Nov 22
HomeLoginBrowseNewsTV SchedulePreferenceHelp
 

Maja kinilig sa torrid na mga halik ni Coco

Maja kinilig sa torrid na mga halik ni Coco

Author: Beth Gelena
Column: E-talk

NINERBIYOS pala si Maja Salvador sa kissing scene nila ni Coco Martin sa launching teleserye niyang Nagsimula sa Puso, kumpara sa kanilang dalawa ng isa pa niyang partner na si Jason Abalos.

Kung brutal ang pagkakahalik sa kanya ni Coco, very passionate naman daw ang sa kanila ni Jason.

Kaya speechless ang young actress kapag tinatanong kung masarap daw bang humalik si Coco.

First kiss din ni Maja sina Coco at Jason on screen.

"Si Jason nakarami ng love scenes with me kasi mag-asawa po kami dito, eh. Si Coco marami din pero mas matitindi lang po talaga 'yung kay Coco kasi student ko siya rito at obsessed siya sa akin. Kaya po kapag naghalikan kami talagang as in wow! And wala pong daya ito," kinikilig pang sambit ng dating pa-tweetums na aktres at ngayon ay sumabak na sa daring scenes.

Dahil daw sa torrid kissing scenes ay nababalitang nililigawan na ni Coco si Maja, na itinanggi naman ng batang aktres.

"Sweet at maalaga si Coco, 'yun lang po ang masasabi ko. Kasi ayoko naman mag-feeling siguro. Ayoko namang sabihin na, 'Oo nanliligaw sa akin si Coco', noh. "

Si Coco na lang daw ang tanungin kung nililigawan nga ba siya nito.

Si Maja rin ang nagsayaw sa opening number ng Wowowee last Saturday, pero napansin naming parang wala siyang ganang umindak-indak, gayung alam ng lahat na napaka-husay niyang magsayaw.

In fact, una ngang nakilala si Maja bilang good dancer.

Halatang walang sigla sa pagsasayaw si Maja nu'ng araw na 'yun.

Ano kaya ang dahilan?

* * *

DADALHIN ni Sen. Manny Villar si Willie Revillame sa Cavite ngayon linggo para bigyan ng maagang pamasko ang mga Caviteño.

Ang kontrobersiyal at popular host ng Wowowee ang pangunahing guest sa idaraos na Namamasko Po concert para sa mga residente ng lalawigan.

Gaganapin ang concert sa Dasmariñas National High School na magsisimula sa alas-5 ng hapon.

Matatandaang nauna nang nag-show si Revillame sa Davao at Cagayan de Oro, na dinaluhan nang mahigit 100,000 fans.

Bukod sa Cavite, nakatakda ring magpa-concert si Sen. Villar sa Bacolod at Cebu.

"Alam ko na marami ta-yong mga kababayan na nagmamahal kay Willie kaya iniikot namin ang buong bansa para mailapit natin siya at magbigay ng kasiyahan sa kanila," ani Villar.

Makakasama ni Kuya Wil sa concert sa Cavite sina Jessa Zaragoza, Andrew E. , Selina Sevilla, Allyna, Mae Rivera at ASF Dancers.

Tulad ng inaasahan, mamimigay si Villar ng isang house and lot package sa masuwerteng Caviteño na da-dalo sa concert.

* * *

MAY exclusive interview ang Showbiz News Ngayon (SNN) host na si Boy Abunda kay Megastar Sharon Cuneta tungkol sa tatlong lalaking kanyang minahal.

Lumabas ang husay ni Kuya Boy sa pag-i-interview dahil unang tanong pa lang niya sa Megastar ay malakas agad na hagikgik ang pinakawalan nito.

Ayon sa nanay ni KC Concepcion, mga masasa-yang alaala umano ang iniwan ng bawat isa sa kanila sa kanyang buhay.

Si Robin Padilla ang unang binanggit ni Sharon at sinabi niyang masaya ang kanilang naging pagsasama ni Binoe.

Ayon kay Shawie, pareho raw sila ng brand of humor ng aktor, 'yun nga lang daw ay hindi nag-work out ang kanilang relasyon.

"I really loved Binoe. You see, when we fell in love, I really knew nothing about him. But he is a lovely person. Naalala ko pa nga, ang tawagan namin noon is 'kambal' because we can literally finish each other's sentences," say ni Shawie.

Nang mapunta ang usapan kay Richard Gomez ay inamin ni Mega na minahal niya ang mister ni Lucy Torres.

Minsan nga lang daw talaga, people can be too naive for love.

Masyado raw nalulunod ang ibang tao, like her, sa thought na kung ano ang mayroon kayo as of that moment could last for a lifetime.

Nang magkaedad na lang daw siya na-realize niyang she was too young para maisip 'yun noon.

Of course, walang dudang ang unang taong minahal niya ay ang tatay ni KC, si Gabby Concepcion, ang kanyang first husband before Sen. Kiko Pangilinan.

Bagaman failure ang kanilang marriage ni Gabby, very open niyang ibinahagi sa publiko ang kanilang buhay-may-asawa noon.

Ang biggest mistake daw niyang nagawa ay dahil nagmadali siya sa pag-aasawa at napakabata pa nila ni Gabby para magpakasal.

"Pagkakamali siguro 'yung nag-asawa ako noon nang maaga pero hindi rin totally pagkakamali 'yun dahil kung hindi ay wala akong KC ngayon," nakangiting sabi pa ni Sharon.

Source: Taliba