Nov 24
HomeLoginBrowseNewsTV SchedulePreferenceHelp
 

Maraming tutol... Dingdong at Marian kasama na sa Walk of Fame

Maraming tutol... Dingdong at Marian kasama na sa Walk of Fame

Author: Master Showman Kuya Germs
Column: That's Entertainment

Makakasama na sina Dingdong Dantes at Marian Rivera sa mga natatanging artista na mabibigyan ng kanilang estrelya sa Disyembre sa Eastwood Walk of Fame.

Talaga sigurong hindi mo mapapasaya ang lahat ng tao sa lahat ng pagkakataon. Biruin mo, marami ang hindi sang-ayon dito dahil katuwiran nila lubhang napakaaga raw para mabigyan ng ganitong parangal ang dalawa. Marani raw mas deserving sa kanila.

Siguro nga, sa opinyon nila pero, sa ganang akin, wala sa edad yang mapasama sa Walk of Fame. Sapat na para sa akin na makapagbigay ng di matatawarang kasiyahan sa mga tagahanga ang artista para sila  bigyan ng parangal.

Unprecented para sa akin yung kasikatan na itinala ng MariMar kung kaya nagpasya akong kahit maaga pa ay kilalanin na ang kanilang naging ambag sa industriya.

* * *

Pero kina Eddie Mesa at Rosemarie Gil na makakabilang din sa Walk of Fame sa buwang ito kasama nina Sylvia La Torre, Oscar Oblgacion, Linda Estrella, Rudy Concepcion at Rosario Moreno ay walang tumututol. Katwiran nila, may edad na raw ang mga nabanggit at panahon na para sila mabigyan ng parangal sa ganitong paraan. Ang tinututulan lamang nila ay ang kabataan nina Dingdong at Marian pero, hindi ang achievements nila.

* * *

Nakabalik na ang grupong pumunta ng Dubai para gawin ang Codename: Asero sa pangunguna nina Richard Gutierrez at Heart Evangelista.

Hindi raw pala ganun kadali magtrabaho sa Dubai. May mga eksena at costume silang kailangang ikuha ng permiso. Di puwede dun 'yung mga damit na parang naka-bra lamang at yung nakalabas ang tiyan. Pero pinaka-malaking sakripisyo ng grupo ay yun matinding init na dinatnan nila. Pero sa kabila ng lahat ng ito, mabilis na nakatapos ng kanilang trabaho ang grupo.

Siguro talagang binilisan nila ang trabaho para agad na matakasan ang init.

* * *

Bibigyan namin ng tribute sa Walang Tulugan ang superstar na si Nora Aunor na nagdiriwang ng kanyang kaarawan sa  buwang ito ng Mayo. Matutuwa ang mga fans na siyang nag-request nito sa akin.

Tingnan mo nga naman ang mga fans. Kahit matagal nang hindi nakikita ang kanilang Nora ay hindi nawawala ang kanilang paghanga at pagmamahal sa kanilang idolo. Sa halip, habang nami-miss nila ito ay mas lalong tumitindi ang kanilang pagmamahal sa kanya. Baka nga hindi matuloy yung binabalak na pagko-concert dito ni Nora dahil nakakuha na ito ng green card.

Pero, umuwi man o hindi si Nora, hindi kailanman mapapawi ang pagmamahal sa kanya ng mga Noranians.

Sa Walang Tulugan, magpapakita kami ng mga video clips ng mga natatanging movies at mga events sa buhay ni Nora.

* * *

Iprinisinta na raw sa media ang 24 na finalists ng Pinoy Idol. Mga batang bata pa raw sabi ni Vero pero, talagang magagaling nang kumanta. Marami ang pwedeng pwedeng maging Pinoy Idol at naniniwala si Vero na babae ang magiging 1st Pinoy Idol. Bukod sa artistahin daw  ang mga babae ay may natatanging boses pa. Aber mapanood nga at tingnan  natin kung marunong ngang pumili ng winner si Vero.

Source: The Philippine Star