Regine, mabubuntis ngayong 2008!Author: Jojo Gabinete Column: The Source SARI-SARING hula tungkol sa mga mangyayari sa showbiz ngayong 2008 ang aming nababasa. May mga hula na bago sa ating pandinig pero mas marami ang mababaw na hula. Tulad ng nagdaan na taon, susubukan namin na manghula, mga hula na “just for fun” at hindi dapat seryosohin pero posible na mangyari.
Magbubuntis ang isang aktres. Maghihiwalay ang isang showbiz couple. Magkakabalikan sina Sunshine Cruz at Cesar Montano. Isang matandang artista ang mamamatay dahil sa “old age” (kaya nga matanda!).
Magpapatuloy si Snooky Serna sa pagsakay sa tricycle at MRT at hindi niya ito makakaligtaang sabihin sa mga interview sa kanya.
Once and for all, maglalabas ng statement ang Sofitel na hindi totoo na naroroon sina Sam Milby at Piolo Pascual noong October 12, 2007. Ang twist sa kanilang statement? Hindi rin nakita doon si Lolit Solis.
Iiwasan na ni Lolit ang mga tao na katunog ng scam ang pangalan tulad ni Sam. Tuloy ang pagiging movie producer ni Manny Pacquiao kahit na-trauma siya sa P30 M budget ng Anak ng Kumander.
For 2008, ipo-produce ni Manny ang Anak ng Kumander 2 pero out na si Ara Mina sa cast para hindi na magselos si Jinkee. Si Cristine Reyes ang kukunin ni Manny bilang leading lady sa Anak ng Kumander 2.
Aaminin ni Patrick Garcia na totoo ang mga tsismis na nalululong siya sa mga on-line gaming casino. Magiging spokesperson si Patrick ng YAG or Youth Against Gambling. Magkakasundo sina Dennis Trillo at Carlene Aguilar. Manghihinayang si Carlene sa P5 K monthly support na ibibigay ni Dennis sa kanilang anak.
Sinasadya ni Carlene na buwisitin si Dennis dahil mahal pa rin niya ang aktor.
Mababalewala ang apela sa GMA 7 ng fans nina Jennylyn Mercado, Nadine Samonte at Rhian Ramos na ang kanilang mga idolo ang maging bida ng Darna at Dysebel, dahil naka-reserba na ito kay Marian Rivera.
Magkakasundo sina Senator Bong Revilla at OMB Chair Edu Manzano. Magkakasundo sila na ituloy ang kanilang away at hahantong ito sa korte.
Babalik ng Pilipinas si Nora Aunor. Wala lang, babalik lang siya.
Gagawa ng pelikula sa Star Cinema si KC Concepcion. Gagawa rin ng pelikula sa Star Cinema si Angel Locsin pero maghahabol si Mother Lily Monteverde dahil hindi pa tapos ang kanyang kontrata sa Regal Films.
“Enteng Kabisote 5” ang title ng 2008 Metro Manila Film Festival entry ni Vic Sotto. Tuloy ang iringan ng ABS-CBN at GMA 7. May mga artista ng GMA 7 ang lilipat sa ABS-CBN at may mga artista ang ABS-CBN na lilipat sa GMA 7.
Itutuloy na ni Amalia Fuentes ang kaso na isasampa niya laban sa kanyang estranged husband na si Joey Stevens.
Handa na si Regine Velasquez na maging ina. Handa na si Ogie Alcasid na maging ama uli.
Magkakaroon ng another season ang Daisy Siete. Magre-renew ng kontrata ang Eat Bulaga sa GMA 7.
Magkakaroon ng tampuhan sina Willie Revillame at Valerie Concepcion. Lilipat si Cristine sa ABS-CBN at magiging co-host siya ni Willie sa Wowowee. Magiging matamlay pa rin ang movie industry. Gaya ng kanyang sinabi, ire-revive ni Mayor Alfredo Lim sa June ang Manila Film Festival.
Mabubuhay ang away nina Marian Rivera at Katrina Halili. Mare-realize nila na mas pinag-uusapan sila kung may mga balita na hindi sila nag-uusap sa set ng Marimar. So, mas enjoy pag magkaaway sila.
Magiging successful ang CD album ni Gretchen Barretto, kasabay ang intriga na siya rin ang pumakyaw sa kanyang album para magkaroon agad ito ng gold award.
Seseryosohin ni Gretchen ang pagiging singer pero hindi siya seseryosohin ng mga tao. Mas gusto nila si Gretchen kapag nasasangkot ito sa mga eskandalo.
Magkakabalikan sina Ruffa Gutierrez at Yilmaz pero muling magkakahiwalay.
Magkakaroon uli sila ng reconciliation pero magkakahiwalay. Magkakabalikan...maghihiwalay...magkakabalikan...maghihiwalay...magkakabalikan...ho-hum... Makikipagbalikan si Erik Santos kay Rufa Mae Quinto dahil napagtanto niya na hindi na siya pinag-uusapan mula nang magkahiwalay sila.
Hindi na papayag si Rufa Mae. Makakakita ng bagong mahal si Rufa Mae, isang boyfriend na hindi na pagdududahan ang gender.
Magkakaroon ng bagong game show si Kris Aquino. Hindi na magkakaroon ng problema ang relasyon nila ni James Yap. Matutupad ang “hope” ni Kris na magkaroon ng tahimik na buhay.
***
Comments are welcome at jojogabinete@yahoo.com.
Source: Abante |