|
|
| Mark, wala nang pagnanasa kay Jennylyn!![]() Author: Rey Pumaloy AYAW sabihin ni Mark Herras na 'sexy' ngayon ang ex-girlfriend niyang si Jennylyn Mercado. Ayaw daw niyang pagmulan 'yon ng panibagong isyu sa kanila ni Jen. Sabi ni Mark, kapag sinabi niyang seksi ngayon si Jen, siguradong masusulat daw na pinagnanasaan pa niya ito. “Ganu'n talaga ang mangyayari, kaya tama na 'yung sinabi ko na parang hindi siya nanganak. Ayoko kasing maakusahan ako na may malisya pa rin kay Jen,” bungad na sabi ni Mark. Pero, hindi itinanggi ni Mark na natutuwa siya at maingat sa katawan si Jen, at kahit nanganak na ito ay hindi pa rin nagbabago ang pigura nito. Anyway, plano na raw ni Jen na magpaka-daring sa pagbabalik niya sa showbiz. Sabi nga, tatapatan na nito ang katapangan sa paghuhubad ni Katrina Halili. Katunayan, sa pelikulang One Night Only, hindi raw nagpatalbog si Jen kina Katrina, Valerie Concepcion at Alessandra de Rossi. Sabi ni Mark, kung 'yon ang plano ni Jen, wala siyang magagawa. Pero, hindi raw niya kayang tapatan ang pagpapaseksi nito. “Hindi ko kayang maghubad! Wala naman akong katawan na ipapakita. Ang payat ko pa. “Bata pa ako at marami pa naman akong ibang pwedeng gawin. Kung 'yun ang desisyon ni Jen, okey lang. Pero ako, hindi ako handa sa ganu'n.” Nilinaw rin ni Mark na nu'ng makita niya ang anak nina Jen at Patrick Garcia ay hindi siya nagtangkang kargahin ang bata. “Hindi ko hinawakan o kinarga, dahil may sakit ako nu'ng time na 'yon. Baka mahawa pa ang bata. “Natuwa ako nu'ng makita ko ang bata. Kaibigan ko naman si Jen.” Ayaw na ring patulan ni Mark ang intriga na mas kamukha niya ang anak ni Jen. “Kahit na nu'ng buntis si Jen, 'yun na ang sinasabi nila. Pero ang masasabi ko lang, kamukhang-kamukha ni Patrick ang baby nila ni Jen,” sabi na lang ni Mark. Source: Abante |