Dec 05
HomeLoginBrowseNewsTV ScheduleStatisticsPreferenceHelpMessage Board

Lara may gustong ipaliwanag!

May punto ang mga tagahanga ni Precious Lara Quigaman sa pagsasabing porke ba isinasama ng dalaga ang kanyang boyfriend sa studio ng Wowowee ay sapat nang dahilan yun para alisin siya sa programa?Ipagpalagay nang isinama rin ni Lara ang kanyang boyfrie...

 

Lara may gustong ipaliwanag!

Column: Showbiz Mismo
Author: Cristy Fermin

May punto ang mga tagahanga ni Precious Lara Quigaman sa pagsasabing porke ba isinasama ng dalaga ang kanyang boyfriend sa studio ng Wowowee ay sapat nang dahilan yun para alisin siya sa programa?

Ipagpalagay nang isinama rin ni Lara ang kanyang boyfriend sa show nila sa Hawaii, bakit, malaking kasalanan na ba ang nagawa ni Lara para tuluyan siyang tanggalin sa show?

Ilang ulit na naming sinulat na ang totoo'y nanghihinayang kami sa beauty queen-TV host dahil malaking bagay siya sa noontime show, siya ang pambalanse sa kaingayan nina Pokwang, Valerie Concepcion at Mariel Rodriguez, siya sa kanilang lahat ang may pagkapormal sa pagho-host.

Pero sabi nga ng ehekutibong nakausap namin ay hindi ganun kababaw lang ang kuwento, "Rules are rules," sabi pa ng aming kausap.

Matagal nang umiiral sa naturang show ang kaswal at unwritten rule na kapag nasa linya sila ng trabaho ay kailangang dun lang sila nakatutok, labas muna ang personal na aspeto ng kanilang buhay habang umeere sila, pero yun ang naibutas kay Lara.

Hindi naman lantarang nang-aabala sa kanya ang lalaki, simple lang ito, ni hindi nga ipinararamdam ng boyfriend ni Lara na magkarelasyon sila. Hindi rin minamadali ng lalaki si Lara sa pagtatrabaho, kung kailan tapos na siya ay saka lang sila umaalis, ganun lang ito katahimik sa isang lugar.

Sila naman ang nagbayad ng air fare nito nung ganapin ang show sa Hawaii, ano'ng masama kung nagmamahalan sila, yun ang puntong idinidiin ng mga tagahanga ng dalaga.

Pero ang batas nga ay batas. Hindi man dokumentado ang kautusang yun ay alam nilang lahat na kapag nagtatrabaho sila ay kailangang sa trabaho lang nila nakatuon ang kanilang atensiyon.

Sinabi na nga sa kanila na walang boyfriend at walang plus one sa show nila sa Hawaii, pero isinama pa rin ni Lara ang kanyang boyfriend, kaya dun nag-ugat ang problema.

Kinailangan siyang kausapin ng tagapamahala ng noontime show, nilinaw nito sa kanya kung ano ang dahilan ng kanyang pamamahinga, kung hindi nga naman kasi gagawin yun ng produksiyon ay ano na lang ang sasabihin ng iba pang mga co-hosts ng Wowowee na inalis din noon?

Oo nga't wala namang pinirmahang kontrata ang mga co-hosts na bawal ang magdala ng boyfriend sa set ay pinag­kasunduan nila yun, malinaw ang rule na kailangan nilang sundin, dun nabutasan ang magandang dalaga.

Pero siyempre'y gustong idepensa ni Lara ang kanyang sarili sa isyu, meron siyang gustong ipaliwanag, at karapatan naman niya ang depensahan ang kanyang sarili sa nangyari.

* * *

Sa halip na gumaan ay lalong lumalalim ang problema sa pagitan nina Mommy Rose Flaminiano at Jobert Sucaldito. Pareho na silang sumusumpa ngayon na anuman ang mangyari ay tuloy ang labanan nila sa korte.

Habang nagpapalitan ng demanda ang magkabilang kampo ay tuloy-tuloy lang naman ang pagtatrabaho ni Gabby Concepcion, malapit na nitong simula ngayon ang tele-seryeng pagtatambalan nila ni Claudine Barretto, meron din itong mga raket sa kung saan-saang malalayong probinsiya.

Kung hindi nangyari ang hidwaan ng kampo ng aktor at ni Jobert ay kumpleto na sana ang takbo ng career ni Gabby, pero mukhang napasubo na si Mommy Rose, ayon sa prodyuser ay marami pa siyang kasong isasampa laban kay Jobert sa mga darating na araw.

Palagi namang positibo ang hangad ng mga taga-showbiz pagdating sa usaping ito, sana'y magkausap na rin sila isang araw, para matapos na ang kanilang hidwaan.

Dun pa lang masasabi ni Gabby na talagang maganda ang kanyang pagbabalik sa bansa, hindi niya puwedeng sabihing maayos ang kanyang career, kung meron namang mga taong nag-aaway nang dahil sa kanya.

Kung ang sinasabi ni Mommy Rose ay ilalaban niya hanggang sa kamatayan ang asunto niya laban kay Jobert, ang kolumnista man ay may ganung pangako sa kanyang sarili, hindi nito uurungan ang kahit anong hakbang na ginagawa ng mga Flaminiano laban sa kanya.

Matira ang matibay na lang daw.

Source: The Philippine Star