|
|
| Psychic's prediction: Dingdong and Marian's relationship won't last![]() Author: Gidget Alikpala Hinulaan ni Madam Suzette Arandela na matatapos ang tatlong taong relasyon nina Dingdong Dantes at Karylle at nagkatotoo. Hinuhulaan naman niya na hindi magtatagal ang romansa nina Dingdong at Marian Rivera. Bagamat wala pang pormal na pag-amin sa pagitan nina Dantes at Rivera, sinabi ni Madam Suzette ang mga babae sa buhay ng aktor ay "come and go" lamang. "Hindi pa handa si Dingdong sa isang seryosong relasyon kaya huwag asahan na magtatagal ang kanilang relasyon ni Marian," pahayag ni Arandela. Showbiz split-ups Sinabi rin ng manghuhula ng showbiz na maraming relasyon na mabubuwag ngayong 2009. "Maraming mag-asawa na maghihiwalay. Maraming mag-boyfriend at mag-girlfriend ang maghihiwalay," pagpapatotoo niya. "Kaya kailangang pag-ingatan ng bawat isa ang kanilang relasyon. Dapat ay magkamahalan sila," payo ng psychic. Gayunman, napupuwera anya ang pag-asawahan nina Claudine Barretto at Raymart Santiago dahil matatag ito. "Give and take kasi sina Claudine at Raymart. May understanding sila lagi. At nagko-consult agad sila sa counselor pag may problema sila sa kanilang marriage. They also talk out immediately ang kanilang problems," dagdag ni Arandela. Matatag din anya ang pagmamahalan nina Vilma Santos at Ralph Recto. "Tatakbo si Vilma sa mas mataas na posisyon at siya'y mananalo. Kailangan ni Ralph si Vilma sa pulitika," analisis ni Madam Suzette. Samantala, ang relasyon naman aniya ng anak ni Vi na si Lucky o Luis Manzano kay Angel Locsin ay hindi magtatagal. "Career ang priority nila. Inspirasyon lang nila ang bawat isa sa trabaho which is good, pero forever naman silang friends," obserbasyon ng manghuhula. Nora's comeback Makakabalik sa Pilipinas si Nora Aunor sa 2009 at magiging aktibo ulit siya sa showbiz. "Gagawa siya ng pelikula at magkiklik ito. Lalong gaganda ang buhay ng kanyang mga anak na sina Ian Kristofer, Lotlot, Matet, Kiko at 'yong isa pa lalo na sa kanilang lovelife. Ito ang magiging inspirasyon ni Nora para lalo pang magsikap." Isa naman anyang relasyon ang papasukin ni Alma Moreno sa 2009 at mas matindi ito. "Ito na ang magiging last love ni Alma dahil for keeps na ito kaya lang ay dapat niyang alagaan nang mabuti para hindi mawala." Patuloy pa rin ang romansa ani Madam Suzette nina Oyo Boy Sotto at Kristine Hermosa. "Napakaselosa lang ni Kristine pero mahusay magdala si Oyo Boy kaya walang problema," sabi niya. "Lalo pang tataas ang popularity ni Piolo Pascual. Magkaka-award uli siya at pagkakaguluhan lalo na ibang bansa," wika ni Suzette. "Matatag din ang relationship nina Sandy Andolong at Christopher de Leon. Ito ang gagayahin ng kanilang mga anak na mag-aasawa na rin. Kaya proud parents sina Sandy at Boyet," hula ni Madam. Hope for the movie industry Makakabangon anya ang industriya ng pelikulang Pilipino pero konti lang at ang lalo pang mamamayagpag ay ang mga digital o indidepent films na lalong magkaka-award sa ibang bansa. "Mangunguna uli si Brillante Mendoza sa kanila. May mga bagong filmmaker na susulpot pero sina Brillante at Jeffrey Jeturian pa rin ang the best sa kanilang lahat." Marami rin anyang mabubuntis na mga artista na walang ama. "Mag-ingat si Anne Curtis sa ganyan kasi prone siya sa maagang pag-aasawa pero matalino naman siya at nag-iisip muna nang maraming beses bago gawin ang isang bagay. Mahusay din ang kanyang mga adviser." "May pagluluksa pa rin sa 2009 at nakikita ko na may isang senior star na magkakasakit nang malubha at isang komedyante na mabibingit sa kamatayan," sabi niya. Past predictions Ang isa pang hula ni Madam Suzette ay ang nasabi niya kay Ricky Lo noong isang taon. "Nag-usap kami ni Ricky last year. Sabi ko sa kanya, isang young star na taga-'Starstruck' ang mamamatay at nangyari nga dahil si Marky Cielo at member no'n. Kita mo ang nangyari kay Marky. Nakakakilabot," wika ng psychic. Hinulaan din niya na may kudeta na magaganap sa Lower House at naganap ang kanyang prediskyon nang mawala si Congressman Jose de Venecia sa puwesto bilang Speaker of the House of Representatives. "Sinabi ko rin sa mga nagtatanong sa akin last year na maraming flash floods ang mangyayari sa 2008 at nangyari rin. Ang sabi ko madalas, guide lang kaming manghuhula at mag-ingat lang ang mga tao. Dapat ay lagi tayong magdasal para ligtas lagi tayo sa kapahamakan," sabi ni Madam. "Ang global recession ay hindi masyadong makakaapekto sa Pilipinas pero kailangan din na magtipid tayo dahil mas mahirap ang 2009 lalo na sa first quarter ng taon," payo niya. "Babalik na sa pelikula at TV si Lorna Tolentino pero si Rudy Fernandez pa rin ang lagi niyang nasa isip. Si Rudy ang magbibigay ng lakas ng loob kay Lorna. Klik ang movie ni LT sa 2009," wika ni Madam. "Nakikita ko na marami pa ring attempt para mawala sa puwesto ni President Gloria Macapagal-Arroyo pero malalagpasan niya ang mga ito at matatapos ang kanyang term sa 2010," dagdag niya. Source: ABS-CBN News |