| | Maja Salvador admits Carlo Aquino is a constant houseguest Author: Arniel Serato Napakaswerte ni Maja Salvador na kasama sa namamayagpag sa ratings na May Bukas Pa, ang teleseryeng nagpauso ng salitang “Bro” na naging bukambibig na sa buong Pilipinas. “Opo maraming-maraming salamat po sa mga sumosoporta ng May Bukas Pa, siympre po hindi po namin ineexpect na grabe, sobrang init po ng pagtanggap ng mga tao, lalung-lalo na kay Santino. Tsaka nakakatuwa po talaga yung show namin kasi sobrang maraming aral kayo na makukuha dun po. Tsaka nakakatuwa kasi nga po yung mga bata daw bumabait, 'di lang mga bata, yung mga tao mas nabibigyang pag-asa po. So yun, kaya masasabi namin na huwag kayong mawawalan ng pag-asa, dahil May Bukas Pa,” aniya ng aktres.
Puring-puri naman niya ang karakter na si Santino sa serye dahil isa daw itong ehemplo ng pagiging mabait at relihiyosong bata. “Ano talaga e, yung bata parang hindi siya gumagawa ng kasalanan. Yung lagi lang opo ng opo kay Bro. Yung walang gusto kundi lahat magmahalan, maging masaya lang. Yung parang yun ung laging gusto ng bata, pero siyempre andaming pwedeng mangyari sa ating mga tao. 'Di ba na hindi naman pwedeng laging masaya laging lahat nagmamahalan. Kailangan talaga na madaming pagsubok na pagdaanan na yun yung nagpapatibay sa atin lahat.” Dagdag pa niya, mas tumibay ang paniniwala niya sa Panginoon. “Iba po talaga yung pagdarasal ko sa Diyos yung paniniwala ko sa Diyos, iba po talaga eh. Syempre kailangan natin magdasal sa Diyos para lagi kang gabayan.” Balita din at kinumpirma naman ng dalaga na ma-eextend nga ang takbo nito sa ere. “Yes, abangan nyo po 'yan. Surprise, basta masaya po kami, lahat po kami, lahat ng cast at staff.”
Marami din ang nakapansin na parang hindi pa siya nabigyan ng lead role sa primetime. Hindi kaya siya naiinip na isa lang siya sa mga bida ng May Bukas Pa at hindi talaga yung masasabi nating “bida?” “Meron na pong plans yung management, pero ano nga po sinisigurado lang nila, inuunti-unti. Ayaw nilang biglain yung mga tao, kasi last year... ang soap lang na nagawa ko yung sineserye yung Patayin Sa Sindak si Barbara. Tapos after nun, puro guesting lang, Kapitan Boom, ganyan. So gusto siguro ng management unti-unti po. Kaya ako hindi naman po ako nagmamadali, kahit na hindi bida roles. Ang importante po kasi may trabaho, nakakaipon yun po.” Dagdag pa nito, “Gusto ko lang din po kasi dahan-dahan, yung sigurado. Ayoko po magmadali kasi mas maganda yung sigurado 'di ba, para mas tumagal yung ganun po. Kasi feeling ko po kasi mas marami pa kong kailangang pag-aralan para alam n'yo po yun, para maging magaling talaga na artista yung ganun po.”
Inamin din ng dalaga na may mga tinanggihan na siyang mga roles lalung-lalo na yung mga sexy roles. “Tanggap pa naman kasi po ako ng mga tao na eto, na okay po yung image po, sweet image ganyan. Wholesome 'di ba po. Tsaka parang ang bata pa po, 20 pa lang ako so yun po. Parang sa mga billboards po un, pero 'di naman ganun ka-sexy, kung baga yung kakaibang Maja, yung ganun po yung sa Folded and Hung lang, yung ganun.”
Lagi din niyang joke sa ASAP na gusto talaga niyang kumanta, ano ang katotohanan dito? “Yes! Hindi po joke yun, hahaha. Hindi, gusto ko po talagang mag-aral kumanta para siyempre 'di ba po baka mamaya magsawa yung mga tao ng kakasayaw ko, para may bago naman lang. Para malay n'yo pwede ako mag-sing and dance yung ganun po, kasi mas maganda yung palaging may bago, ano ba ang bago kay Maja? Yung ganun po. Gusto ko laging may bago.”
Blessed siya at ipinagpasalamat niya ng lubusan dahil malaki daw talaga ang naitulong ng lahat ng ito sa pamilya niya. “Sobra po kumbaga yung dapat hilingin ng isang dalaga nabibigay naman po.” Latest na nadagdag sa kanyang mga endorsements ay ang Sisters Sanitary Napkin at kamakailan lamang nagkaroon ito ng mall show upang bigyang parangal ang animnapung estudyante mula sa iba't ibang public high school sa Metro Manila. Puring-puri naman niya ang mga achievers na ito sa academic year 2008-2009, kaya inusisa namin siya kung anu-ano nga ba ang mga maituturing niyang achievements niya sa buhay. “Ano po sobrang natutuwa lang ako kasi yun nga maraming blessing na dumadating po sa akin. Hindi lang endorsements, pati mga project po maraming pumapasok. Sana po, eto meron kasi kaming bagong movie na ginagawa. Syempre bagong ano nanaman yun, bagong achievement ko na naman yon, di ba. At tapos ano pa ba? Tapos yung bahay namin, yun inaayos na, so sana matapos ngayong taon na 'to para yun ang pinaka-biggest achievement ko.” Ang nasabing pelikula ay para sa Star Cinema at pagsasamahan nina Shaina Magdayao, Jake Cuenca at Geoff Eiggenman.
Naiingit nga din daw siya dahil ang mga classmates niya sa high school ay graduate na ng college. “High school po, natapos ko po talaga yung highschool and kahapon lang graduation ng mga classmates ko sa college so tapos na sila so parang, swerte nyo graduate na kayo so ako nangangarap pa din ako, kaya lang syempre hindi ko po maipagsabay siguro po balang araw balak ko rin tapusin talaga kasi hindi po natin alam kung anong mangyayari.” Nahirapan daw siyang pagsabayin ang pagkuha ng kurso sa kolehiyo pero gusto rin niya itong bigyan ng oras pag hindi na siya masyadong abala sa mga projects sa showbiz. “Opo, kahit gustuhin ko po pwede naman kasi, kaya lang baka bumagsak ako sa mga exams kasi parang pangit naman kung papasok lang ako kung exam na and wala din ako maisasagot.” At 'pag nag college na siya ano naman kaya ang course na kukunin niya? “Gusto ko kasi maging flight stewardess, baka tourism ganun po.”
Inusisa din nga ABS-CBN.com kung bakit napakatahimik ng love life niya ngayon at ang napapabalitang pagpaparamdam ulit ng dati umanong boyfriend nitong si Carlo Aquino. “Wala, ganun pa rin tahimik lang sya. Ganun pa din. Magsasawa kayo sa sagot ko, nagtetext at tawagan, dumadalaw sa bahay, ganun po. Ganun pa rin, wala paring pinag-iba.” Inamin din niyang bumibisita si Carlo sa bahay nila 'pag wala siyang trabaho. At naging mas naging kilala na daw nila ang isa't-isa. “Opo naman, kasi in fairness naman dun sa tao, halos lahat kinukuwento niya yung tungkol sa buhay niya. Parang walang tinatago, yung ganun po, yung pinapakilala niya talaga yung sarili niya hindi lang sa akin, pati sa family ko, yung ganun po.”
At dahil nalalapit na ang Lenten Season, kinulit namin ang dalaga kung saan nga ba siya magbabakasyon at kung sino ang makakasama niya. “Magbabakasyon po kami ng family ko sa States, first time ng brother ko and nabigyan po ako ng pagkakataong maipasyal ko ang family ko.” Source: ABS-CBN Interactive |
|