|
|
| LIBING NI DABOY NGAYONAuthor: Jojo Gabinete PANSAMANTALANG itinigil ang public viewing sa labi ni Rudy Fernandez noong Martes nang hapon kaya lalong humaba ang pila ng mga kababayan natin na nagpunta sa Heritage Park. Kami ang nakaramdam ng pagod nang makita namin ang mahabang linya, pati na ang mga matatanda na mabagal nang maglakad. Naging unfair sa kanilang mga anak ang mga magulang na binitbit sa Heritage Park ang mga sanggol na anak na siguradong hindi kilala ang aktor dahil months-old pa lamang sila. Nabulabog ang matiwasay na lugar ng Heritage Park dahil sa paglitaw ng mga vendor ng sari-saring pagkain. Napansin namin na nadagdagan ang mga pulis na nagbabantay sa loob ng Heritage Park para maiwasan na maulit ang mga krimen na nangyari dahil sa pagsasamantala ng mga masasamang loob. Naabutan namin na naghihintay sa pagbubukas ng funeral chapel sina Mother Lily Monteverde, ABS-CBN President Charo Santos at ang mga executive ng ABS-CBN. Sunod-sunod na nagsipagdatingan sina MTRCB Chair Consoliza Laguardia, Billy Crawford, Jolina Magdangal, Phillip Salvador and wife Emma. Kasama ni Chair Laguardia ang mga empleyado ng MTRCB. Kinumusta ni Chair Laguardia kay Lolit Solis si Joey de Leon. Ikinagulat ni Chair Laguardia ang balita na kinidnap daw ng Abu Sayyaf ang TV reporter na si Ces Drilon. Hindi pa alam ang kinaroroonan ni Ces ang sagot ng mga TV executive na tinanong ni Chair Laguardia. Isinara kahapon (1:00 pm) ang public viewing sa labi ni Rudy para mabigyan ng pagkakataon ang kanyang pamilya na makasama siya sa huling sandali. Nevertheless, hindi pa rin napigilan ang mga kababayan natin na pumunta sa Heritage Park, kahit alam nila na hindi na sila makalalapit sa bangkay ng aktor. Mamayang hapon ang libing ni Rudy. Inaasahan ang pagdating ng maraming tao na gustong masaksihan ang paghahatid sa kanya sa huling hantungan. Dedicated kay Rudy ang episode ng The Ricky Lo Exclusives noong Martes nang gabi. Muling ipinakita sa programa ni Ricky ang past interviews niya kay Rudy noong nabubuhay pa ito. Ang TRLE ang kauna-unahang showbiz talk show na nakainterbyu kay Rudy at sa pamilya nito tungkol sa kanyang sakit na peri-ampullary cancer. Sa panayam ni Ricky kay Mark Anthony Fernandez, ipinahayag nito ang kagustuhan na magaya niya ang humility at class ng kanyang ama. Ikinuwento ni Mark ang mga payo sa kanya ng tatay niya tulad ng pagiging humble at pagmamahal sa kanilang propesyon bilang mga artista. ***
Source: Abante |