Nov 23
HomeLoginBrowseNewsTV SchedulePreferenceHelp
 

Pagkamatay ni Marky, 'di matanggap ni Gian

Author: Leo M. Bukas

MATALIK na kaibigan ni Gian Carlos at ka-batch pa sa StarStruck si Marky Cielo.

Kaya, hindi matanggap ni Gian ang pagkamatay ng kaibigan na itinuring na rin niyang kapatid.

Ayon sa kuwento ni Eda Nolan, isa sa cast members ng Komiks Presents Mars Ravelo's Dragonna, na mapapanood sa ABS-CBN sa Dec. 13, sobrang nalungkot si Gian sa nangyari.

"Mag-best friend talaga silang dalawa. Kahit nu'ng hindi pa kami kasal ni Gian, lagi talaga silang magkasama," simulang kuwento ni Eda.

"Nu'ng Sabado ng hapon, ka-text pa ni Gian si Marky. May ino-organize silang party para kay Tatay Rommel (Gacho, Marky's business manager). December 14 'yung party. Sabi nga ni Gian kay Marky, hindi siya makakapunta kasi nataon naman na birthday ko 'yon.

"Walang nagsabi sa amin na patay na si Marky. Pero nu'ng Sunday, iba na 'yung nararamdaman namin. Parang weird na mabigat 'yung pakiramdam. Hanggang sa napanood ko na sa TV na patay na nga si Marky.

"Tinawag ko agad si Gian. Sabi ko, 'Beh, patay na raw si Marky. ' Ang sagot niya sa akin, 'Naku, mga nanloloko lang 'yan. '

"Hindi kasi agad siya makapaniwala. Tinatawagan namin si Marky, pero walang sumasagot. Hanggang 'yon na nga, nakumpirma na namin.

"Bandang 6 p. m. , nagpunta na kami sa Antipolo para kumpirmahin pa namin. Kasi nga, hindi pa rin kami naniniwala, eh. Pero 'yun na, patay na nga," kuwento ni Eda.

"Pagkakita ni Gian kay Marky, humagulgol na siya. Sobrang close kasi talaga si Gian kay Marky. In times of need, si Marky 'yung nandiyan for Gian," dagdag pa ni Eda. "Everytime na titingnan ni Gian si Marky, humahagulgol siya. "

Plano rin daw bumisita ni Marky sa bahay nina Eda at Gian para tingnan ang kanilang baby.

"Bibisita dapat siya sa amin kasi gusto nga niyang makita 'yung baby namin na inaanak niya. Pero hindi na natuloy...

"Pag-uwi namin, habang nagda-drive si Gian, iyak siya nang iyak. Para siyang wala sa sarili. Sabi ko, 'Beh, kaya mo pa ba?' Ang sagot niya, 'Masakit. Para akong nawalan ng kapatid. '

"Pagkatapos naming umuwi ng 10 p. m. nu'ng Sunday, hindi siya mapakali. Hindi rin siya makatulog. Kaya, bumalik siya ng bandang 11 p. m. sa Antipolo. Dadamayan daw niya si Marky. Gusto raw niyang makita ulit si Marky kasi dadalhin na ito sa Mountain Province sa Wednesday.

"Malaking kawalan para sa amin ang pagkamatay ni Marky. Sobrang malapit siya sa pamilya namin at parang kapatid na siya ni Gian," dagdag pa ni Eda.

Itinanong na rin namin kay Eda kung may napansin ba silang kakaiba kay Marky. Meron kasing lumalabas na anggulong diumano'y nag-suicide ang binata.

"Si Gian lang ang tumitingin kay Marky, eh. Hindi nga kasi ako makatingin sa patay... Pero wala namang sinabi sa akin si Gian. Wala naman sigurong ganu'n," tugon pa niya.

On a lighter note, masaya si Eda dahil may trabaho na uli siya sa ABS-CBN.

Huling napasama si Eda sa teleseryeng Walang Kapalit nina Piolo Pascual at Claudine Barretto.

Masaya rin siya na nakatrabaho si Shaina Magdayao, ang bida sa Dragonna, at ang iba pang cast nito na sina Carlos Agassi, Jake Cuenca, Bayani Agbayani at Alessandra de Rossi.

Source: People's Tonight