|
|
| Nadine, na-pressure kay Sunshine!![]() Author: Jojo Gabinete Nakakaramdam ng pressure si Nadine Samonte dahil siya ang ipinalit kay Sunshine Dizon bilang lead actress ng Tinik Sa Dibdib. Inisip din niya na tawagan sa telepono si Sunshine para kausapin ito, pero hindi niya alam ang contact number ng aktres na inalis sa cast ng afternoon show ng GMA 7. Walang naiisip na dahilan si Nadine para magtampo sa kanya si Sunshine dahil ang network management ang nagdesisyon na siya ang ipalit. Nangako si Nadine na gagawin ang lahat. Patutunayan niya na hindi nagkamali ang management na siya ang maging replacement ni Sunshine. Ikinalungkot ni Iza Calzado ang balita na tinanggal si Sunshine Dizon sa Tinik Sa Dibdib. Nalungkot din siya dahil nasira ang back-to-back show concept ng GMA para sa kanilang dalawa ni Sunshine. Nag-sorry si Iza kay Nadine nang sabihin niya na malaking hamon ang haharapin ng huli dahil magaling umarte si Sunshine. Hinikayat ni Iza si Nadine na magtulungan sila para ma-sustain ang magandang rating ng kanilang back-to-back programs, ang Kaya Kong Abutin Ang Langit at Tinik Sa Dibdib. Guest si Vaness del Moral sa Bandaoke noong Martes. Papunta siya sa studio nang mapadaan siya sa presscon ng show nina Jaya at Allan K. Pumasok si Vaness sa presscon venue, inikot ang lahat ng mesa at kung thirty-plus ang bilang ng entertainment press, bineso niya ang lahat ng mga reporter. Nakipagkuwentuhan pa siya sa amin. Iniwan na raw niya ang inuupahang bahay sa Provident Village dahil na-trauma siya sa baha na dulot ni Typhoon Ondoy. Binanggit pa ni Vaness ang halaga ng renta (P10,000) niya sa Provident Village at ang kanyang mga gamit na hindi na mapapakinabangan dahil lumubog sa baha. Two days later, muling nakita si Vaness sa photo exhibit ng S Magazine ang mga entertainment writer na isa-isa niyang bineso sa presscon ng Bandaoke. Blangko na ang mukha ni Vaness, nakalimutan na ang kanyang moral dahil hindi na niya kilala ang mga reporter. Nagulat si Rhian Ramos nang malaman nito na patuloy na nakakatanggap ng hate emails para sa kanya ang mga entertainment columnist. Ang akala ni Rhian, tumigil na ang kanyang detractors o baka naging busy lang siya sa taping ng Stairway to Heaven kaya hindi na niya iniintindi ang mga paninira. Active uli ang detractors ni Rhian dahil ayaw nilang pumayag na siya ang makapareha ni Dingdong Dantes sa pelikula na gagawin ng Unitel, Viva Films at GMA Films. Natuto na si Rhian. Hindi na siya umaasa. Kapag nag-umpisa na raw ang shooting, saka siya maniniwala na magkasama sila ni Dingdong sa pelikula. Dalawa na ang acting award ni German Moreno, ang best supporting actor trophies mula sa PMPC Star Awards for Movies at Famas Awards. Nanalo si Kuya Germs para sa Paupahan, ang indie movie na nagpanalo kay Allen Dizon sa best actor category ng Famas. Itinuwid ni Kuya Germs ang maling akala na muntik na niyang tanggihan ang kanyang role sa Paupahan. Ibang project daw ang kanyang tinutukoy. Hindi sinabi ni Kuya Germs ang pamagat ng pelikula pero tinanggihan niya ang project dahil masyadong bulgar ang karakter ng?gay role na inialok sa kanya. Source: Abante |