|
|
| 'Pinas, balak gawing prime film tourist destinationAuthor: Ian F. Farinas RELAXED si Senate President Manny Villar nang humarap sa entertainment press kahapon ng tanghali para ibalitang pinagtibay na ng Senado sa ikatlo at pinal na pagbasa ang panukalang batas na magpapababa sa amusement tax mula 30 tungong 10 porsiyento. Break daw kasi ang Senado sa kasalukuyan. Isa si Sen. Villar sa mga kandidatong tinulungan ng Regal produ na si Lily Monteverde nu'ng nakaraang eleksyon na nangakong gagawan ng paraang mapababa ang buwis sa industriya ng pelikula. Ang iba pa'y sina Sen. Noynoy Aquino, Sen. Bong Revilla, Sen. Chiz Escudero at Sen. Loren Legarda. Bukod sa tax reduction, ibinahagi rin ng senador ang planong gawing "prime film tourist destination" ang 'Pinas, dahil sa dami ng magagandang lugar dito. Swak daw ang ating tourist spots sa paggawa ng foreign movies, TV shows, music videos at iba pang palabas, gaya ng sa Hollywood. Ayon pa kay Sen. Villar, natural ang kagandahan ng 'Pinas, kaya parami nang parami ang international stars na gustong mag-shooting dito. Binanggit niya ang Oscar award-winner na si Reese Witherspoon bilang isa sa mga sikat na Hollywood stars na type gumawa ng pelikula rito. Ang bonus pa sa bill na inihahanda niya'y ang parte kung saan balak bigyan ng exemption sa E-VAT ang mga kumpanya at institusyon ng sangkot sa film tourism industry at sa pagbabayad ng buwis para sa importasyon ng mga gamit at pasilidad sa paggawa ng pelikula. Samantala, hiningan din ng reaksyon ng showbiz press si Sen. Villar tungkol sa pagpapalaya ng mga bumihag na Abu Sayyaf sa ABS-CBN reporter-anchor na si Ces Drilon at mga kasamang cameraman. Aniya, nagagalak siya't nakalaya na nga si Ces and company, pero sana raw, sa susunod ay matuto na tayong mag-ingat, dahil meron talagang mga lugar na hindi safe. Kahit nga raw sa Amerika, may mga lugar na sadyang peligroso. Hindi rin pinalampas ng senador ang paghingi ng sorry ni Ces sa lahat ng naabala sa insidente ng pangingidnap sa kanila. Nag-apologize naman daw, kaya siguro, dapat nang kalimutan ang nangyari. "Although ang Armed Forces, hindi dapat tigilan 'yan," mabilis na pahayag ng senador. Source: People's Tonight |