Nov 23
HomeLoginBrowseNewsTV SchedulePreferenceHelp
 

Mark Anthony, nasilat ni Dingdong

Author: Nitz Miralles

This week ang balik nina Judy Ann Santos at Ryan Agoncillo mula sa honeymoon nila sa Boracay at sa May 16, magti-taping sila ng comedy show nilang George and Cecil ng ABS-CBN.

Ito ang unang trabaho ng dalawa bilang mag-asawa, kaya iba ang excitement.

Sa May 17 ang airing ng first part ng two-part wedding special nina Judy Ann at Ryan at mapapanood ito bago ang Sharon.

Sa time slot ding ito ilalagay ang George and Cecil 'pag regular na ang airing.

Sa May 24 ang airing ng last part ng wedding special, makakatapat nito ang post-birthday special ni Regine Velasquez na Roots to Riches, pero hindi ito isyu sa kanila't magkakaibigan sila.

Isa pa nga si Regine sa mga kumanta sa kasal ng dalawa.

* * *

Gusto ni Mark Anthony Fernandez ang Stairway to Heaven at ang role ni Cholo, pero ibinigay ng GMA-7 kay Dingdong Dantes.

Hindi rin naman nawalan ng project ang actor dahil after All About Eve, gagawin niya ang Rosalinda. Siya ang leading man ni Carla Abellana at gaganap sa role ni Fernando Jose.

"Kung totoong sa akin ibibigay ang role ni Fernando Jose, honored ako. Okey din sa akin ang maging Efren sa Darna ni Marian Rivera. Kung ano ang ibigay sa akin, yayakapin ko nang buong-buo dahil may tiwala ako sa GMA. "

Two soaps a year ang kontrata ni Mark sa GMA Network na magtatapos sa March 2010. Kapag ginawa niya ang Rosalinda, dagdag na ito sa kontrata niya, kaya masaya siya na sunud-sunod ang project niya.

* * *

Nagutom kami habang pinapanood ang Litsonero, isa sa mga pelikula under Sine Direk Series at showing sa May 20.

Paano ka naman 'di magugutom kung puro pagkain ang 'yong mapapanood at sabi ni Direk Lore Reyes, maraming litsong nakain ang cast at crew dahil 'yung ginagamit na props, kinakain nila after the shooting.

Malaki ang parte ng litson sa istorya na iikot sa pagmamahal sa pamilya at pag-ibig. Bida rito si Paolo Contis kasama sina Maricel Laxa, Michael de Mesa, Karylle, Isabella de Leon, Gerard Pizzaras, Joanne Quintas, Jake Vargas at Jun Urbano.

Nakuwento ni Paolo Contis na dapat sa Paris at hindi sa Macau ang location nila, pero hindi nasunod dahil kulang sa budget.

Dagdag pa nito, nang tanggapin niya ang project, sinabi niya agad na okey lang kung 'di siya kumita, basta 'wag lang siyang mag-abono na hindi rin nasunod.

Si Paolo ang sumagot ng gastos sa shoot nila sa Macau na kailangan sa istorya.

"Hindi ko na inisip kung malaki man ang inabono ko, kinalimutan ko na lang dahil maganda ang pelikula and I'm very, very proud of the movie," pagmamalaki niya.

Samantala, nagpapasalamat ang APT Entertainment at DGPI sa sumusuporta sa Sine Direk Series. Ang Fuschia ay extended ang showing at palabas din sa probinsiya.

Ang Ded na si Lolo ay nadagdagan ng dalawa ang theaters at napapanood na rin sa Robinsons Ermita at SM Centerpoint.

Inilipat din ito sa mas malaking sinehan sa SM North Edsa sa dami ng nanonood.

* * *

Ang Cebu-based designer at sikat sa ibang bansa na si Cary Santiago ang gagawa ng wedding gown ni Korina Sanchez sa kasal nito kay Sen. Mar Roxas.

Kilala si Cary dahil siya rin ang gumawa ng isinuot na gown ni Charo Santos-Concio nang dumalo sa Oscars.

Malalaking tao ang clients ni Cary at sa na-research namin sa Internet, kinabibilangan ito nina Cristina at Katrina Ponce-Enrile, ang Osmeñas at Aboitizes ng Cebu, si Cebu Governor Gwen Garcia, Amparito Lhuillier, ang super rich na si Mariquita Yeung at marami pang iba.

* * *

Showing today ang Heavenly Touch at ibinalita ng isa sa mga producer nitong si Manny Valera na binigyan ito ng R-18 classification ng MTRCB at "Strictly for Adults Only. "

Introducing sa pelikula si Joash Balejado at nagpakita ng galing sa acting si Paolo Serrano at may moment naman sina Gwen Garci at Jim Pebangco.

Nakaw-eksena ang impersonator ni Nora Aunor na si Bona, na 'di kami sure kung ikatutuwa ng Noranians. Si Joel Lamangan ang director nito sa script ni Eric Ramos.

Source: People's Tonight