|
|
| Paghuhubad nina Anne at Angelica, hindi malaswa!![]() Author: Jojo Gabinete SINA Anne Curtis at Angelica Panganiban ang mga bagong female endorser ng Swatch Skin. Sobrang curious ang entertainment press dahil inilihim ng Swatch ang identity ng kanilang mga sexy endorser. Kanya-kanya sila ng hula. May nagsabi na posibleng isa si Anne sa mga endorser, pero image model siya ng isang brand ng relo. Tama ang hula ni Salve Asis na Swatch girl na rin si Angelica dahil napanood niya si Derek Ramsey sa special audio-visual presentation ng 25-year-old watch company. Sa press launch kahapon, ikinuwento ni Anne na napili siya bilang Swatch girl dahil sa rekomendasyon ni Billy Crawford kay Virgie Ramos, ang big boss ng Swatch at Gift Gate sa Pilipinas. Image model din ng Swatch si Billy. Endorser ng Swatch si Derek. Isinasama niya si Angelica sa mga event ng Swatch kaya nakilala ni Virgie ang dating child actress. Hubad sina Anne at Angelica sa mga print ad ng Swatch. Mga relo lamang ang suot nila, pero disente at hindi malaswa ang kanilang mga hubad na litrato. Biktima rin ng piracy ang Swatch. Kasama ang mga fake Swatch at Hello Kitty products sa mga pirated DVD at CD na nagkakahalaga ng P110 milyon na nakumpiska ng Optical Media Board noong nakaraang taon. Para kay Virgie Ramos, direct attack sa kanya ang mga fake Swatch at Hello Kitty items. Ipinagbibili ang mga fake Swatch sa murang halaga ng P180. Luckily, hindi naging tagumpay ang pangongopya sa Swatch dahil ang original product pa rin ang binibili ng mga tao. Pinaghahandaan na ni Alfred Vargas ang kanyang susunod na sexy coffee table book. Naka-schedule ang sexy pictorial ni Alfred sa summer kaya napapadalas ang pagpunta niya sa gym. Ipinangako ni Alfred na ibang-iba ang kanyang pictorial sa unang sexy coffee table book niya na lumabas noong May 2006. Malaki ang participation ni Alfred sa conceptualization ng kanyang forthcoming nude pictorial. Kasabay ng birthday celebration kagabi ni Senator Loren Legarda ang launching ng kanyang ikalawang coffee table book, ang Loren: A Celebration of Life and Nature. Ang picture book ay compilation ng mga paniniwala, prinsipyo, thoughts at advocacies ni Loren tungkol sa mga bata, kababaihan, kapaligiran, at governance sa loob ng 30 years na paglilingkod niya bilang broadcast journalist, two-termer senator, anak, ina, kaibigan at kapatid. Si Bing Carrion-Buck ang publisher at author ng Loren: A Celebration of Life and Nature. Mabibili ang libro mula sa Seagull Philippines, Inc. Tumawag lamang sa telephone numbers (02) 824-7505 at 776-0607. Ang bahagi ng book sales ay nakalaan sa educational fund ng mga marginalized children, isa sa mga paboritong advocacies nina Senator Legarda at Bing. Sina Vivian Velez at Eddie Rodriguez ang mga bida sa movie version ng Ang Babaeng Hinugot Sa Aking Tadyang. Si Carlo J. Caparas ang sumulat ng kuwento na nobela na sinubaybayan noon sa komiks. Siya rin ang naging direktor nang isalin sa pelikula ang sikat na nobela. Sina Marian Rivera at Dingdong Dantes ang lead stars ng TV remake ng Ang Babaeng Hinugot Sa Aking Tadyang. Unfortunately, hindi nagkaroon ng pagkakataon sina Marian at Dingdong na panoorin ang pelikula na pinagbidahan nina Vivian at Eddie noong dekada '80. Sa pagkakaalam namin, walang kopya ang pelikula at kung hindi kami nagkakamali, si Vivian ang producer. Siya ang big boss ng Amazaldy Films. Natatandaan namin ang kuwento ng Ang Babaeng Hinugot Sa Aking Tadyang dahil nagmarka sa aming isip ang kakaibang pangalan ng bidang babae, si Proserfina. Source: Abante |