Nov 23
HomeLoginBrowseNewsTV SchedulePreferenceHelp
 

Male starlet 'di pinayagang umalis sa home studio ng gay friend

Author: Ed de Leon
Column: Dream

MATAGAL ang kuwentuhan namin ni Rey Valera nang magkaroon sila ng press conference para sa Legends of OPM Concert na gaganapin sa PICC sa Dec. 30.

Kasama sa concert ni Rey ang iba pang tinatawag ding legends ng OPM na sina Rico J. Puno, Nonoy Zuniga, Claire dela Fuente, Eva Eugenio at Joey Albert.

Isang bagay ang inamin sa amin ni Rey ay una, medyo disappointed din siya dahil habang noong kanilang kapanahonan ay itinataas nilang pilit ang panlasa ng publiko sa musikang Pilipino, nang lumaon ay natabunan din ng novelty songs ang kanilang ginagawang matitinong kanta.

Pero natanggap na rin naman daw niya ang katotohanan na hindi madidiktahan ang publiko.

Kahit na anong ganda ng gawin mong kanta, kung ang gusto ng publiko ay iyong novelty na kung minsan ay wala talagang kawawaan, wala ka ring magagawa.

Pero, ang nakalulungkot nga lang daw ay may mga kantang medyo bastos o kaya naman ay nagtuturo ng masamang values.

Kung minsan ay natatakot siyang ang mga iyon ang matutuhan, lalo na ng mga batang makaririnig ng mga ganoong klase ng awitin.

Ang isa pang sinasabi niyang nakalulungkot ay ang katotohanang hindi na nga yata mapapatitigil ang music piracy.

Aware naman daw siya sa ginagawang pagsisikap ng pamahalaan laban sa piracy, pero mahirap talagang mapatigil.

Sa halip ngang mabawasan, lalo pang dumarami ang mga pirata.

Ang music pirates daw ay hindi lang 'yong gumagawa ng fake CDs, kung di ganoon din ang nagda-download ng musika sa pamama-gitan ng Internet.

* * *

NATAWA na lang kami sa aming narinig.

Hindi naman daw totoong naka-P10 milyon ang pelikula nina Dingdong Dantes at Marian Rivera noong first day ng showing nito.

Sabi ng apat sa aming sources, mahigit na apat na milyong piso lang ang actual na kinita ng pelikula noong first day ng movie.

Eh, sino ba naman ang naniniwala sa press releases kung magkano ang kinita ng isang pelikula?

Dito sa atin, parang normal na nga 'yong dinadagdagan nang mas malaki pa sa talagang kita ang sinasabi nilang box-office income nila sa kanilang press releases.

Pero tingnan ninyo kung magkano naman ang report nila sa BIR. Wala naman sa kanilang umaamin ng totoong kinita ng pelikula.

* * *

GUSTO na raw talagang umalis ng isang male starlet sa kanyang home studio.

Pero pinigilan siya ng kanyang "gay friend" na naniniwalang mas may future pa siya sa kanyang home studio kaysa sa mga nanunulot sa kanya.

At least sa kanyang home studio, bistado nang mahina ang kanyang batak.

Doon sa kabila, aasahan pa siyang bumatak nang napakalaki.

Papaano nga ba kung para na siyang palakang wala nang mabatak.

Mukhang makikinig naman ang male starlet sa kanyang gay friend.

Bakit gusto ba niyang maputulan siya ng sustento?

Source: Taliba