Mar 22
HomeLoginBrowseNewsTV SchedulePreferenceHelp
 

Navy nagbigay pugay kay 'Chief Daboy'

Author: Mar D' Guzman Cruz

SABIHIN nating maluho, magarbo, glorioso at ambisyoso ang limang gabing paglalamay, pati na ang paglilibing kay Rudy "Daboy" Fernandez, sa The Heritage Park, Taguig City, subalit iisang kataga lang ang katumbas ng mga iyon: Katuturan.

May ibig sabihin ang pagdagsa ng napakaraming tao sa lamay at lalong nakatatabang-puso ang paghahatid sa huling hantungan.

May katuturan, sapagka't maraming nagmamahal sa kanya.

Walang iba kundi si Pangulong Joseph Estrada at ang mahal na asawa ni Daboy na si Lorna Tolentino ang nanguna sa paghahatid sa namayapang aktor sa huling hantungan.

Ang presensiya at ang nakahahawang pagdadalamhati ng tatlo pang natatanging mahal sa buhay ni Daboy na sina Sen. Jinggoy Estrada, Sen. Bong Revilla at Phillip "Ipe" Salvador ang lalo pang nagpatingkad sa kredibilidad ng namayapang kaibigan.

May katuturan, sapagka't ang mga ito ang nagmulat sa sambayang Pilipino kung ano ang kahulugan ng pakikipagkaibigan.

Ilang sandali bago ipinid ang kabaong na kinahihimlayan ng kaibigang Daboy, kaumpok ko sa usapan sina Sen. Jinggoy, Ipe at Tirso "Pip" Cruz III.

Si Pip ang tumugon sa tanong ng karamihan kung bakit nakabalot sa bandila ng Pilipinas ang kabaong ni Daboy. Nasa VIP room kami, kung saan ay nakahatag ang maraming pagkain para sa mga bisita.

May katuturan ang masasarap na pagkaing 'yon, sapagka't 'yun ang huling pananghaliang "kasalo" nila si Daboy.

"Hindi namin alam, si Daboy pala'y reservist ng Philippine Navy," simula ni Pip. "Nagulat kami nang dumating ang ilang opisyal ng Navy noong ikalawang gabi ng lamay. May dala silang Philippine flag. Magpupugay daw sila kay 'Chief. '

"Chief" nga raw kung i-address ng mga taga-Navy si Daboy.

"Pati nga si Boyet (Christopher de Leon), chief din kung tawagin nila, isa ring reservist," dugtong pa ni Pip.

Ilang saglit pa, nakita na namin sina Jinggoy, Bong, Ipe, Lorna, Renz, Ralph at iba pang malalapit na kaibigan at kamag-anak na nagyakapan na halos ay 'di mapaghiwalay.

Mga impit na panangis ang nauulinigan, lalo pa't may saliw ng malulumanay na awitin na tila tumatagos sa puso ng bawa't isang nagdadalamhati.

Matapos 'yun, isa-isa nang lumapit sa nakabukas pang kabaong at hinimas-himas nila ang salaming nakapatong sa tapat ng mukha ng kaibigang nakahimlay.

May ibinubulong sila kay Daboy, subali't 'di namin mawatasan.

Naghari ang nakatutulig na katahimikan na binasag ng manipis na langitngit ng ipinipinid na kabaong habang inihahatid naman nila ng tingin at pilit sinisilip ang unti-unti nang naglalahong imahe ni Daboy.

Gustuhin man nilang sagkaan ang pagsasara ng kabaong, wala silang magawa.

Medyo may kalayuan si Erap sa tagpong iyon, subali't kita namin na siya man, naghahatid din ng tingin sa unti-unting pagpipinid ng kabaong.

Sa loob pa lamang ng funeral parlor, inayos na ang komposisyon ng procession. Nangunguna sina Erap at Lorna at ang iba.

Samantala, sa labas, nakaabang na ang isang karwaheng napapalamutian ng mga puting bulaklak na nakatakdang hilahin ng matipunong kabayong puti.

Matagal bago tuluyang nailabas ang kabaong na inalalayan ng ilang miyembro mula sa isang squad ng Navy.

Sa unahan nito, nakaabang din ang isang itim na Ford F-150, paboritong sasakyan ni Daboy, na punung-puno ng puting bulaklak.

Sa unahan nito'y banda musiko ng Philippine Navy na sumaliw sa funeral procession.

Nang maipasok na sa karwahe ang magandang kabaong ni Daboy, unti-unti na itong umusad. Hindi nagbago ang komposisyon ng procession mula sa loob hanggang sa kahabaan ng sementadong kalye na magtatapos.

Ang kung tagurian sa wikang Ingles na 'Last Mile' ay may ilang daang metro mula sa funeral parlor hanggang sa malawak na tent na sa loob ay naroon ang magkaagapay na nitso.

Kaagapay ni Erap sa paglalakad ang manugang na si Beaver Lopez, anak ng may-ari ng Meralco. Nagpasalamat siya kay Erap dahil ipinagtanggol ng huli ang controversial na infomercial ni Judy Ann Santos.

Medyo hilly ang tinahak ng procession. Tagaktak ang pawis ng lahat, gayon din si Erap. Sa isang bahagi, may sumalubong kay Erap na isang mama. 'Di namin alam kung kilala niya at naulinigan naming nagsabi na: "Mr. President, malayo pa ang lalakarin natin, makakaya n'yo ba?" ang tila nag-aalalang tanong nu'ng mama.

"Mas malayo ang nilalakad ko noong nasa Tanay pa 'ko," ang nakangiting tugon ni Erap habang patuloy na lumakad.

Nang malapit na sa tent ng paglilibingan kay Daboy, isang 'di kalakasang tawag na 'Mr. President' ang naulinigan naming tumatawag kay Erap na sa wari ay mula sa ituktok ng broadcast van ng ABS-CBN.

Nang itaas ni Erap ang tingin, nakilala niya agad ang tumatawag at kumakaway, si Kris Aquino. Gumanti si Erap ng kaway na may kasamang ngiti.

Si Kris ang nag-cover ng libing ni Daboy para sa ABS-CBN.

Pagsapit sa loob ng tent, sa bukana pa lamang, kitang-kita na ang dalawang magkaagapay na nitso na sa wari ay yari sa tinatawag na brown Italian marble.

Sa bandang kaliwa, nakabukas ito na madali namang unawain, doon ipapasok ang kabaong ni Daboy. At sa bandang kanan nakapinid, ewan kung 'yun ay para kay Lorna pagdating ng panahon.

Si Fr. Sonny Ramirez ang isa sa tatlong paring namataan namin. Kasisimula niyang magsalita, unti-unti nang nagbago ang kilos ng mga naroon.

Mga impit na hikbi ang unti-unting pumailanlang sa kulumpon ng mga taong nakaligid sa kabaong ni Daboy.

Naghalo na ang pawis at luha sa mukha ng bawa't isa.

Sa pagkakataong 'yon, naroon na rin Reyna ng RP Movies na si Susan Roces, ang biyuda ng Hari ng pelikulang Pilipino na si Fernando Poe Jr. Magkaagapay na sila ni Pres. Erap sa pagbibigay-lakas ng loob sa mga naulila, lalo na kay Lorna at kina Renz, Ralph at Mark.

Masasabing ang buong industriya ay naroon at naghatid sa namaalam na si Daboy. 'Di na natin sila iisa-isahin.

Nagsimula na ang military honors na ibinigay kay Daboy. Matapos ang 21-gun salute, sinundan ito ng mapananindig-balahibong tunog ng trumpetang nagpapayag ng kadakilaang sinisimbulo nito.

May katuturan ang hero's burial na 'yon.

"Hero naman talaga siya para sa atin," ang sumagi sa ala-ala naming sinabi ni Ipe.

Ang eksena sa pagpipinid ng kabaong ni Daboy sa loob ng funeral parlor kani-kanina ay naulit, subali't ang pagkakaiba'y 'di na ito mauulit.

Iyon na ang huling sandali na makakapiling nila ang minahal at mamahalin habambuhay na si Daboy. Ang lahat ng minuto, oras, araw, buwan at taon na inilagi ng aktor sa mundong ito ay may kabuluhan at may katuturan sapagka't ginampanan niya ng tama ang bawa't papel na ibinigay sa kanya ng Panginoon.

May katuturan ang pagkatao ni Daboy.

(For comments & suggestions, send e-mail at mardgcruz2004@yahoo. com)

Source: People's Tonight