Nov 24
HomeLoginBrowseNewsTV SchedulePreferenceHelp
 

Lalaking nambastos kay Marian, fan ni Angel

Author: Nitz Miralles

BUMALIK sa Subic ang cast ng Dyesebel last Saturday para muling mag-taping ng number one teleserye ng bansa.

Inaalam pa namin kung muling bumisita sa taping ang lalaking nakabangga ng actress na si Marian Rivera na nameless pa rin hanggang ngayon.

Pero, totoo bang tumawag sa mga kakilala niya sa GMA-7 ang nasabing lalaki at ipinaalam na iinterbyuhin siya ng ABS-CBN?

Kinilala na rin ng fans ni Marian ang nagpapadala ng link sa YouTube ng video nito na supporter daw ng isang actress na karibal sa popularity ni Marian (Si Angel Locsin nga raw base sa sangkatutak na e-mail ng Marian Knights members. - IFF).

But so far, wala pang epekto kay Marian ang paglabas ng video, dahil solid pa rin ang suporta sa kanya ng kanyang fans at sinusubaybayan pa rin ang Dyesebel.

Sunud-sunod pa rin ang dating ng product endorsements sa kanya at ang balita namin, may six new endorsements siya.

Samantala, sa Dyesebel mamaya, kung 'di kina Gilda (Luis Alandy) at Donya Guada (Nanette Inventor), mahuhuli na sana ni Fredo (Dingdong Dantes) na sirena si Dyesebel.

Susugod si Betty (Bianca King) sa resthouse ng donya nang malamang may dinalang babae roon si Fredo at nang makita si Dyesebel, super panglalait ang matitikman nito sa kanya.

Sa Sirenea, itatakda ang kasal nina Berbola (Michelle Madrigal) at Erebus (Alfred Vargas), pero ayaw ng unang makasal sa huli, kaya tatakas siya at pupunta kay Amafura (Rufa Mar Quinto) para hilinging magka-paa.

* * *

ANY day now, mapapanood sa GMA-7 ang teaser ng Gagambino, ang bagong fantaserye ng istasyon.

Noong isang araw lang kinunan ang teaser ng isa pang creation ni Carlo J. Caparas na siguradong susubaybayan, dahil pagagandahin nang husto.

Excited ang actor na napiling magbida sa Gagambino, pero bawal pa siyang pangalanan. Tiyak kaming matutuwa hindi lang ang fans nito, kundi lahat ng Kapuso viewers, dahil right choice siya for the role and the project.

Sino ang actor na pinagkatiwalaang magbida sa Gagambino? Manghula na lang muna kayo habang hinihintay natin ang official announcement ng Channel 7.

* * *

NAGMEMEMORYA ng mahahaba niyang lines para sa My Monster Mom si Annabelle Rama nang madatnan namin sa shooting ng Regal at GMA Films movie sa Alabang Medical Center last Saturday.

Natutuwa lang ito't by June 3, tapos na ang shooting ng pelikula, wala na siyang mememoryahin at puwede na niyang ipaalis ang hair extension.

Ano ang pinakamahirap niyang eksena sa pelikula?

"Lahat ng eksena. Tensionado ako, dahil sa Tagalog ko. Problema ko na nga ang mag-memorya ng dialogue, iintindihin ko pa 'yun at aarte pa ako. Nakakalula mag-memorize ng lines. Parusa talaga!" sabi ni Annabelle.

Kahit hirap sa lines, ipinagmamalaki ni Annabelle na take one siya madalas at nati-take two lang 'pag malalalim ang Tagalog at 'di niya ma-pronounce nang tama.

Hindi rin siya na-tension sa mga eksena nila ni Ruffa Gutierrez at mas gumagaling siya 'pag ka-eksena sina Direk Khryss Adalia at Eugene Domingo.

Itinuro ni Annabelle si Direk Joey Reyes sa tanong namin kung may follow-up movie na siya. Ibig sabihin, si Direk pa rin ang gusto niyang director for her next movie.

Tungkol naman sa billing, kahit daw saan ilagay ang name niya, okey sa kanya, basta maganda ang billing ni Ruffa at ni Richard Gutierrez.

* * *

BAGONG linggo na naman ng Babangon Ako't Dudurugin Kita and this Monday, sa pahintulot ni Derek (JC de Vera), magtatapat ng pag-ibig si Lawrence (Patrick Garcia) kay Salve (Yasmien Kurdi).

Kahit nagseselos sa kanyang desisyon, kailangan niyang ipaubaya sa kaibigan ang babaing pinakamamahal sa paniwalang kapatid niya ito.

Nakahanap naman ng paraan si Fausto (Tony Mabesa) na baliktarin ang katotohanan laban kay Carla para tulungan si Via (Angelika dela Cruz) na mapalaya si Alfred (Marvin Agustin).

Sisimulan na ni Via ang plano at gagawin ang lahat para maibalik ang power at nasirang pangalan ng kanyang pamilya.

* * *

SA Joaquin Bordado, may gugulpihing mga tambay si Jason (Mark Herras) sa pambubuyo ni Cefiro (John Regala), habang nakatingin si Aratu.

Hihigupin naman ni Russo (Eddie Garcia) ang powers ni Alfredo (Rommel Padilla) at dahil sa teleportasyon, makapupunta siya sa ibang lugar sa pamamagitan ng isip lamang.

Pareho namang talunan sina Joaquin (Robin Padilla) at Jerome (Ian Veneracion) over Sofia (Iza Calzado). Gusto na nitong makalimutan ang nangyari sa buhay niya at iwan ang dalawa.

* * *

MULA kay Rikka Dylim ng Star Magic ang balitang imbitado si Piolo Pascual sa Festival Paris Cinema 2008 6th Edition.

First time raw nag-imbita ng Filipino artist ang festival through Mayor Delanoe at Charlotte Rampling.

Last March pa raw inimbita si Piolo sa festival, na tatakbo mula July 2-4. Ang actor ang magre-represent sa bansa sa nasabing festival.

Source: People's Tonight