On Maalaala Mo Kaya: Megan Young and Joross Gamboa play out the story of an unrequited love Author: Bernie Franco Isa na namang makabuluhang episode ng Maalaala Mo Kaya ang ipapalabas ngayong Sabado (June 13) kung saan ang pagmamahal ng isang babae para sa isang lalaki ay higit pa sa pagpapahalaga niya sa kanyang sarili. Itatampok sa nasabing episode sina Megan Young, Joross Gamboa at Ahron Villena. Iinog ang kuwento sa young love at ang kayang gawin at isakripisyo ng isang tao para sa pag-ibig at kung kailan siya susuko.
Si Ermie (Megan) ay beauty queen ng kanilang paaralan na may lihim na pagsinta sa escort nitong si John. Subalit si John ay may kasintahan na at ang tingin lamang kay Ermie ay bilang isang matalik na kaibigan. Kahit na hindi sinasadyang naipagtapat ni Ermie ang kanyang pagtingin kay John ay hindi pa rin kayang suklian ni John ang pag-ibig ni Ermie.
Sa kabila ng magandang estado sa buhay ni Ermie ay hindi siya nagdalawang isip na maging sunud-sunuran kay John at naging alalay pa ng huli sa mga singing performances nito. Subalit dumating din ang oras na napagod si Ermie sa pag-ibig niya kay John dahil hindi naman siya napapansin nito. Lumipas ang isang taon at nakakita ng ibang pag-ibig si Ermie. Subalit ano ang kanyang gagawin kung biglang magpakita sa kanya si John upang ipagtapat na napagtanto niyang mahal din siya nito? Handa ba niyang talikuran ang natagpuang ibang pag-ibig upang sumama sa lalaking matagal niyang inasam na mahalin din siya?
Panoorin ang kabuuan ng storya ngayong Sabado sa nangunguna at longest-running drama anthology sa bansa, ang Maalaala Mo Kaya at alamin kung ano ang kayang gawin ng isang taong umiibig.
Ang nasabing episode ay sa ilalim ng direksyon ni Direk Jeffrey Jeturian at sa panulat ni Mark Angos. Source: ABS-CBN Interactive |