|
|
| Maja, 'di makausap sa set ng pinagbibidahang seryeAuthor: Vinia Vivar Aminado si Maja Salvador na talagang ipinagdasal niya kay Bro (Jesus) na magtuluy-tuloy na ang airing ng bago niyang serye sa ABS-CBN na Nagsimula sa Puso with Coco Martin and Jason Abalos. Matatandaan kasing dalawang teleserye na ni Maja ang naudlot at na-shelve, ang Anna Lisa at Moon River, na parehong siya ang lead star. Sa pangatlong pagkakataon, binigyan siya ng sariling soap ng ABS-CBN, ito ngang Nagsimula sa Puso, at finally, tuloy na tuloy na ito dahil sa Monday, October 12, na ito magsisimula sa Hapontastic slot, kapalit ng Kambal sa Uma. "Kinakabahan po ako kasi sabi ko, 'Naku, baka mamaya hindi na naman matuloy. ' So, talagang tumodo-pray po ako na sana, sabi ko, 'Bro, sana ito na talaga. Sana ito na talagang Nagsimula sa Puso. ' "Sabi ko, 'Gagawin ko talaga lahat, ibibigay ko na talaga lahat dito. Sana talaga matuloy na,'" say ni Maja. Ngayong tuloy na tuloy na ito, ito raw ang pinakamagandang regalong natanggap niya sa kanyang birthday (last Oct. 5). "Ako, masasabi ko po, noong mga panahon ng Anna Lisa at Moon River na hindi natuloy, tinanggap ko po. "Malungkot, pero kailangang tanggapin na hindi ko pa talaga oras, hindi ko pa panahon. Na ngayon po, parang sinasabi sa akin ni Bro na 'anak, eto na, eto na ang regalo ko sa 'yo'. Ito talaga ang nakapakagandang regalo sa akin ni Bro, nina Sir Deo (Endrinal, business unit head) at ng ABS-CBN," she said. May daring scenes si Maja sa series na first time makikita sa kanya at say niya, maging siya ay hindi makapaniwalang nagawa niya. Pagkatapos nga raw ng mga eksena, doon niya na-realize na talagang hindi na siya pa-tweetums. "Ay talagang namula po ako, as in, hindi nila ako makausap. Siguro nagugulat lang din ako kasi, parang eto na nga talaga, hindi na ako pa-tweetums," say niya. Mula sa direksyon ni Malu Sevilla, kasama rin sa serye sina Nikki Gil, Nina Jose, Gloria Diaz, Jaclyn Jose at marami pang iba. * * * Nakatsikahan namin si Direk Malu sa Gram's Diner pagkatapos ng presscon ng idinidirihe niyang Nagsimula sa Puso. Hindi siya nakarating sa nasabing event dahil nagte-taping siya ng Katorse ni Erich Gonzales. Kinakantiyawan namin ang direktora na mukhang siya ang taga-binyag ng mga young actress sa ABS-CBN para sa daring roles dahil matatandaang sa Katorse unang nakitaan ng sexy scenes si Erich at ngayon naman, si Maja, sa Nagsimula sa Puso. Natawa si Direk at say niya, siguro ay talagang panahon na rin for the said young actresses para mag-mature sa ginagampanang papel. Natanong din namin siya kung hindi ba siya disappointed dahil napunta sa afternoon slot ang Nagsimula sa Puso at hindi sa primetime. Say niya, "Hindi naman. Kapag gumagawa kasi kami ng serye, hindi pa talaga namin alam kung saang time slot ilalagay. "Like 'yung sa Katorse, akala ko nga sa hapon siya ilalagay, pero naging primetime, basta we're doing our best para mapaganda ang project at hindi problema sa amin kung sa hapon o sa primetime siya mailagay," she said. * * * Suportado ni opposition Sen. Francis Escudero ang Bagong Sigla fund-raising concert para sa mga nasalanta ng bagyong Ondoy at Pepeng bukas, October 9, simultaneous sa Manila, Dagupan, Iloilo at Davao. Ang concert ay para sana sa pagsalubong ng 40th birthday ng senador sa Sabado, pero dahil maraming biktima ang dalawang mapaminsalang bagyo, ginawa na lang itong isang fund-raising event. Ang Manila concert ay gaganapin sa Liwasang Ulalim sa Cultural Center of the Philippines Complex at pangungunahan ni Bamboo kasama sina Miguel Escueta at Chicosci. Kasama naman sa front acts ang local bands sa tatlong iba pang urban centers, ang Imago sa Dagupan, Cueshe sa Iloilo at ang Spongecola sa Davao Para makapasok ng libre, magdala lang ng kahit anong puwedeng i-donate. Kung nalimutang magbitbit ng kahit ano, magbigay lang ng kahit magkanong halaga para sa fund drive. Source: People's Tonight |