Nov 23
HomeLoginBrowseNewsTV SchedulePreferenceHelp
 

Lian, lalong napamahal kay Paolo!

Lian, lalong napamahal kay Paolo!

Author: Jojo Gabinete
Column: The Source

PARANG pinigil ni KC Concepcion na mapaluha nang ikuwento niya sa presscon ng When I Met U ang sobrang kaligayahan nang ipakita sa birthday concert ng kanyang nanay na si Sharon Cuneta ang pagbati ng happy birthday ni Gabby Concepcion.

Ang VTR ng birthday greeting ni Gabby kay Sharon ang katuparan ng pangarap ni KC, na mu­ling magkasundo ang kanyang estranged parents.

Big deal at very fulfilling kay KC ang nangyari sa Araneta Coliseum noong Biyernes. Walang nakakaalam na nagpain­terbyu si Gabby para sa birthday presentation ni Sharon kaya nasorpresa ang lahat.

Sinabi ni KC na bilang panganay na anak nina Gabby at Sharon, “tinra­baho” niya na magkasundo ang kanyang mga magulang at nagsimula ito nang pumunta siya sa Amerika para dalawin ang ama, pagkatapos ng labingtatlong taon na hindi pagkikita.

Ang pagbisita raw niya kay Gabby sa US ang unang hakbang at major result nito ang pagkakasundo ng kanyang mga magulang.
***

Ang When I Met U ang pansamantala na huling pelikula nina KC at Richard Gutierrez. Parehong sinabi ng dalawa na matatagalan pa bago muli silang magkasama sa isang movie project.

Ang pagiging talent ng GMA 7 ni Richard at ang exclusive contract ni KC sa ABS CBN ang isa sa mara­ming dahilan kaya matatagalan ang pagtatambal nila sa pelikula.

Si Joel Lamangan ang direktor ng When I Met U. Puring-puri nina Richard at KC si Joel.

Nagsalita si Richard na dapat masubukan ng ibang mga artista na makatrabaho si Joel dahil marami silang matututunan.

“He gives us the freedom to develop our own characters. Hindi siya diktador!” ani Richard.
***

Sanay nang mag-guest si Paolo Contis sa mga talk show para pag-usapan ang kanyang personal na buhay pero noong Sabado lang namin siya nakita na pinagpawisan nang husto habang kaharap nila ni Lian Paz ang apat na host ng Startalk.

Butil-butil ang pawis ni Paolo sa noo dahil sa mga salita na pinakakawalan ni Lolit Solis tungkol sa kanyang girlfriend.

Naiintindihan namin ang pagpapawis nang husto ni Paolo dahil kahit sino ang nasa puwesto niya, talagang lulubog sa kinauupuan dahil sa mga pagbubuko ni Lolit tungkol sa mga nakaraang relasyon ni Lian.

Masaya si Paolo sa piling ni Lian. Siya na rin ang nagsabi na habang sinisi­raan si Lian ng ibang tao, lalong napapamahal sa kanya ang girlfriend niya.
***

From Butas to Button. Ang The Curious Case of Benjamin Button ang a­ming pinanood pagkatapos naming mapanood ang special screening ng Butas.

Naengganyo kami na panoorin ang Benjamin Button dahil sa magandang review ng mga film critic sa pelikula nina Brad Pitt at Cate Blanchett.

Two hours and 50 mi­nutes ang running time ng pelikula. Puno ng audience ang sinehan. Nakakundisyon ang aming isip na dahil sa haba ng Benjamin Button, posible na makatulugan namin ang panonood.

Mali ang aming akala. Gising na gising kami hanggang matapos ang pelikula at hindi kami nakaramdam ng antok.

Nang lumabas kami ng sinehan, nakita namin ang mahabang pila ng mga tao na manonood ng Brad-Cate movie.

Mamayang gabi naman ang special scree­ning sa UP Film Center ng Butas. Inaasahan ang mahabang pila ng manonood sa UP Film Center na gustong mapanood ang directors cut ng pelikula na tadtad ng mga eksenang hubaran.

Sa January 22 pa ang regular showing sa mga sinehan ng Butas. May sapat na oras pa ang produ­cer ng pelikula na i-sanitize o putulin ang mga frontal nudity scene na hindi kailangan at hindi papasa sa panlasa ng MTRCB. From Button to Butas...

Source: Abante