Nov 22
HomeLoginBrowseNewsTV SchedulePreferenceHelp
 

PEP: Rufa Mae absent in GMA-7 anniversary special

Author: GMANews.TV
Column: Entertainment

Pagkatapos ng kanyang two-week vacation sa U.S., balik-trabaho na si Rufa Mae Quinto sa GMA-7. Nitong nakaraang Sunday, June 21, ay napanood na siyang naghu-host sa SOP at sa Showbiz Central, na nag-celebrate din ng second anniversary.

Recharged and fully rested na si Rufa Mae sa kanyang pagbabalik sa telebisyon. Pero nanghinayang siya dahil hindi siya nakasama sa naganap na 59th anniversary special ng GMA-7 sa Araneta Coliseum noong June 19.

"For the record, hindi ko dinedma ang anniversary special ng GMA," paglilinaw ni Rufa Mae sa PEP (Philippine Entertainment Portal). "Gusto ko talagang um-attend. Kaso, kakarating ko lang a week before from the U.S. E, may memo na ibinigay sa aming mga artist na kung sino ang mga manggagaling sa ibang bansa, kailangan mag-self quarantine for at least seven days dahil nga sa A(H1N1) virus.

"Sumunod lang naman ako sa gusto ng network para nga naman safe ang ibang mga katrabaho ko in case na may dala nga naman akong virus. Salamat sa Diyos at wala namang nangyari sa akin noong mag-self quarantine ako. Hindi naman ako nilagnat or nagkasipon, kaya heto na ako, ready to work na ulit," paliwanag ng comedienne.

Ang ginawa raw ni Rufa Mae noong nag-self-quarantine siya ay naglinis siya ng kanyang kuwarto at ipina-renovate ang kanyang kitchen. Personal niyang sinu-supervise ang lahat habang nasa bahay lang siya.

"Hindi rin ako napahinga, e. Nilinis ko ang kuwarto ko. Two weeks din akong nawala kaya inayos ko ulit ang room ko, tapos nagtapon ako ng mga hindi ko na kailangan. Yung mga kailangan bayaran, ipaayos at ipatingin sa bahay, sinabaysabay ko na.

"Tapos, nataon din na noong week na 'yon, dumating ang magre-renovate ng kitchen namin sa bahay. Kaya ako rin ang tumingin-tingin sa paggawa no'n. Kaya kahit papa'no, naging productive ako noong nag-self quarantine ako. Hindi lang ako tumanga sa kuwarto ko," saad niya.

U.S. VACATION. Masaya ring ikinuwento ni Rufa Mae sa PEP ang kanyang bakasyon sa U.S. For the first time daw ay walang trabaho noong umalis siya, kasama ang kanyang grandmother na si Luisa Quinto o Lola Luchi.

"Nitong pag-alis ko, talagang bakasyon galore. Yun ang birthday gift ko sa sarili ko. Umalis ako noong May 29 right after my birthday. Matagal ko naman nang pinaalam 'yon sa mga shows ko sa GMA-7. Gusto ko talagang makapagpahinga at gusto ko kasama si Lola Luchi.

"Si Lola Luchi kasi, adventurer din 'yan tulad ko. Wala ring kapaguran. Kaya ang saya-saya naming dalawa noong mamasyal kami. Binisita namin ang ilang relatives niya sa U.S. Bonding-ever kaming mag-lola at enjoy na enjoy kami talaga kasi wala akong trabaho at hindi ako nagmamadali parati. Na-enjoy ko ang biyahe ko talaga," ngiti niya.

Isa pang ginawa ni Rufa Mae sa kanyang U.S. vacation ay soul searching. Yun naman daw ang madalas na gawin niya kapag nasa ibang bansa siya.

"Before ako umalis, may mga problema, may mga intriga na minsan hindi ko na kinakaya, e. Pero nagdarasal talaga ako na sana dumaan na lang lahat at hindi na ako nasasangkot pa. Nataon din na noong magbakasyon ako, marami palang naganap dito sa atin. It's good na wala pala ako rito, or else, nasali-sali na naman ako kahit wala akong kinalaman, di ba?

"Kaya habang tahimik akong nababakasyon, soul searching na naman ako. Nagpasalamat ako sa mga blessings na ibinigay sa akin at sa family ko, malakas pa ang lola ko, at matagal na akong hindi nasasaktan emotionally ng kahit na sinong lalake. Kaya very thankful ako sa lahat.

"Nagtatanong nga ako kung ano pa ba ang kulang sa buhay ko. Masaya naman ako, sa totoo lang. I don't feel lonely. Kapag nakapaligid sa akin ang mga kapatid ko, ang saya-saya namin. Iniisip ko na okey pala ang buhay na ganito. Pamilya na lang ang mahal mo. Sila ang nagiging kakampi mo sa kahit anong oras."

SINGLE LADY. Single pa rin si Rufa Mae at aminado naman siyang may mga suitors siya ngayon, pero hindi pa raw oras para mag-commit siya. Enjoy kasi siya sa kanyang pagiging single.

"Kung noong bagets-bagets pa ako, kapag may manliligaw, sige para may boyfriend ako. Ngayon kasi iba na. Habang nadadagdagan ang edad mo, may mga nare-realize ka na. Okey lang kapag bagets ka pa. Cute tingnan na may iba't ibang boylets ka. Ngayon kasi sa edad ko, kailangan seryosohan na.

"In fairness naman, yung last boyfriend ko, si Bobby [Lopez], serious 'yon. Naging problema lang yung distance. Hindi naman parati na bibiyahe ako papunta sa kanya. May buhay din ako dito sa atin. May mga trabaho ako. Yun ang hindi namin napagkasunduan. But it was a serious relationship. Hindi lang talaga nag-work out."

BACK TO WORK. Kaya ngayon ay gusto na ulit magtrabaho nang husto ni Rufa Mae. Bukod sa pagbalik niya sa SOP, Showbiz Central, at Bubble Gang, gusto na niyang bumalik sa pag-arte sa isang drama series. Huling napanood si Rufa Mae sa Dyesebel nina Marian Rivera at Dingdong Dantes.

"Dapat nga kasali ako sa Zorro, di ba? Kaso noong mag-start na sila ng taping, e, naka-schedule ang series of shows ko sa U.S. Kaya pinalitan ako ni Maureen [Larrazabal].

"Feel ko na ulit na magkaroon ng soap drama. Gusto ko kasi bukod sa TV hosting at pagku-comedy, may pa-drama-drama din ako. Sa ngayon, wala pa naman silang sinasabi na akin kung ano ang kapalit ng Zorro. Basta ready na ulit ako makipagpuyatan sa set."

Nabanggit din ni Rufa Mae na may mga pelikula rin siyang naka-lineup bago matapos ang taon.

"Heto na nga ang kapalit ng mahabang bakasyon ko, sunud-sunod na trabaho. Pero okey lang kasi ito naman ang gusto ko at nagpapasalamat ako na nandiyan pa rin ang trabaho para sa akin. Kaya go, go, go na ulit ako!" pagtatapos ni Rufa Mae. - Philippine Entertainment Portal | | More

Source: GMANews