Nov 22
HomeLoginBrowseNewsTV SchedulePreferenceHelp
 

Marian, binigyan ng sports car si Dingdong? “Hindi ako sugar mommy ni Dingdong!”

Marian, binigyan ng sports car si Dingdong? “Hindi ako sugar mommy ni Dingdong!”

Author: Jun Nardo
Column: I Know Better!

NAGDAOS ng thanks­giving party ang cast, staff and crew ng Darna last Monday sa taping, dahil sa pagiging consistent top rater nito.

Bago ang dinner, nagkarooon ng mass na dinaluhan siyempre ng cast led by Marian Rivera, Mark Anthony Fernandez, Nadine Samonte, Iwa Moto, Gabby Eigenmann, Kevin Santos, Roxanne Barcelo, Caridad Sanchez, direk Domi­nic Zapata, GMA execs Lilibeth Rasonable at Redgie Acuna Magno at iba pa.

Siyempre, ang unang paglipad ni Marian bilang Darna ang agad naming kinumusta sa dalaga.

“Excited! Ang sarap ng feeling. Actually, laking pasasalamat ko dahil may training. Dahil lipad, tapos, bagsak! Kailangang nakaporma ka. Hindi puwedeng ma-out of balance ka. Maraming beses nang nakunan na naka-Darna ako!” kuwento ni Marian.

Hindi na ba siya naku-conscious sa seksing costume niya?

“Hindi na ngayon. Nag-launching kasi ako ng Darna at doon ko una­ng naramdaman sa sarili na okey na. Parang na-overcome ko na 'yon. Nu'ng una, parang kami pa lang ang nakakakita. Eh, sa pictorial, sobrang limited ng tao. Doon talaga sa launching ng Darna naramdaman ko na kaya ko na siya. Hindi na ako nahihiya!” paliwanag pa ng Primetime Queen.

Ano ang masasabi niya sa mataas na ratings nila?

“Masayang-masaya ako! Sa ngayon, suwerte na 'yung makakuha ka ng 30 something. Tapos ngayon, biniyayaan kami ng 44, 42, 46. So, thankful kami talaga. Siguro dahil din sa cast. Lagi ko namang sinasabi na hindi lang dahil sa akin 'yon. Sa cast na nagtulung-tulong, sa crew, sa staff.

Tulung-tulong kaming lahat.”

Teka muna, napanood ba niya sa ETC channel 'yung paglabas ni Dingdong Dantes bilang isa sa sexiest ng mundo?

“Bakit naman napunta doon? Darna muna tayo! Ha! Ha! Ha!” paiwas na sagot ni Marian.

Sige na nga. Okey, kumportable ka na sa costume mo?

“Oo! Naglalakad nga ako minsan diyan na 'yon ang suot at ako pa ang sinasabihang mag-robe! Ha! Ha! Ha!

“Dati, 'O, walang titingin! Ayoko! Umalis kayo lahat!' Ha! Ha! Ha! Ngayon, nasanay na ako!” sabi niya.

Plano na ba niyang bumili ng dream house at mag-asawa? May kasalan na bang mangyayari?

“Aaayyy! Wala pa!” tili ni Marian.

Hindi pa ba nagpu-propose si Dingdong?

“Ano ba kayo?” iwas niya.

May balita na binigyan mo raw ng sports car si Dingdong?

“Hindi! Ano ako, sugar mommy niya? Mas mayaman pa si Dong sa akin, kaya bakit ako magbibigay ng ganoon? Ha! Ha! Ha! At saka, kawawa naman 'yung tao. Parang nakakainsulto naman sa kanya na kailangan kong magbigay ng ganoon kung kaya naman niyang bilhin!

“Hindi siya pang materyal na bagay. Naniniwala ako na ang tao ay hindi lang pangmateryal na bagay kaya nagiging masaya!” sabi na lang ni Marian, na bida rin sa Tarot.

Source: Abante