Nov 23
HomeLoginBrowseNewsTV SchedulePreferenceHelp
 

Marian nababaitan at naguguwapuhan kay Piolo

Marian nababaitan at naguguwapuhan kay Piolo

Author: Veronica R. Samio
Column: Sanga-sangandila

Nagkaroon ng formal launching ang bagong TV5 na magkatulong na itata­guyod ng MPB Primedia, Inc. at ng kumpanya pa rin ni Tony Boy Cojuangco, ang Associated Broadcasting Company (ABC) na pamumunuan ni Christopher Co Sy bilang CEO. Layunin ng bagong TV5 na yanigin ang naka­ugalian nang ugali sa panonood ng mga Pinoy sa pamamagitan ng  mga programa na magpapasaya ng mga nakakabatang manonood.

 Dahil wala pang mga sariling artista, mga artista pa rin na karamihan ay  konektado sa ABS-CBN ang tampok sa mga bago nilang palabas (Ryan Agoncillo, Talentadong Pinoy, Sat. , 8:00 PM,  Victor Basa  at Jon Avila, co-host ni Lucy Torres sa Shall We Dance, Sun. , 9:00 PM, Iya Villania at Archie Alemania, Mysmatch, Mon, 10:00 PM, Sam Concepcion, Lipgloss, Sat. , 5:00 PM, Bayani Agbayani, My MVP, Sun, 6:00 PM, at ilang Kapuso stars, Paolo Contis, Midnight DJ, Mon. , 7:00 PM, sinabi ni G. Co Sy na malaki ang posibilidad na magkasama sa iba pa nilang programa ang mga artista ng dalawang network na nag-uunahan sa numero unong posisyon.

 "Sa ngayon, tama na muna sa amin ang maging number 2 pero okay din na maging third force. Gusto lang naming mabigyan ng alternatibong panoorin ang mga Pinoy dahil hindi kami naniniwala sa TV5 na ang lahat ng manonood ng TV ay gustong manood ng mga kasalukuyang palabas ng dalawang nangungunang networks," aniya.

* * *

Tutol pala ang mga kabataan na maging kontrabida si Marian Rivera kaya pagagandahing muli si Dyesebel. Lalabas na ito sa katauhan ni Cassandra at magiging Dyesebel na na maganda at walang buntot.

 Sinabi ng pinakasikat na babaeng artista sa GMA at maging sa labas nito, okay sa kanya na makapa­reha si Piolo Pascual kapag ipinahintulot ng pagka­kataon.

 "Nagkasama na kami sa isang project. Guwapo at mabait siya at balita ko ay kaibigang-kaibigan ni Direk Joyce Bernal na naging direktor ko na rin," sabi ni Marian.

Meron nga palang gagawing free birthday concert si Marian kasama si Dingdong Dantes sa August 27 sa Araneta Coliseum bilang tribute sa kanilang mga fans.

 Magkakaroon sila ni Dingdong ng isang kapana-panabik na dance showdown. Naghahanda ang dalawa ng mga ispesyal na production numbers na magkahi­walay pero, marami rin silang mga sayaw na pagsasamahan.

* * *

Marami ang ginulat ni  Gabby Concepcion nang gumawa siya ng album sa Warner Music Phils. Oo, alam nilang kumakanta siya. Katunayan, pinagkaka­kitaan niya ito sa Amerika pero, hindi nila alam na dadalhin niya sa 'Pinas ang pagkanta niya.

 Nagtatampok ng pinaghalong classic OPM, standards at ilang sorpresa ang kanyang self-titled abum na kumakatawan sa ilang di malilimutang bahagi ng personal at propesyonal na buhay ni Gabby tulad ng Kung Kailangan Mo Ako ni Rey Valera, Iisa Pa Lamang ni Joey Albert, Give Me A Chance ni Ric Segreto, Nakapagtataka ni Hajji Alejandro, Just Once ni James Ingram, ang medley ng VST & Co. at Hotdog ng Manila, Awitin Mo…Isasayaw Ko, When I Met You, APO at marami pang iba.

* * *

 Ano kaya ang motibo ni Miriam Quiambao at nag-decide itong magpa-sexy, at ba't ngayon lang?

 Sasagutin niya ito sa lahat ng TV viewers ng Showbiz Central ngayong hapon.

 May relasyon ba sina Aljur Abrenica at Kris Bernal na mabibisto sa kanilang pagpayag na lumabas sa Don't Lie To Me face off?

 Dalawa lamang ito sa maiinit na istorya na nakalap ng masisipag na writers ng SC.

* * *

 Napanood n'yo ba kahapon si Gina Pareño sa Maalaala Mo Kaya (MMK)? Nagpa­kita na naman ito ng husay sa pagganap na sigurado namang di puwedeng di pansinin ng mga nangangasiwa ng mga awards giving body sa susunod na  bigayan ng awards. Liyamado na naman si Gina kapag nagkataon. But then, wala namang artista ang hindi gumagaling kapag lumalabas sa MMK.

  Almost all of the artistas ay gustong lumabas sa itinuturing na award winning at longest drama anthology sa TV.

Source: The Philippine Star