| | Piolo Pascual: 'I can't please everybody' Author: Heidi Anicete Kanina sa isang eksklusibong panayam sa SNN ay matapang na humarap si Piolo Pascual kay Boy Abunda upang ibahagi ang ilang mga unrevealed details patungkol sa kanyang buhay-mga maiinit na detalye kaugnay ng kanyang buhay pag-ibig at trabaho.
Bago pa man nag-umpisang umugong ang mainit na bali-balita ngayon na pilit na nag-uugnay kay Piolo sa anak ni Mega Star Sharon Cuneta na si KC Concepcion, minsan na ring naugnay ang binata sa ngayo'y malapit nang ikasal na si Rica Peralejo. Kaugnay ng nalalapit na pakikipag-isang dibdib ni Rica, inamin ni Piolo na hindi pa siya nakakatanggap ng imbitasyon para sa paparating na kasal nito. Ganoon pa man, masaya niyang ibinahagi sa SNN ang lubos na kagalakan sa fact na once and for all ay nahanap na ni Rica ang lalaking siyang makakasama nito sa panghabangbuhay. Kung sakali man raw palarin na mapabilang siya na mapabilang sa entourage ng dalaga, sinabi niyang bukas loob niya itong tatanggapin. Ayon na nga sa kanya, "I am sincerely happy for her" kaya ganon na lamang siya kabukas sa pagiging parte ng isa sa mga pinakaimportanteng araw na ito sa buhay na Rica.
Kaugnay na naman ng natatamasa niya ngayong rurok ng kasikatan, hindi maiwasan na magkaroon ng detractors si Piolo. Nang subukan namang usisain ni Boy ang reaksyon niya patungkol sa patuloy na paninira sa kanya ng ilang mga tao, deretsahan naman niyang inamin na nasasaktan din siya. Ayon nga sa kanya, sa tuwing nakakabasa raw siya ng blogs at write ups na tumutuligsa sa kanya ay hindi niya maiwasang sumama rin ang loob kahit papaano; ngunit bilang pampalubag loob na lamang niya sa sarili, ang palagi na lamang daw niyang sinasaisip ay " Trabaho lang 'to sa akin, at kailangan ko na lang din tanggapin na I can't please everybody." Dagdag pa niya dito, " Mahirap, at masakit, pero that makes me a better person."
Mayroon mang mga grupong patuloy ang paninira sa kanya, di naman maitatangging marami pa rin ang siyang patuloy na sumusuporta ngayon sa pinagpipitagang aktor. Maliban sa husay niya sa pag-arte, tinatayang isa na marahil sa patuloy na inaabangan ng publiko sa nasabing binata ay ang di umano'y kabigha-bighani nitong mukha. Gawa na rin nito, hindi na maiwasang itanong ni Boy kay Piolo kung nagawa ba niyang ipainsure ang nasabing asset niyang ito. Agad naman itong pinabulaanan ng binata. Giit pa niya, "I want to age gracefully."
Para sa pagpapatuloy ng exclusive interview ni Boy kay Piolo ay walang takot naman niyang isisiwalat ang di umano'y ilang detalye kaugnay ng kanyang nakaraan. Ilan uling maiinit na tanong ang siya namang nakahandang sagutin ni Piolo bukas sa SNN, pagkatapos ng The Wedding. Source: ABS-CBN Interactive |
|