Nov 24
HomeLoginBrowseNewsTV SchedulePreferenceHelp
 

Miss X ni Ate Vi iri-remake ni Katrina

Miss X ni Ate Vi iri-remake ni Katrina

Author: Aster Amoyo
Column: Rated A

Hanggang sa mga oras na ito ay hindi pa rin decided si Lorna Tolentino kung alin sa magka­hiwalay na offer ng ABS-CBN at GMA 7 ang kanyang tatanggapin. Parehong tempting offers ang ibinibigay sa kanya ng dalawang giant TV networks pero hindi pa rin makapag-decide ang misis ng yumaong si Rudy Fernandez hangga't hindi natatapos ang ika-40th day ng action star (July 17).

Bago nagkasakit hanggang sa tuluyang pamama­alam ni Daboy, si LT ay regular na napapanood bilang isa sa mga hosts ng Startalk na sa pagkakaalam namin ay babalikan niya sa August 2. Sa tingin ko, mahihirapan si LT na iwan ang Startalk na napamahal na sa kanya lalo't ang kanyang mga kasama sa programa ay lahat close sa kanya.

Si Manay Lolit Solis ay manager niya, best friend niya si Butch Francisco at close din sa kanya si Joey de Leon.  Ganunpaman, pinag-aaralan ni LT ang alok sa kanya ngayong solo na siyang magiging breadwinner ng kanyang pamilya.

* * *

Isa sa mga araw na ito ay nakatakdang pumirma ng multi-picture contract sa OctoArts Films ang sexy star na si Katrina Halili at first project niya sa nasabing film outfit ang Metro Manila Film Festival (MMFF) entry na One Night Only, isang comedy-romance movie na nakatakdang idirek ni Joey Javier Reyes.

Makakabituin dito ni Katrina sina Angelica Panga­niban, Roxanne Guinoo at Valerie Concepcion.

Next project ni Katrina sa OctoArts na pinamumu­nuan ni Boss Orly Ilacad ay ang movie remake ng isa sa mga classic hit movies ni Vilma Santos, ang Miss X.

* * *

Naputol man ang relasyon nina Jolina Magdangal at Marvin Agustin bilang magkasinta­han, nananatili naman silang magkaibigan hanggang ngayon.

Parehong nagsimula at sumikat sina Jolina at Marvin sa bakuran ng ABS-CBN pero ngayon ay pareho na silang Kapuso Network.

Although meron silang magkakahiwalay na programa sa Kapuso Network, muli silang pinagsama bilang mga hosts sa programang Dear Friend, isang youth-oriented drama anthology na magsisimulang mapanood ngayong Linggo, July 20 pagkatapos ng SOP. Ida-dramatize sa Dear Friend ang mga ipapadalang sulat ng mga letter senders at pagkatapos nito ay magbibigay ng kani-kanyang opinyon at payo sina Jolina at Marvin. Ang bawat episode ay lalapatan ng nababagay na kanta at gagawan ng music video.

Sina Jennica Garcia at Mart Escudero ang mga tampok na bituin sa unang episode na nagtatalakay ng pre-marital sex at teen pregnancy.

Samantala, hindi ikinakaila nina Jolina at Marvin na very open pa rin sila sa isa't isa pagdating sa kanilang personal na buhay. Madalas ibida ni Marvin kay Jolina ang kanyang kambal na anak na sina Santiago at Sebastian.  Secured din si Marvin na hindi siya pagseselosan ng boyfriend ni Jolina na si Atty. Bebong Muñoz.

* * *

Halos dalawang dekada na ring hindi nagkakasama sa isang pelikula sina Tito Sotto, Joey de Leon at Vic Sotto na mas kilala bilang Tito, Vic & Joey kaya naisipan nina Vic at co-producer niyang si Boss Orly ng OctoArts na muli silang gumawa ng pelikula na siyang magiging kalahok sa darating na MMFF na ididirek ng kanilang paboritong director na si Tony Y. Reyes.

Kung kayo ay pamilyar sa mga karakter noon ng Tito, Vic & Joey sa sikat na TV sitcom nila noon, ang Iskul Bukol, ito ang kanilang bubuhayin ngayon sa Vic Ungasis en da Escaleras. Vic Ungasis si Vic at Escalera brothers naman sina Tito at Joey.

* * *

E-mail:  a_amoyo@pimsi. net

Source: The Philippine Star