Nov 23
HomeLoginBrowseNewsTV SchedulePreferenceHelp
 

Marian Rivera ready for more daring roles in '09

Author: GMANews.TV
Column: Entertainment

MANILA, Philippines - Mas may kumpyansa na raw ngayon sa sarili si Marian Rivera kaya handa na siyang sumabak sa mga mapangahas na eksena tulad ng ginawa niya sa bagong fantaserye na, "Ang Babaeng Hinugot sa Tadyang" na tiyak na aabangan ng kanyang mga tagahanga.

Hindi tulad ng mga naging karakter ni Marian sa "Marimar" at "Dyesebel" na inosente at inaapi, ibang Marian ang masasaksihan sa "Ang babae..." kung saan dominante at agresibo ang papel na kanyang gagampanan.

Kaya naman wala na rin daw siyang kyeme sa pagsusuot ng mga seksing kasuotan tulad ng two-piece bikini, ayon sa Chika Minute portion ng GMA news 24 Oras nitong Biyernes.

"First time kong gawin na naka-two piece ako na walang takip, naglakad pa ko dito. Kasi sa 'Marimar' isang lakad lang tapos may takip, tapos exit na ako kasi 'di ko talaga kaya. Dito (sa Ang Babae...) nagsu-swimming pa ko na naka-two piece, naglalakad pa ko, nag-dive pa ko, lahat naka-two piece lang ako," kwento ng aktres.

Marami rin daw silang love scene ni Dingdong Dantes sa bagong proyekto. Pero mas kumportable na raw sila ngayon na gawin ang mga maselang eksena sa ikatlo nilang pagtatambal.

"Siguro mas alam na namin kung papaano i-handle ang isa't-isa, tapos si Direk Joyce (Bernal) pa uli ang director namin. Alam nyo kung paano nya kami hugutin sa bawat eksena at emotions namin," dagdag ni Marian.

Kaya nang tanungin ang dalaga kung mas seksi at mas daring na Marian ang pwedeng asahan ngayong 2009, sagot niya. "Siguro sabihin na lang natin na Oo. Ngayon lalo akong nagkaroon ng tiwala sa sarili ko na nakaya ko sya at siguro dahil sa mga nakapaligid sa akin dahil alam kong aalagaan ako."

Pero higit sa lahat, ang suporta raw na ibinibigay ng mga fans ang higit na nagbibigay ng lakas ng loob kay Marian. - Fidel Jimenez, GMANews.TV

Source: GMANews