Kristine Hermosa admits going out with Oyo SottoAuthor: Vinia Vivar Sweet na sweet sina Kristine Hermosa at Diether Ocampo nang bisitahin ng PEP (Philippine Entertainment Portal) sa cast pictorial ng Love Spell last Wednesday, January 17. Kaya hindi mo iisiping may katotohanan ang balitang ang young actress daw ang third party sa break-up nina Oyo Sotto at Angel Locsin.
Nang makausap namin ang mag-asawa, nilinaw agad ng PEP kay Tintin kung totoo bang nakita raw silang sweet na sweet na magka-date ni Oyo sa Embassy Bar.
"Lumalabas talaga kami ni Oyo dahil magkaibigan kami. Pero marami kaming magkakaibigan, as in mga sampu kami kapag lumalabas. Ano ba yun, bakit naman ako ang magiging third party sa relasyon nila?" natatawang sabi ni Kristine.
Sinegundahan naman ito ni Diether by saying na natatawa na nga lang daw silang dalawa nang unang makarating sa kanila ang balita. May permiso raw niya ang paglabas ni Kristine kasama ang grupo ng Enteng Kabisote, kung saan parehong kasama sina Kristine at Oyo. Alam niyang wala namang masamang ginagawa ang asawa.
"May tiwala ako kay Tintin [palayaw ni Kristine] at kilala ko siya. Hindi siya yung ganung klase ng babae," pagtatanggol ni Diether kay Kristine.
SECOND MARRIAGE. Naitanong din namin sa kanila kung matutuloy na ba this year ang matagal nang pinaka-aabangang second marriage nila. (Matatandaang nagpakasal sila sa huwes noong September 12, 2004, ngunit nag-file ng annulment si Kristine noong June 21, 2005. Hindi pa nadedesisyunan ng korte ang kanilang kaso.) Wala pa ring kasiguraduhan ang sagot ng dalawa.
"We're really taking it slow. Hindi naman kailangang magmadali since, alam n'yo naman, nagkamali na nga kami before dahil masyado kaming nagpadala sa aming nararamdaman," sabi ni Kristine.
Ang tinutukoy ni Kristine ay ang secret marriage nga nila two years ago na nagkaroon ng problema sa legality kaya naman ipinapa-annul nila ito para magsimula ulit sa tamang proseso.
Tinitiyak nina Diet at Kristine na kapag nagpakasal sila ulit, never na silang magkakamali pa.
"Kaya nga, kailangan, pinaplano ang lahat. At saka mas enjoy nga kami sa ganitong set-up. But of course, darating din tayo sa kasal, hindi pa lang ngayon," sabi pa ni Diet.
Tatlong taon na ang relasyon ng dalawa. Dumaan din naman daw sila sa maraming pagsubok at first. Ngayon, they're still working out their relationship to succeed. Pero at least daw ngayon ay less na ang mga pag-aaway dahil mas kilala na nila ang isa't isa.
Sina Kristine at Diet ang susunod na tampok na stars sa Sunday afternoon series na Love Spell, pagkatapos ng Line to Heaven nina Joross Gamboa at Roxanne Guinoo.
Source: Philippine Entertainment Portal |