Nov 24
HomeLoginBrowseNewsTV SchedulePreferenceHelp
 

Never akong pumasok sa relasyon nila para manggulo -- Marian

Author: Nitz Miralles

Kahapon ang last shooting day ng One True Love ng Regal Entertainment at GMA Films at tuloy ang showing ng pelikula sa November 19.

Isa sa mga itinanong kay Marian Rivera ay ang love scenes nila ni Dingdong Dantes at inaming isa ito sa pinaka-daring niyang ginawa.

Isinuot niya ang mga ipinasuot sa kanya ni Direk Mac Alejandre na magpapakita sa kanyang kaseksihan, pero tiniyak niyang hindi malaswa.

Ipalalabas ang pelikula nila na break na sina Dingdong at Karylle at may mga nag-iisip na siya ang rason ng paghihiwalay ng dalawa.

Nasundan pa ang isyu sa naisulat ni Ogie Diaz na nakita silang magkasama sa Sonya’s Garden noong November 1.

Any comment?

“Basta ako, walang ginagawang masama. Hindi ako selfish na para sumaya, mang-aagaw ako ng boyfriend ng may boyfriend.

“Never akong nang-agaw ng lalaki, ang mga lalaki ang lumalapit sa akin. Kung anong problema nila, labas ako.

“Tungkol du’n sa Tagaytay, si Dingdong ang nagsabi sa akin na nasulat ngang magkasama kami. Sana pumunta sila sa bahay namin sa Cavite dahil andu’n ako. Hindi kami magkasama, nasa Cavite ako, October 31 pa lang at hindi ko pinuntahan si Dingdong. ”

May problema ba sila ni Karylle?

“Wala kaming problema at kahit kailan, ’pag nagkikita kami, okey kami. Hindi kami friends, hindi kami nagti-text o nagtatawagan, aquintance lang. ‘Hi’ at ‘kumusta ka’ lang ang batian namin. ”

Posible ba siyang ma-in love sa co-star niya? Mai-in-love ba siya kay Dingdong?

“Mahirap magsalita ng tapos at masasagot ko lang kung dumating na. Kung magpu-fall ako kay Dingdong? Mabigat ’yan, mahirap i-elaborate, pero kahit sinong babae, magkakagusto sa kanya. Pero, dapat hiwalay ang personal sa trabaho. ”

Hindi ba unfair sa kanya na damay siya sa isyu nina Dingdong at Karylle?

“Hindi naman unfair, ang sa akin lang, wala akong chance na maipagtanggol ang sarili ko. Iniisip ko na lang, ’di lahat ng tao gusto ako. Tinatanggap ko na lang lahat, ganu’n ang showbiz, pero alam kong wala akong ginagawang masama. ”

Paano kung tawagin siyang anaconda o mang-aagaw?

“Okey lang tawagin akong ganu’n, pero balang araw, lalabas ang katotohanan na wala akong kinalaman sa problema nila.

“Never akong pumasok sa relasyon nila para manggulo. Hindi ako gagawa ng isang bagay na makakasakit sa iba para lumigaya ako. ”

* * *

Kahapon lumabas sa Philippine Star column ni Ricky Lo ang pag-amin nina Dingdong at Karylle na break na sila.

Tuesday evening, kausap ng press ang actor sa shooting ng One True Love and in fairness, kahit imbiyerna na ang writers sa hindi diretsahang sagot sa mga tanong sa kanila ng ex-girlfriend, mapupuri pa rin si Dingdong dahil sinunod ang usapan nila ni Karylle na hindi niya ipi-preempt ang sabay nilang pag-amin.

Nakumpirma lang ng press na wala na sila ni Karylle nang tanungin si Dingdong kung alin ang mas masakit na break-up, kung ’yung sa kanila ni Antoinette Taus o itong sa kanila ni Karylle.

Ang sagot ni Dingdong ay “itong pinaka-recent, the present. ”

Kailan lang siguro nag-break sina Dingdong at Karylle dahil sa pictorial ng Yes! sa pad ng actor noong September 28, nasa bahay pa niya ang ex.

Ang napansin lang, wala na silang kilig together at parang magkapatid na lang ang turingan.

Alam ni Dingdong na negative ang dating niya sa ibang tao at hindi niya masisisi ang mga magagalit sa kanya, pero binibigyan pa rin niya ng halaga si Karylle, special pa rin ito sa kanya at marami silang “good times” together.

“’Yung sa Sonya’s Garden, favorite place ko ’yon. Every special occasion, andu’n ako with my family. Hindi kami magkasama ni Marian, I was with other people. ”

Anong hihilingin niya sa tao after mabasa ang confirmation ng break-up nila ni Karylle?

“Wala akong hihilingin. I can’t control their reaction, but I’m always for the truth and at the end of the day, it will come out. ”

May relasyon ba sila ni Marian?

“Wala! She has nothing to do with this. But I would like to maintain the status quo, we’re okey, we believe our partnership is working at ayaw naming sirain ’yon. ”

Paano niya puprotektahan si Marian sa mga maniniwalang kasalanan nito ang nangyari?

“Ako na ang nagsasabi, wala siyang kinalaman. ”

Sa press lang nalaman ni Dingdong ang tsismis na lilipat sa ABS-CBN si Karylle, patunay ’yon na ’di na sila nag-uusap at nagkikita.

“Sana hindi siya lumipat, she’s a big asset sa GMA- 7. ”

Bilang panghuling pakiusap, sabi ni Dingdong, sana ’wag nang ungkatin kung anuman ang nangyari sa kanila ni Karylle.

Hindi rin niya alam kung paano nito hina-handle ang sakit na dala ng kanilang break-up.

“Wala kaming agreement ni Karylle na hindi na kami magsasalita, pero gugustuhin kong ’wag nang magsalita. I’d like to deal with it sometime, not now na may movie kami.

“I believe we have a good movie at ayaw ko sanang isabay ang isyu sa amin ni Karylle. Gusto ko malinis ang pasok ng pelikula,” pagtatapos ni Dingdong.

* * *

Ipinaaalala ni Manny Valera na today ang special screening ng Walang Kawala sa UP Film Institute.

Director’s Cut ang mapapanood, kaya kita ang dapat makita kina Polo Ravales, Althea Vega, Marco Morales at Joseph Bitangcol.

Sa November 12 ang showing ng movie sa direction ni Joel Lamangan. Kinakitaan ng husay sa pag-arte sina Jean Garcia, Polo at Emilio Garcia.

* * *

Sa Gagambino, hahabulin ni Bino (Dennis Trillo) sina Harold (Polo Ravales) at Rebecca (Glydel Mercado), pero maaaksidente siya.

Tutulungan siya ni Lucy (Katrina Halili), gagamutin at paggising niya, maghahalikan ang dalawa at simula ito ng relasyon nila.

Magkikita uli sina Bino at Celine (Nadine Samonte), iiwas ang una dahil nalamang may nobyo na ang dalaga. Madidiskubre niyang ang pinsang si Harold pala ang nobyo ni Celine.

Source: People's Tonight