|
|
| Pinky Webb: XXX lady na!![]() Author: Pilipino Star Ngayon Mas eksklusibo at mas eksplosibo pang mga expose ang inyong matutunghayan sa XXX sa pagpasok ng pinakabago nitong host na si Pinky Webb simula bukas, May 3. Kaisa nina Henry Omaga-Diaz at Julius Babao, si Pinky na ang bagong mukha ng XXX sa tuluy-tuloy na pagsiwalat ng mga anomalya at katiwalian sa lipunan. Si Pinky ay hahalili kay Karen Davila na may bagong hamong haharapin sa ibang Current Affairs program na dapat ding abangan. "Makailang beses na ring pinatunayan ni Pinky sa kanyang mga reports ang kanyang kakaibang husay at tapang bilang isang mamamahayag kaya naman marapat lang na mapabilang siya sa programang tulad ng XXX na nangangailangan ng mga katangiang taglay niya," sabi ni ABS-CBN Current Affairs and News Production head Luchi Cruz-Valdes. Madiskarte at palaban, si Pinky ay nakagawa ng exclusive report kay Daniel Smith na naging bahagi ng International Emmy Awards nominated entry ng Bandila na Subic Rape Case Promulgation. Hinarap na rin nito ang mga panganib sa pagkalap ng balita tulad ng makasaysayang Manila Peninsula Siege kung saan lalo pa niyang pinatunayan ang kanyang tapang bilang isang reporter nang hindi man lang niya ininda ang nakaambang panganib ng pagbobomba ng tear gas sa kabila ng kanyang sakit na asthma, maihatid lamang ang balita sa mga manonood. Ito rin ang mga katangiang bitbit ni Pinky sa kanyang pagsali sa XXX, kung saan maaasahan siyang gawin ang lahat pati na ang pagiging undercover journalist, kung kinakailangan, para lang mailantad ang mga katiwalian tulad ng prostitusyon, drug addiction, pang-aabuso, atbp. "Malaking serbisyo publiko ang dulot ng XXX sa pag-expose ng krimen, lalo na sa mga inosenteng taong nabibiktima. Magandang pagkakataon ito para sa akin, ang hindi lang makapag-report, kundi pati makatulong sa kababayan natin," sabi ni Pinky. Nagtapos si Pinky sa kursong Communication Arts sa De La Salle University at kumuha ng short courses para sa kursong Broadcast Journalism sa UCLA at sa California State Long Beach. Isa rin siya sa pangunahing host ng Umagang Kay Ganda at mapapakinggan din sa kanyang mga programa sa DZMM. Source: The Philippine Star |