|
|
| Richard at Heart, type ikulong ni Annabelle sa 'Full House'!![]() Author: Jun Nardo Sabi ng Kapamilya, tinalbugan na nila ang Kapuso, dahil mas marami na raw ang nanonood ng mga primetime shows nila na tulad ng Tayong Dalawa, o Tayong Tatlo, nina Gerald Anderson, Jake Cuenca, at Kim Chiu, pati na rin ng May Bukas Pa ni Santino. Sa Kapuso raw ay ang Zorro na lang ni Richard Gutierrez ang tinututukan ng mga televiewers, ha! Pero siyempre, hindi naman agree riyan ang Kapuso, dahil para sa kanila, sila pa rin ang nangunguna pagdating sa primetime. Katunayan, ipinagmamalaki ng Kapuso na ready'ng-ready na sila sa mas matitinding palabas na ihahandog nila sa mga susunod na buwan, ha! Itataon daw nila `yon sa pagdiriwang nila ng ika-59 na taon ng tagumpay nila, na mas lalo raw magiging maingay ang kampanya nila para sa “Greater and Grateful at 59.” Ngayong tanghali sa SOP, ihahatid ng Kapuso ang espesyal na TV plug nila na magpapakita ng mga bagong primetime show nila sa mga susunod na buwan ng 2009. Pasasalamat daw nila `yon sa mga loyal nilang manonood na patuloy na tumatangkilik sa gawa nila. Unang mapapanood sa SOP ngayon ang 90-seconder plug na magtatampok sa mga pinakamalalaking Kapuso star na magbibida sa mga bagong primetime offering nila. Showcase raw `yon ng mga temang pag-ibig, kabutihan, tiwala, at pag-asa. Unang patikim nila ay ang Filipino flavor ng celebrated Mexicanovelang Rosalinda, kasama ang pinakabagong Kapuso star na si Carla Abellana sa kanyang pinakanatural na aura. Sa plug, makikita siyang lumalakad habang sinasabuyan ng mga bulaklak tungo sa love interest na si Geoff Eigenmann (Fernando Jose). Ang dalawang ito ang mga promising na magkapareha na tumutugma sa hulma ng bukod-tanging pag-ibig. Sa Hulyo na ilulunsad ang Rosalinda. Siyempre, hindi naman maiitsa-puwera si Marian Rivera dahil heto nga at lilipad na siya sa pahimpapawid suot ang kanyang wonder two-piece costume bilang Darna. Pinili raw si Marian ng Kapuso upang i-revive ang all-time favorite comics character na paborito ng mga batang manonood. At ang highly acclaimed Survivor Philippines naman ay magkakaroon ng second season ngayong Agosto, kasama pa rin ang A-1 host na si Paolo Bediones. Kung napatunayang action-packed at ma-drama ang naunang season, tila mas bongga pa raw ang susunod na edisyon nito. Kakaiba ang high ni Paolo bilang torch bearer sa susunod na season. Sakay siya ng helicopter sa plug upang mangumbida sa mga Survivor fanatics. Ang Kapuso charm na si Dingdong Dantes naman ang tumatayong male opposite sa Stairway to Heaven. Sa kanyang pamamalagi sa karnabal ng buhay, nananatiling puno ng pag-asa ang kanyang karakter sa laro ng pag-ibig. At siyempre, ang Telebabad pride na si Richard Gutierrez naman ang male lead sa Full House. Malayo sa kanyang usual hype sa action, dito'y bukas s'ya sa buhay pamilya at walang hanggang ugnayan. Wala pang leading lady si Richard sa Full House. Maghahanap pa raw sila. Pero kung si Annabelle Rama ang masusunod, mas type niyang bitbitin si Heart sa bahay ni Richard sa Full House. Si Heart daw ang bagay kay Richard na makasama kapag ikinulong na sila sa Full House. “Maliit na babae, tsinita at maputi, ganiyan `yung babae sa Full House sa Korea. Kaya bagay na bagay si Heart. Bukod kay Heart, wala na akong naiisip na iba pang puwedeng ipareha kay Richard,” say pa ni Bisaya. Ang omnibus plug ay dinerehe ni GMA AVP for Post Production Operations Paul Ticzon. Ang multi-awarded cinematographer at GMA VP for Post Production na si Ding Achacoso ang director of photography, samantalang si Vince Gealogo ang assistant director. Si Ingrid Navarro mula sa GMA Post ang tumayong producer. Ang creative team ng GMA Program Support na kinabibilangan nina GMA VP for Program Support Regie Bautista, project manager Hasmin Marable, associate creative director Dino Garcia, copywriter BJ Camaya, at art director Reybert Ramos ang nasa likod ng nasabing plug. Source: Abante |