|
|
| Marian-Dingdong tukaan nang tukaan!![]() Author: Abante SA presscon ng Tarot, hinulaan ng tarot reader na si Arlene Oliveros si Marian Rivera. Sa simula nga ay ayaw ni Marian na magpahula, dahil hindi pa raw niya nararanasan ang ganun. Pero wala nga siyang nagawa at itinuloy talaga ang panghuhula kay Marian. Mabuti na lang at magaganda naman ang lumabas na hula sa kanya lalo na sa kanyang career at lovelife. Sabi nga, dadami pa raw ang negosyo ni Marian at magkakaroon din siya ng bahay abroad. Magkikita na rin sila ng daddy niya na nasa Spain na ikinatuwa nang husto ni Marian. “Plano ko na talagang magkita kami ng daddy ko after ng Darna. Kung talagang imposible sa aking makapunta roon, ang daddy ko ang pipilitin kong pumunta rito,” sabi ni Marian. Natuwa naman si Marian sa hulang kung sinuman ang present lovelife niya ngayon, posible silang magkatuluyan. Napa “korek!” nga siya nang sabihin ng tarot reader na sa kanilang dalawa, siya ang mas pinagpapasensiyahan. Inamin ni Marian na selosa siyang talaga. Pero nang sabihin na sa part niya mas maraming tukso, tumanggi ito at sinabing wala naman daw. Biro tuloy kay Marian, marami pala siyang lalaki. “Wala akong lalaki 'no! Ang pangit, 'Marian, maraming lalaki! Ha! Ha! Ha!” Nahigitan nga nito ang estado ng kanyang career at family na perfect 10. So, ibig sabihin, lampas pa sa pagiging perfect ang present lovelife niya ngayon, huh! Sabi pa ni Marian, ang birthday niya ngayong taong ito ang pinakamasaya. “Parang lahat nagiging maayos. Sa press naging okey na ko. Natutuwa na rin ako na nagkaroon kami ng bonding-bonding. Sa mga co-stars ko, wala na 'yung intriga na, ay, ganito 'yan sa set. So, wala! As in, sa trabaho, sa pamilya, sa lahat, maayos at talaga namang smooth lahat!” Ano ba ang pinaka-memorable gift na natanggap niya? “Marami! Na-realize ko talaga na sobrang sarap talagang mabuhay lalo na kapag maraming taong nagmamahal sa 'yo at na-a-appreciate ka nila bilang ikaw.” Anyway, itinanggi ulit ni Marian na Porsche at mamahaling bahay ang ibinigay nila ni Dingdong sa isa't isa. “Hindi talaga totoo 'yun! Basta kumain lang kami sa labas after niya akong sunduin sa set ng Darna. At kung anuman ang ibinigay niya, ibinigay na niya 'yun. Ang importante, pinuntahan niya ako sa set kahit na ang layo ng taping ko na hindi ko alam! “Sinurprise niya talaga ako na kinuntsaba niya sila Direk!” At binato pa nga raw niya ng rambutan? “Eh kasi, kumakain ako ng rambutan noon! Nagulat talaga ako! Ha! Ha! Ha!” Ayon kay Marian, more than the material gift pa nga raw ni Dingdong sa kanya, mas bonggang na-appreciate pa raw niya ang surpresang pagdalaw nito at pagsundo sa kanya sa taping niya. Pagkatapos ng presscon ng Tarot, bumaba naman ang lahat para sa naghihintay na birthday party given by Regal Matriarch na si Mother Lily Monteverde sa Mezzanine ng Imperial Palace Suites. Doon ay masayang sinalubong ni Marian ang mga bisita niya tulad ng ilang executives ng GMA-7, cast ng Darna, ang mga bida ng Rosalinda na sina Geoff Eigenmann at Carla Abellana, mga kapatid niya sa manager na si Popoy Caritativo like Dennis Trillo, AJ Dee at Mart Escudero. Dumating din sina Jennica Garcia, Rochelle Pangilinan at si Kuya Germs ang nag-host ng party. Hindi naman binigo ni Dingdong si Marian na kahit pagod na at galing sa rehearsal ng kanyang Dantes Peak ay dumating at nagpaunlak pa ng kanta. Base sa mga nakakita sa dalawa, truly, action speaks louder than words sa ka-sweetan daw ng mga ito kunsaan, dalawang beses na nagtukaan at palaging magka-holding hands. Source: Abante |