Nov 23
HomeLoginBrowseNewsTV SchedulePreferenceHelp
 

Marian kinompronta si Rhian sa sobrang selos?

Author: Beth Gelena
Column: E-talk

HABANG tumatagal ang pagsasama nina Dingdong Dantes at Rhian Ramos sa kanilang teleseryeng Stairway to Heaven ay lalong nagkakaroon ng bonding ang dalawa.

Ito kaya ang dahilan kung bakit may lumabas na tsikang kinumpronta diumano ni Marian Rivera si Rhian sa sobrang closeness nito sa dyowang si Dingdong?

Nakarating na yata kay Marian ang magagandang comment ni Dingdong kay Rhian kaya "super selos" ito sa bagong kapareha ng boyfriend.

May tanong kasi kay Dingdong kung naseseksihan ba siya kay Rhian.

Sagot ni Dong: "Like I always say, her asset is how she carries herself. Lalo na kapag naglalakad siya. And I believe naman na 'yung ganoong aspeto na nadadala niya ang sarili niya, kailangan, may kaakibat na kaseksihan 'yan. Otherwise, walang dating. But she carries herself very well and when she walks, para siyang nagga-glide. "

Inamin din ng hunk actor na gusto niyang makilala nang husto ang kanyang bagong kapareha.

Naku, Marian!

Ano ang masasabi mo sa mga dialogue na ito ni Dingdong ?

Hindi kaya maagaw ni Rhian si Dingdong especially na very vocal ang young actress na kung single lang daw si Dong ay posibleng ma-inlove siya sa binata.

Hindi ba't single pa rin naman si Dingdong?

Kasal na ba sila ni Marian? Hindi pa naman 'di ba?

Eh, di may pag-asa ka pa, Rhian.

Naku, ayaw ni Tita Mercy (Lejarde) nang ganyan.

* * *

SOBRANG naaawa si Angel Locsin sa mga naging biktima ng bagyong Ondoy at Pepeng kaya hanggang ngayon ay patuloy pa rin itong namamahagi ng relief goods sa iba't ibang bahagi ng Metro Manila at probinsiya, lalo na sa Northern at Central Luzon kasama ang ilang Kapamil-ya stars.

Alam ni Angel na kulang ang relief goods na kanilang ipinamimigay dahil sa rami ng mga biktima kaya nag-isip siya ng ibang paraan para maipagpatuloy ang pagtulong.

Kaya naisip ng aktres na mag-organize ng online auction para makakalap pa ng pondo sa gagawing rehabilitation program ng Red Cross.

Katuwang ni Angel sa project niyang ito sina Anne Curtis, Dimples Romana at Kris Aquino. Happy si Angel dahil maraming kapwa-artista niya ang willing magbigay ng gamit na puwede nilang maibenta online.

Kahit ano na puwedeng ibenta tulad ng old accessories, alahas, at memorabilias ay tanggapin nila.

May website silang ginawa at si Kris mismo ang magsusulat ng introduction at description ng items na kanilang io-auction.

"Hindi ko 'to magagawa kung wala sila. Si Anne sobrang nakakaaliw kasi memorize niya lahat ng mga presyo ng bag. 'Yung Hermes na idinonate ko sob-rang mahal ko 'yung bag na 'yun. Ipapamana ko sana sa magiging anak ko. Kaya lang siyempre iisipin mo, kung gusto mong tumulong, kailangan mag-sacrifice ka din," say ni Angel.

Balewala rin sa aktres kung intrigahin man siya sa kanyang ginagawang pagtulong, basta ang importante ay tumutulong siya nang bukal sa kanyang puso.

* * *

NO show si Aljur Abrenica sa unang paghaharap para sa preliminary investigation sa Department of Justice (DOJ) last October 7 para sa isinampang kaso laban sa kanya ng 15-year-old na non-showbiz girl na nakilala niya sa Puerto Galera nu'ng nakalipas na Holy Week.

Matatandaang sinampahan ng dalagita ng acts of lasciviousness o pangmomolestiya ang Kapuso actor.

Tanging abogado ni Aljur na si Atty. June Ambrosio ang humarap sa DoJ habang present naman ang nag-aakusa kay Aljur at lahat ng witnesses nito.

Ang dahilan ng aktor ay katatanggap lang daw niya ng subpoena nu'ng October 2 at ang hearing ay naka-set ng Oct. 7.

Ayon sa attorney ni Aljur, out-of-town ang kanyang kliyente at ikinatwiran pang kulang ang mga dokumentong ibinigay ng NBI sa kanila. Nagpa-reset ng hearing ang abogado ni Aljur sa October 21.

Personal na kayang siputin ng aktor ang hearing sa araw na ito?

Sana ay mabigyan ng hustisya ang nangyari sa dalagita dahil nakita namin na nagkaroon ng trauma ang non-showbiz girl na ito.

* * *

MAY continuation ang love story nina Kaye Abad at Guji Lorenzana after mapanood sila sa Precious Hearts Romance Presents. .. Bud Brothers.

Marami ang nagkagusto sa loveteam nina Pepper at Rei sa Bud Brothers kaya ibinabalik ng ABS-CBN ang dalawa kung saan sa kanila na iikot ang istorya ng PHRP. . Somewhere In My Heart na mapapanood na ngayong Lunes ng hapon.

Excited na si Kaye na malaman kung paano gagawin ang kanilang mga eksena lalo na ang inaabangang love scene.

"Nae-excite ako dun kasi madre ako and at the same time may gusto siya sa akin. Paano niya ako aakitin, kung ano 'yung mangyayari ay dapat mapanood ito ng viewers," say ni Kaye.

Aminado din si Guji na mas komportable na sila sa isa't isa.

Natawa naman si Direk Cathy Molina nang tanungin kung may espesyal na pagtitinginan na ang dalawa.

May nabubuo na kayang real life romance kina Kaye at Guji?

Naku, ayaw ni Chito Miranda nang ganyan.

Source: Taliba