapos namang suspendihin ng DepEd ang klase kahapon ng umaga dahil sa sama ng panahon.

Habang palabas ng cathedral matapos ang misa, hindi magkamayaw ang mga tao sa pagsisiksikan dahil sa pagnanais na makakuha ng rosaryo na ipinamahagi ni Kris na may kasamang larawan ng kanyang ama at ina.

Source: Abante