Nov 23
HomeLoginBrowseNewsTV SchedulePreferenceHelp
 

Nandito ako para kay Sarah — Mark

Author: Vinia Vivar

Ang tungkol pa rin sa pagkaka-link niya kay Sarah Geronimo ang inurirat ng entertainment press kay Mark Bautista sa presscon kahapon ng latest endorsement niyang Mang Inasal.

Ayon kay Mark, na-appreciate raw niya ang magagandang sinabi ni Sarah tungkol sa kanya noong nakaraang presscon nito.

Nabanggit kasi ng pop star na mataas ang respeto niya para sa singer dahil nirerespeto rin naman daw nito ang desisyon niya.

"Malaking bagay sa akin 'yung mga sinabi niya nu'ng presscon niya. Sobrang na-appreciate ko talaga 'yon and ayoko nang magsalita pa more than that.

"Hindi naman niya kailangang magsalita nang ganu'n, pero sinabi niya, so, na-appreciate ko talaga siya," sabi ni Mark.

Matatandaang dating nanligaw ang singer kay Sarah, pero dahil hindi pa nga ready ang dalaga na makipag-boyfriend, nirespeto 'yon ni Mark.

Sa ngayon daw, mas naging close pa sila compared sa dati nilang friendship at aniya, kung talagang choice ni Sarah na maging magkaibigan na lang sila, wala naman siyang magagawa kundi tanggapin ito.

Makakapaghintay pa ba siya kay Sarah?

Napangiti si Mark bago sumagot.

"Siguro, time lang ang makakapagsabi niyan. Basta ako, nandito lang ako para sa kanya. Kaya siguro nga sinasabi niya na sobra ang respect niya (sa akin), kasi nga, naiintindihan ko rin siya. "

Nang matanong si Mark kung aside from Sarah ay sino pa ba ang crushes niya sa showbiz at say niya, "Ayoko nang magsalita, kasi baka naman kung ano ang sabihin ni Sarah. "

'Yun na!

Anyway, si Mark ang first endorser ng Mang Inasal, na ngayon ay may 160 branches na nationwide.

Target ng may-aring si Edgar "Injap" Sia II na before the year ends ay umabot sa 200 ang kanilang branches.

Sa ngayon, every week ay nagbubukas daw sila ng two to three new branches sa iba't ibang lugar.

* * *

Nakausap namin si Valerie Concepcion sa presscon ng Rockatropa concert na inorganisa ni Camille Villar (daughter of Sen. Manny Villar), kung saan ay isa sa hosts ang young actress-TV host.

Kararating lang ni Val mula sa Hong Kong kung saan ay ipinasyal niya sa Disneyland ang anak na si Fiona kasama ang buong pamilya.

Sobrang nag-enjoy daw ang anak since first time nga nito sa Disneyland at bale gift niya ito sa bagets dahil mataas ang grades sa school.

Isa si Valerie sa hosts ng Wowowee na, as we all know, ay kagagaling lang sa isang matinding intriga.

Ayon sa kanya, during those times na nasa hot seat ang noontime show at hindi sumisipot ang host nitong si Willie Revillame, ni minsan ay hindi raw siya nag-worry na baka matsugi na ang programa dahil alam daw niya na maraming natutulungan ang show.

Ipinahayag din ni Val ang pagkalungkot niya sa pagkaka-shelve ng seryeng Pat is Tin na pagbibidahan sana niya.

"Siyempre, kumbaga, magkakaroon na sana ako ng sariling teleserye, pero na-shelve siya and nakakalungkot, pero in a positive way naman, inisip ko na lang na siguro, hindi talaga para sa akin and I know naman, marami pang darating na projects. "

Bukod sa paghu-host ng Rockatropa, may number din si Val sa Nacionalista Party "Papables" or spokespersons na sina Rep. Justin Chipeco, former Rep. Gilbert Remulla at Atty. Adel Tamano.

Gaganapin ang concert ngayong Sabado sa SM Mall of Asia concert grounds. Bukod kay Val, host din si Cristine Reyes. Ka-join din sa show ang Moymoy Palaboy ng Bubble Gang.

Source: People's Tonight