Nov 24
HomeLoginBrowseNewsTV SchedulePreferenceHelp
 

Marian Rivera ready for rating with past Darnas

Author: GMANews.TV
Column: Entertainment

MANILA, Philippines - Pagkatapos ng ilang linggong panghuhula kung sino ang gaganap bilang bagong Darna, pormal nang in-announce ng GMA noong Huwebes (April 23) na si Marian Rivera ang gaganap sa sikat na Pinay superhero character.

Base sa past interviews ni Marian kapag tinatanong siya kung siya ba ang gaganap na bagong Darna, wala siyang naging sagot na diretso. Wala raw siyang alam tungkol sa magiging next TV project niya after "Ang Babaeng Hinugot Sa Aking Tadyang."

"Yung mga sinasagot ko before sa mga interviews sa akin tungkol sa 'Darna' project, totoo 'yon. Wala pa silang sinasabing new project ko at malayo ang project na 'Darna' sa isipan ko. Nasabi lang nila sa akin na pambata na project ang gagawin ko.

"Masaya ako kasi kahit na sinong artistang babae ay nangarap na gumanap sila bilang si Darna, di ba? Ibang klase ang dating ng project na ito. Kaya gagawin ko ang makakaya ko para hindi ako mapahiya sa kanilang lahat," saad ng bagong Darna.

Handa na rin si Marian sa gagawing comparison sa kanya with the other actresses na gumanap bilang Darna, lalo na sa huling gumanap nito sa TV na si Angel Locsin.

"Ready naman ako sa ganyan kasi hindi naman maiiwasan talaga," ngiti ni Marian. "Noong ginawa ko ang 'Marimar,' I was compared kay Thalia, di ba? Tapos noong gawin ko ang 'Dyesebel,' na-compare din ako kay Ms. Vilma Santos. Kahit sino naman yata na gumanap na Darna, maku-compare sa mga gumanap na bilang Darna in the past.

"Kaya hindi ako worried sa pag-compare, kasi part na 'yan ng trabaho natin. Hindi maiiwasan talaga at wala akong problema sa ganyan. Ang sa akin lang ay gagawin ko ang dapat para maging credible ako sa pagganap ko as Darna."

The preparation

Marami raw gagawin na pagbabago si Marian sa kanyang sarili bilang paghahanda sa pagganap niya bilang Darna. Dadaan daw siya sa matinding training para fit ang kanyang katawan. Kailangan din na maintained ang kaseksihan niya dahil sexy ang costume ni Darna.

"Nabanggit na nga nila sa akin na may mga training akong gagawin. Kasi, ang pagganap ng Darna ay physically and mentally draining. Lahat ng emosyon mo bilang isang artista ay ilalabas mo rin, kasi hindi lang naman basta lumalaban si Darna. Tao rin siya na magpapakita ng emotions niya sa lahat ng sitwasyon.

"Kaya ngayon pa lang ay hinahanda ko na ang sarili ko. Tinatanong ko na nga ang mga kailangan kong gawin, kasi alam kong malaking challenge ito for me. Tungkol sa pag-maintain ng kaseksihan, walang problema doon kasi binabantayan ko naman ang sarili ko," saad ni Marian.

Wala pa raw napipiling aktor na gaganap na Efren, ang love interest ni Darna. Para kay Marian, open na siya na makatambal ang kahit na sino ngayon dahil maghihiwalay muna sila ng ka-love team niyang si Dingdong Dantes.

"Siguro it's time na may iba na akong makakasama ngayon sa new project," aniya. "Kailangan na nating gawin 'yon para na rin sa ikagaganda pa ng career namin ni Dingdong. Nasabi ko naman kay Dong na mami-miss ko talaga siya. Kasi nga, ever since 'Marimar,' 'Dyesebel,' at 'Ang Babaeng Hinugot sa Aking Tadyang,' si Dong na ang nakasanayan kong makasama araw-araw sa taping.

"Kaya nga noong last taping day namin, naiyak talaga ako kasi alam kong mami-miss namin ang isa't isa. Pero kung may pagkakataon ba na magiging guest si Dong sa 'Darna,' bakit naman hindi puwede, di ba? Bahala na ang mga writers at mga taga-GMA-7 sa desisyon na ;yan. Basta ako, open na ako to work with another actor, at gano'n din si Dong na puwede na siyang tumambal sa ibang artistang babae."

Isa pa lang ang sigurado na makakasama ni Marian sa "Darna." Ito ay ang bata na gaganap bilang si Ding - si Robert "Buboy" Villar. Marami kasi ang nagkagusto sa magandang chemistry nila ni Marian noon sa "Dyesebel."

As for the rest of the cast, magkakaroon pa ng ilang series of production meetings para mabuo ang istorya at bagong look ni Darna. Ibabagay raw nila sa personality ni Marian ang bagong Darna, pero nandoon pa rin ang original qualities ng naturang comics character na nilikha ni Mars Ravelo.

Ayon sa mga anak ni Mars Ravelo na sina Ruby Austria at Zaldy Ravelo, sang-ayon sila na si Marian ang kinuha ng GMA para maging bagong Darna. Nang ikonsulta sila tungkol kay Marian, agad silang pumayag dahil para sa kanila, ang aktres ang "pinakamaganda at pinaka-sexy" na artistang gaganap bilang Darna. Ruel J. Mendoza, PEP.ph Email this | Email the Editor | Print |

Source: GMANews