|
|
| Marian at lalaking nakabangga, nagkabati naAuthor: Nitz Miralles Siniguro ng isang Lawrence Marbeda na makararating sa amin ang in-email niyang video ni Marian Rivera na tinawag niyang Pagmumura at pagwawala sa shooting ng Dyesebel, kaya tatlong beses niyang ipinadala sa amin 'yun. Kasama kaya ng taong nakabangga ng actress ang kumuha ng video? Pinanood namin ito at ikinuwento kay Marian kung ano ang nasa video nang makausap namin sa taping ng Dyesebel. Matagal na palang nangyari 'yun at nagulat pa ito kung bakit ngayon lang kumalat at na-post sa YouTube. Hiningi at pinakinggan namin ang side ni Marian sa ikinakalat na video na nangyari sa taping nila sa Subic. "Sa Subic nga nangyari 'yun. Alam ng lahat na bawal mag-video, lalo kung 'di pa umeere ang eksena. Nakita ko 'yung mama na nagbi-video, kaya biniro ko na bawal ang ginagawa niya. "Tinanong ko pa kung taga-saan siya. Sumagot siya ng pabalang at nagulat ako. Sabi, ikaw ba ang bini-video ko? Nagkasagutan kaming dalawa. Tinanong ko uli kung staff siya? Ang sagot, nakaupo raw siya at ano raw ang pakialam ko? "Kahit payat at maliit ako, 'di ako papayag na apihin ako, Caviteña ako. Walang nang-aapi sa akin, lalaban ako. Nagulat lang ako, ba't ganu'n ang reaction niya. First time may gumawa sa akin ng ganu'n at lalaki pa. " May kasama ang video na paulit-ulit na sinampal ang lalaking nakasagutan ni Marian, pero hindi ipinakita kung sino ang nanampal at kamay lang ang nakikita. Parang lumalabas na ang actress ang nanampal, bagay na itinanggi nito. "Wala akong sinampal, nagkasagutan lang kami. 'Di ko nga siya hinawakan," pahayag ni Marian. Ang hindi nakunan o sinadyang hindi i-follow-up ay ang nangyari the day after the incident kung saan nagkausap sina Marian at ang lalaking nakabangga niya. Sabi ni Marian: Kinabukasan, pumunta uli siya sa set, bumalik siya at nagka-usap kami. Nahimasmasan yata, nagkaayos kami at nagkapaliwanagan. Alam ko sa sarili ko na wala akong masamang ginawa at ipinagtanggol ko lang ang sarili ko, dahil binastos ako. " Sa nagsabing baka frame-up ang nangyari, ang sagot ni Marian ay "Bahala na sila. Ang importante sa akin, 'di ako nag-power-trip. Okey lang sa akin siraan at pintasan, tanggap kong part 'yun ng showbiz," sabi nito. Mabuti na lang at hindi nasira ang mood ni Marian sa dala naming balita, dahil after her scenes sa Loyola Grand Villas, tumuloy pa sila ni Dingdong Dantes sa Ocean Park for more scenes na kukunan ni Direk Joyce Bernal. Thankful ito sa tuluy-tuloy na suporta ng fans sa kanya at sa top-rating na Dyesebel. * * * Napansin naming nakasuot ng GMA Network jacket si Direk Joey Reyes nang pumirma ng kontrata sa GMA Films. Ang tsika sa amin, nanghingi siya ng jacket para isuot sa nasabing okasyon, kung saan pumirma siya ng three-picture contract sa nasabing movie company. Una sa kontrata ni Direk ang My Monster Mom nina Ruffa Gutierrez at Annabelle Rama, kasunod ang When I Met You nina Richard Gutierrez at KC Concepcion, at ang movie nina Gabby Concepcion at Iza Calzado. Inamin ni Direk na inilapit sa kanya ng Star Cinema ang pagdidirek sa pelikula rin ng dalawa, but he turned it down. "Hindi na ako nakipag-usap, I already gave my word to GMA at importante sa akin ang palabra de honor. Hindi ako magpapakaswapang to do both movies. "Ang GMA Films ang unang nag-offer sa akin, so I would do it for GMA. They believe in me that I can do this project. Kung sino ang bilib sa akin, bibilib din ako. Hello, Kapuso!" Looking forward si Direk na hindi lang three movies ang gagawin niya sa GMA Films, dahil nag-i-enjoy siya. Magkakaroon na rin siya ng chance na makatrabaho sina Iza, Dennis Trillo, JC de Vera at iba pang Kapuso stars. * * * Hindi na pala naghiwalay sina KC Concepcion at Richard Gutierrez after pumirma ng kontrata ang una sa GMA Films. Magkasama rin silang nanood ng dress-tech o dress at technical rehearsal ng concert ni Lea Salonga sa PICC. Nai-text sa amin na super sweet ang dalawa na naka-upo sa front row ng PICC. Napansin din ng mga kasabay nilang nanood na comfortable sa isa't isa sina KC at Richard at parang matagal na talagang magkaibigan. Sa closeness at sweetness nila, 'di kami magugulat kung mauwi 'yun sa romansa at tiyak na walang kokontra. * * * Dahil sa maraming request, ire-replay ang dokumentaryong Signos: Banta ng Nagbabagong Klima today, 9:10 p. m. , sa Q-11. Sa tradisyon ng An Inconvenient Truth ni Al Gore, ipapakita ng Signos ang nangyayari sa bansa dala ng pagbabago ng klima. Binuo ito ng award-winning journalists ng GMA News & Public Affairs na sina Maki Pulido, Raffy Tima at Howie Severino. Kasama rin ang Filipinong NASA senior research scientist na si Dr. Josefino Comiso at mga dalubhasa ng International Rice Research, Marine Science Institution, Greenpeace at World Wildlife Fund. Una itong ipinalabas sa GMA-7 noong April at umani ng positive feedback sa viewers. Ang Greenpeace advocate na si Richard Gutierrez ang magsasalaysay ng Signos. Source: People's Tonight |