|
|
| Mall tour, 'di sinipot ni KristineAuthor: Vinia Vivar Hindi nakasipot kahapon si Kristine Hermosa sa mall tour ng Prinsesa ng Banyera sa Metro Town Mall, Tarlac City. Nagpasabi raw ang aktres na busy siya na hindi naman daw sinabi kung saan. Siyempre, walang magawa ang staff, pero kung sila ang tatanungin, importante na nandu'n ang aktres dahil ito ang bida ng teleserye. Okay lang sana kung hindi ito ang bida. Mabuti pa nga raw 'yung supporting cast at nagsidating. Siyempre, si Kristine ang mas hinahanap ng tao sa mall tour. Puring-puri tuloy ng lahat si Angelika dela Cruz, isa sa lead support, dahil alas-tres ang mall tour, pero alas-dose pa lang ay dumating na. Well, sa totoo lang, marami na kaming naririnig na negatibong komento kay Kristine sa loob ng ABS-CBN. We just hope na maayos ng aktres ang working relationship niya with other people dahil sa career niya ito magre-reflect. Siya rin, maraming bagong nagsusulputan ngayon. * * * Kay Kristine pa rin, kahit panay ang deny nila ni Oyo Sotto na may namumuong relasyon sa kanila, contradicting naman ito sa nakikita sa kanila. Heard na panay daw ang bantay ni Oyo sa set ng Prinsesa ng Banyera at hindi naman siguro magbabantay ang isang lalaki sa babae kung wala siyang gusto rito o wala silang relasyon. Pero mas gusto naman daw ng staff na nakabantay si Oyo sa set dahil masaya si Kristine at ganadong magtrabaho kapag nandu'n ang aktor. This is so unlike Palimos ng Pag-ibig days na laging wala sa mood si Tin sa set kapag nag-aaway sila ni Diether Ocampo. Kung si Oyo pala ang susi sa magandang mood lagi ni Kristine, bakit hindi na lang kaya idagdag ang aktor sa cast ng Prinsesa ng Banyera nang sa gayun ay masipot na nito pati ang mall tour? * * * Kinakantiyawan si Eunice Lagusad sa ABS-CBN dahil Becky ang pangalan ng karakter niya sa Princess Sarah. Kapangalan pa raw kasi ang manager niyang si Becky Aguila. "Kaya huwag mong ipapahiya ang manager mo, ha," say kay Eunice ng mga taga-ABS-CBN. Ang character na Becky sa Princess Sarah ay best friend ni Sarah Crewe, na ginagampanan naman ni Sharlene San Pedro. Ito ang karakter na ginampanan ni Angelica Panganiban sa movie version nito. Kasama na rin si Eunice sa Goin' Bulilit, kaya talagang Kapamilya na rin ang child actress na nakilala bilang "Charming" sa Bakekang ng GMA-7. * * * Napanood na ni Derek Ramsey ang sinasabing sex video nila ni Angelica Panganiban at ang layo naman daw ng hitsura sa kanilang dalawa ng mga performer. Para kay Derek, ni hindi nga raw nila kamukha kaya paano kaya nasabing sila ni Angel 'yun? 'Yung guy daw, maputi, samantalang siya'y maitim at wala rin itong malaking tattoo sa likod na gaya ng sa kanya. Sa tantiya ni Derek, parang Chinese 'yung lalaki sa sex video. 'Yung babae naman, makapal ang make-up at hindi raw ganu'n si Angel. Kinakantiyawan nga siya ng mga kaibigan na dapat ay maging proud siya dahil ibig lang sabihin nito, sikat na siya komo naisyuhan na siya ng sex video. Si Derek ang isa sa important stars ngayon ng ABS-CBN at sinasabing susunod sa mga yapak nina Piolo Pascual at Sam Milby. Kasalukuyan siyang napapanood sa Ysabella with Judy Ann Santos and Ryan Agoncillo at gumagawa ng dalawang pelikula sa Star Cinema, ang Sakal, Sakali, Saklolo at The Wedding. Source: People's Tonight |