Mar 20
HomeLoginBrowseNewsTV SchedulePreferenceHelp
 

'Maitim ang puso ni Gretchen' - Nadia

'Maitim ang puso ni Gretchen' - Nadia

Author: Pilipino Star Ngayon

Hindi si Gretchen Barretto lang ang nakikita naming makakabanggaan ngayon ni Nadia Montenegro, kung kilala nga namin ang pagiging kuyog ng magkakapatid, tatlo laban sa isa ang magiging tunggalian sa mga susunod na araw.

Si Nadia ang itinuturo ni Gretchen na nagkakalat ng kung anu-anong kuwento tungkol sa kanyang personal na buhay, si Gretchen na mismo ang nagsabi, sampung porsiyento lang ng mga ikinakalat ni Nadia ang totoo at ang nobenta porsiyento ay puro gawa-gawa na lang.

Matindi ang sakit na naramdaman ni Gretchen dahil itinuring niyang parang tunay na kapatid si Nadia, nag-ugat ang kanilang pagkakaibigan nung nasa elementarya pa lang sila, meron na silang mga anak ngayon  at tumakbo na nang malayong-malayo ang panahon ay nagtuturingan pa rin silang magkaibigan.

Pero sa sariling pag-iimbestiga ni Gretchen ay napatunayan niya na si Nadia pala ang nagkakalat ng mga detalye tungkol sa kanyang personal na buhay, kasama na dun ang diumano'y pagpapalayas sa kanya ni Mr. Tonyboy Cojuangco sa kanilang bahay na wala siyang nadala kahit mga alahas niya, kasali rin ang isyu tungkol sa diumano'y relasyon nila ng negosyanteng si Mr. Dodie Puno.

Idinedenay yun ni Nadia, siyempre pa, pero maraming nagdududa sa kanyang depensa. Kung mapapansin ay palaging nasasali sa gulo si Nadia, basta may sumulpot na isyu ay paniguradong ito ang puno't dulo, parang lumalabas na walang isyung lumulutang na hindi nito alam ang buod ng kuwento.

* * *

Kahapon nang umaga ay isang taong malapit kay Nadia ang tumawag sa amin, nasa gitna kami ng kuwentuhan nang  banggitin ni Ogie Diaz sa segment nito sa Umagang Kay Ganda na meron daw sagot si Nadia sa mga akusasyon ni Gretchen, kaya agad naming ini-record ang naturang segment.

Habang binabasa ni Ogie ang napakahabang mensahe sa text ni Nadia ay puro "Oh, my God!" ang naririnig namin sa kabilang linya, gulantang ang kausap namin na malapit kay Nadia, ano na raw ba ang nangyayari sa taong ito?

Sa isang bahagi ng text ni Nadia kay Ogie ay sinabi niya, "You have to know her as well as I do para maintindihan mo ang utak ni Gretch. Siya lang ang taong kilala ko na natutuwa kapag may mga iskandalo sa kanya.

"Irarason lang niya na Tony believes whatever she says and dumadami raw ang endorsements niya kahit daw pangit ang mga lumalabas sa kanya. Gretchen knows na totoo lahat ang balitang lumalabas about her, and siguro, dahil may CD siya, strategy niya na kunwari, may sumisira lang sa  kanya.

"Plano niya lahat ito. She doesn't care kung may masaktan man siyang tao, as long as nasa news siya. Hindi nagpapatalo yan, kahit ano, gagawin niya. Kahit sino, gagamitin, I know her so well.

"Suwerte lang talaga siya at meron siyang Tony na nagmamahal sa kanya. I kept quiet because of Dodie, but now, I have to tell the truth. Yun ngang totoo, kaya niyang baligtarin, what more kung magsalita ako?" bahagi ng mensahe ni Nadia kay kasamang Ogie Diaz.

Meron ding sinabi si Nadia na totoo raw na elegante ang buhay ni Gretchen dahil meron itong magagarbong alahas, Jaguar, pera at kung anu-ano pang materyal na bagay, pero itim daw ang puso ni Gretchen.

Front lang daw ang ating nakikita tungkol kay Gretchen, sabi pa ni Nadia, lalo na tungkol sa kagandahan at kaseksihan ni Gretchen. Bata pa lang daw sila ay kilalang-kilala na niya si Gretchen, kung ang sariling pamilya nga  raw nito ay kayang saktan ng aktres, siya pa kaya ang hindi nito makakayang baligtarin?

Sa madaling salita ay gustong palabasin ni Nadia na nang dahil sa CD na ipino-promote ni Gretchen ay ginagamit lang nito ang mga isyung lumalabas ngayon.

Kung dati raw ay hindi siya nagsasalita tungkol sa isyu, ngayon daw ay magsasalita na siya, dahil hawak niya ang katotohanan. Nakakaawa raw naman si Claudine, sabi pa ni Nadia, dahil pinaniwalaan nito ang kanyang kapatid pero wala naman itong kaalam-alam tungkol sa mga nagaganap.

Naghuhudyat na ng giyera ang mga salitang binitiwan ni Nadia, hindi na basta-basta intriga ito, sa pagka­kilala namin kay Gretchen ay hindi nito palalam­pasin ang mga ganito kasasakit na salita patungkol sa kanya.

Source: The Philippine Star