Nov 23
HomeLoginBrowseNewsTV SchedulePreferenceHelp
 

Pilita, nairita kay Dyan?

Author: Jojo Gabinete
Column: The Source

KASABAY namin kahapon si Manny Pacquiao at ang kanyang Team Pacquiao sa PAL flight mula sa LA pabalik sa Pilipinas. Pinagkaguluhan si Manny sa Los Angeles International Airport ng mga kababa­yan natin at ng mga empleyado ng LAX. Nabanggit ni Joe Barra­meda na lumapit at kinamayan si Manny ng mga Mexicano na naroroon din sa airport.

Pasahero rin ng PAL sina Pilita Corrales, Carmen Pateña, Carmen Soriano, Chris Tiu at si Mot­her Lily Monteverde.

Narinig namin ang kuwento na nagreklamo ang ilang mga pasahero, kabilang na si Pilita dahil inilipat sila sa ibang upuan para raw ma-accommodate si Dyan Castillejo at ang crew nito na maya't-maya ang pag-iinterbyu kay Manny sa loob ng eroplano nito.

Lumapit sa lugar namin ang isang flight attendant para isumbong ang pang-aabala na ginagawa raw ng grupo ni Dyan kay Manny at sa ibang mga pasahero sa business class section.

Dalawang beses na pumunta si Mother Lily sa aming kinauupuan para ipaalaala kay Redgie Magno (Senior Program Ma­nager ng GMA 7) ang kanyang plano na ipag-produce ng pelikula si Manny.

Hangang-hanga si Mother Lily kay Manny dahil great boxer ito. Mrs. Pacquiao at hindi na Mrs. Tiu ang tawag namin sa Regal Films producer dahil bilib na bilib siya kay Manny. Nagpakuha pa si Mother Lily ng litrato na kasama si Manny. Nire-request niya kay Redgie na papirmahan kay Manny ang kanilang litrato.

In demand si Mot­her Lily sa mga photo-op. Pinagkaguluhan din siya ng mga Pilipino na nanood ng dance concert nina Marian Rivera at Dingdong Dantes sa Shrine Auditorium.

Panay ang pakuha nila ng litrato na kasama si Mother Lily.
***

Maagang dumating sa Pilipinas ang eroplano na sinakyan namin. Sinabi ng piloto na advance ng isang oras at dalawampung minuto ang flight mula sa Los Angeles na nagkaroon ng almost an hour stop-over sa Guam para mag-refuel.

Nang lumabas kami sa eroplano, nakapila na ang mga empleyado ng PAL na gustong makita si Manny. Nakaabang din ang mga TV crew na nag-unahan na mainterbyu ang Filipino boxer na tumalo kay Oscar Dela Hoya.
***

Nang makarating kami sa bahay, nakatanggap kami ng text message mula sa aming kapatid na pulis na si Percival Gabinete.

Ibinalita niya sa amin na sumakabilang-buhay kahapon ang veteran singer-actress na si Didith Reyes. Ibinigay ng aming kapatid ang contact number ni Col. Mapelino Bazar, ang Police Chief ng Biñan, Laguna.

Tinawagan namin si Col. Bazar sa telepono para sa detalye ng pagpanaw ng kontrobersyal na singer na nagpasikat sa mga kanta na Bakit Ako Mahihiya at Nananabik.

Ikinuwento ni Col. Bazar na iniimbestigahan pa nila ang dahilan ng pagkamatay ni Didith. Wala nang buhay si Didith nang makita ito ng kanyang kaibigan na si Derly Antolin ng Barangay Sto. Domingo, Biñan, Laguna. Bandang 5:00 a.m. kahapon nang mapansin ni Derly na hindi na humihinga si Didith.

Napag-alaman ni Col. Bazar na dumating si Didith sa bahay ni Derly noong Linggo. May mga pasa ang mukha at katawan ni Didith at nang tanungin ito kung ano ang nangyari sa kanya, sinabi lang niya na naaksidente siya.

Hindi na nagkuwento si Didith ng ibang detalye.

Nagpaalam si Didith na matutulog ito ng 8:00 p.m. noong Martes pero hindi na siya nagising. Pumanaw si Didith sa edad na 60.

Source: Abante