Nov 24
HomeLoginBrowseNewsTV SchedulePreferenceHelp
 

Regine-Ogie, nag-loving-loving sa Tagaytay! Boyfriend ni Iza Calzado, sobrang delicious! John, excited sa kasal nila ni Priscilla sa 2011!

Author: Rey Pumaloy
Column: Oh, Laban Ka?!

HALATANG pagod na pagod pa ang magkasintahang Regine Velasquez at Ogie Alcasid nang humarap sila sa kanilang mga bisita sa idinaos na birthday party ng huli sa last Thursday sa club house ng Ayala Heights.

Kuwento ni Regine, kakagaling lang daw nila ni Ogie sa Tagaytay, na kung saan ay nag-overnight sila para salubungin ang birthday ni Ogie.

Silang dalawa lang daw ni Ogie ang magkasama sa Tagaytay. At kahit pagod, halatang masaya si Regine sa pagla-loving-loving nila ni Ogie sa Tagaytay.

Say nga ni Regine, ang saya-saya raw niya sa pagsasama nilang `yon ni Ogie. Anyway, gabi na nu'ng makarating sila sa Maynila, at nagpalit lang sila ng damit at humarap na agad sa mga bisita ni Ogie.

Sa totoo lang, masaya ang atmosphere sa party, kahit alam mong simple lang `yon. Panay mga malalapit na kaibigan nila ang mga bisita.

Ilan nga sa mga nakita namin sa party ni Ogie ay sina Michael V., Dingdong Avanzado, John Estrada, Wendell Ramos, Iza Calzado, kasama ang boyfriend na si Icatos, Ara Mina, Bing Loyzaga, Antonio Aquitania, Mother Lily Monteverde, Ms. Malou Choa-Fagar, Redgie Magno, Wyngard Tracy, Joyce Bernal, Ana Pingol at Dolly Anne Carvajal.

Siyempre, ipinakilala sa akin ni Iza ang kanyang boyfriend. In fairness, may appeal ito at hunk na hunk ang dating. Halatang suki ito sa work out dahil kahit naka-white long sleeves ito, bakat na bakat ang pormado nitong muscles.

Sabi nga namin kay Iza, sobrang delicious ang boyfriend niya, na tinawanan lang ng dalaga. Panay nga ang tukso namin na happy talaga siya ngayon sa love life niya.

“Happy naman ako palagi, ah,” nakangiting say ni Iza.

Anyway, hindi handa si Iza na ilantad sa publiko ang kanyang boyfriend.

Kaya naloka siya nu'ng biglang dumating ang mga TV crew ng 24 Oras, Startalk at Showbiz Central.

At bagama't hindi nakaiwas si Iza na magpa-interview sa TV, nauna namang lumabas ng venue ang boyfriend niya.
***

Anyway, kinumpirma naman sa amin ni John Estrada na tuluy na tuloy na sa 2011 ang kasal nila ng girlfriend na si Priscilla Meirelles, isang Brazilian.

Halata ngang excited na si John sa kasal nila ng kanyang dyowa.

Kasama raw niya si Priscilla sa party na `yon, pero nauna na raw umuwi, kaya hindi na namin nakita.

Nakakaaliw si John, dahil nagpaunlak talaga siyang kumanta sa party ni Ogie. 'Yun nga lang, panay ang tawa ng mga tao sa kanya, dahil bukod sa walang kabuhay-buhay ang pag-awit niya, wala pa siya sa tono.

Pero, ang agaw-eksena sa gabing `yon ay si Michael V. na umawit ng Careless Whisper, na sinabayan pa niya ng seksing sayaw. Kaduet niya roon si Ogie.

Hindi nga nagpaawat si Bitoy sa paggiling habang kumakanta, at siyempre, nakigiling din nang husto sa kanya si Ogie.

Sa eksenang `yon, halos maluha-luha si Regine sa katatawa.

'Yun nga lang, sa kainitan ng party at kantahan ay biglang nag-brown out.

At habang brown out, dumating naman si Manny Pacquiao na may kasamang sangkaterbang kaibigan.

Siyempre, konting tsika kina Manny at Regine ang ginawa ni Pacquiao, at kapagkuwan ay nilibot na niya para batiin ang lahat ng bisita.

At dahil nu'ng mga oras na `yon ay wala pa ring power sa venue ng party, nagdesisyon sina Ogie at Regine na ituloy sa bahay ni Regine ang party.

Anyway, kitang-kita ang kaligayahan sa mukha nina Ogie at Regine sa party na 'yon. Parang hindi nga napapagod si Regine sa pag-iistima sa mga bisi­ta ni Ogie.

Siyanga pala, kagabi ay inilunsad ang Reigne and Songbird ng Herbench sa MOA.

Siyanga pala, nagpapasalamat kami kay Regine sa pag-iimbita niya sa amin sa birthday ni Ogie. Dalawang taon na nga akong naiimbitahan sa party ni Ogie.

Source: Abante