Nov 22
HomeLoginBrowseNewsTV SchedulePreferenceHelp
 

Marian, humakot ng awards

Author: Nitz Miralles

Mula nang marinig kay Richard Gomez na hindi lahat sa mga kasama sa All About Eve ay magaling, tumutok na kami sa panonood para malaman kung sino sa co-stars ang hindi magaling. Ayaw niyang pangalanan ang tinutukoy na hindi magaling para hindi maintriga.

"Ayokong magbanggit ng name, natuto na akong prumeno," sabi ni Richard.

Mukhang hindi na matutuloy ang movie nina Richard at Sharon Cuneta sa Star Cinema, kaya ang Bente na isa sa anim na pelikula sa Sine Direk Series sa direksyon ni Mel Chionglo ang kanyang gagawin.

"Gusto ko ang project, I like my role so much as the assassin at sabi ko kay Tony Tuviera, not to pay me. Tumawag ako kay Mr. Tuviera at sabi ko, give the role to me. I want change. "

Birthday ni Richard bukas, April 7, pero ang 11th wedding anniversary nila ni Lucy Torres-Gomez ang kanyang pinaghahandaan. Manonood sila ng laban nina Manny Pacquiao at Ricky Hatton at isasama nila ang anak na si Juliana.

Sa AAE mamaya, laya na si Katrina (Jean) na ikinagalit ni Alma (Eula). Pumunta si Katrina sa harap ng bahay nina Frederico at nagulat sa nakitang si Alma ang sumalubong sa lalaki at humalik pa.

Ibinalita ni Judith (Angel Aquino) na si Nicole (Iza Calzado) ang segment host at umapela si Erika (Sunshine Dizon) dahil siya ang gumawa ng segment at siya dapat ang host.

* * *

Humakot ng awards si Marian Rivera sa Kapuso Tag Awards ng GMA-7 at thankful ito sa mga bomoto sa kanya. Suportado pa rin ng fans ang mga ginagawa ng actress, gaya nang pagsuporta sa kakaibang role niya sa Ang Babaeng Hinugot Sa Aking Tadyang kahit may mga hindi sang-ayon.

Sa Ang Babaeng..., pinakapagod si Marian, pero wala siyang reklamo. Sa hospital scenes niya, 56 sequences ang kanyan ginawa at walang tigil ang kanyang pag-iyak. Totohanan din ang sampal sa kanya ni Carmi Martin at sabunot ni Francine Prieto.

"Pinakamatinding eksena 'yung sampal ni Ms. Carmi at ngayon lang uli ako nasampal ng ganu'n kalakas. Minsan, napapaiyak ako, pero nagso-sorry sila pagkatapos," tsika ni Marian.

Marami pang aabangang eksena kina Marian at Dingdong sa soap, gaya this Monday, si Proserfina (Marian) ang magpo-propose ng kasal kay Homer (Dingdong Dantes) at tinanggap ng binata. Dumating si Heleen (Angelu de Leon) sa ospital at ibinalitang buntis siya at si Homer ang ama.

Samantala, may next project na si Marian after Ang Babaeng..., pero ayaw pang banggitin kung ano, basta pambata.

"Pambata siya, pero mahirap, mabigat at sabi sa akin, ikondisyon ko na ang sarili ko. Ang katumbas ng next project ko ay Marimar, Dyesebel at Tadyang. Hindi siya madali, mabigat siya at kailangan kong ihanda ang sarili ko. "

Darna ba ito? Hindi ba tinanggihan na niya ito?

"Sino ba naman ang aayaw sa Darna? Kung ibibigay sa akin, gagawin ko. Ayoko dati dahil ayaw kong nasa kalye ako na naka-bra lang. Pero, sa dami nang pinagdaanan ko at ginawang commercial na naka-two-piece ako, bakit hindi? Sayang naman kung tatanggihan ko. "

* * *

Twelve years old na ang anak na babae ni Keem-pee de Leon at nakita namin ang picture ni Samantha sa kanyang lap- top nang ipakita ang mga litratong kuha niya na aabot na sa one thousand. Kay Francis Magalona siya humihingi ng advice noong nabubuhay pa ito.

May ilalapit na project si Keempee sa management ng GMA, isang photo exhibit ng Kapuso stars na nahihilig din sa photography.

Puwedeng gawin ang exhibit sa bagong studio ng Ch. 7 at ang kikitain ay ibibigay nila sa GMA Kapuso Foundation. Binanggit nito sina Richard Gomez, Michael V. , Joanne Quintas, Mark Herras at Rainier Castillo na photo buff at idagdag pa sina Ogie Alcasid at Ariel Rivera.

"Balak palang ito at sana matuloy. Nakita ko na ang photos nina Bitoy at Goma at talagang magaganda. Lalo akong nai-inspire sa hobby ko at nakakaalis pa ng stress," wika ni Keempee.

Naninibago pala ang viewers ng All About Eve dahil hindi gay ang role ni Keempee, kundi executive producer sa TV na babaero, happy go lucky at relax lang ang character.

Source: People's Tonight