Mar 22
HomeLoginBrowseNewsTV SchedulePreferenceHelp
 

Love Scene, tinotoo!

Author: Jojo Gabinete
Column: The Source

KUNG kami ang tatanungin, hindi na dapat masundan pa ang interview sa child star na si Eunice Lagunsad a.k.a. Charming tungkol sa kanyang estranged father na ayaw niyang makita dahil inaapi nito ang kanyang ina.

Sa murang edad ni Eunice, hindi siya dapat tinatanong tungkol sa isang sensitive issue na puwedeng makaapekto sa pagkatao niya at sa mga kapwa bata na humahanga sa kanya.

Malakas ang impluwensya ng TV sa young viewers. Paano kung isipin nila na puwede pala na magalit sa kanilang mga magulang dahil ito ang ginagawa ng child star na iniidolo nila?

Dapat nang ihinto ang pagtatanong kay Eunice tungkol sa galit niya sa ama bago pa maakusahan ng exploitation ang mga tao sa kanyang paligid. Mga tao na mas matanda kay Eunice na dapat na pinangangalagaan ang kanyang kapakanan at hindi ang kanilang personal na interes.

***

Nababawasan na ang interes namin sa Philippine Idol dahil isa-isang natatanggal ang mga finalist na may mas karapatan na manatili sa nabanggit na contest. Noong Lunes, si Apple Chiu ang nagpaalam sa Philippine Idol na nagiging predictable na ang flow.

Unang season pa lang ng show. Kung sakaling magkaroon ng second season, tanging si Ryan Cayabyab ang dapat na ma-retain bilang judge.

Nakakasawa na ang mga playing safe evaluation ng ibang judges sa performance ng finalists. Si Ryan na lang ang nagbibigay ng fair judgment dahil wala siyang pinapaboran at talagang sinasabi niya ang mga pagkukulang o pagkakamali ng mga contestant.

***

Out of curiosity, pinanood namin ang pelikula ng isang aktor at ng starlet na kapareha niya sa eksena. Hindi halata na tinotoo ng dalawa ang kanilang love scene, base sa aming napanood.

Nalaman namin na for real at hindi basta for reel ang love scene ng magkapareha dahil kinumpirma ng aktor sa kanyang confidante ang kanilang ginawa. Medyo madilim ang background at may mga tao sa paligid habang kinukunan ang eksena kaya walang nag-isip na totoo at hindi basta acting ang performance ng aktor at ng kanyang "partner in crime."

***

Nagulat kami nang makita namin sa mga diyaryo ang ads ng Pitong Dalagita. Hindi namin alam na may ganoong project dahil tahimik na natapos ang filming ng pelikula.

Dahil Pitong Dalagita ang title, pito rin ang bida at ang "and" sa billing ng pangalan ni Iwa Moto ang nakatawag-pansin sa amin.

Kasama rin sa cast ng Pitong Dalagita sina Yasmien Kurdi at Angelica Panganiban.

Ang aming kaibigan na si Cris Pablo (direktor ng Duda at Bilog) ang direktor ng Pitong Dalagita.

Comments are welcome at jojogabinete@yahoo.com

Source: Abante