Robin Padilla back to being a Kapamilya Author: Bernie Franco Matapos ang apat na taon ay nagbabalik-Kapamilya si Robin Padilla sa pamamagitan ng gagawin niyang pelikula sa ilalim ng Star Cinema na pagbibidahan nila ni Vhong Navarro. Sa isang interview sa The Buzz Binoe, isa itong masayang pagbabalik dahil naging maganda naman umano ang relasyon niya sa ABS-CBN. Ang huling proyekto niya sa TV network ay boxing reality show na Kamao. 'Marami akong matagal na totoong kaibigan na di nakikita. Mahal ko rin ang Kapamilya,' kuwento ni Robin. 'Sa akin naman ay walang masamang tinapay na ibinigay sa akin (ang Kapamilya network). Sana ay manatali ang relasyon namin. Sinasabi nga ng matatanda, ang pinagsamahang may ugat mahirap bunutin.' Kinilala rin ng aktor ang malaking kontribusyon ng ABS-CBN sa kanyang career kung kaya't hindi umano siya mag-aatubili na gawin ang iniuutos sa kanya pagdating sa trabaho. 'Ako kasi malaki ang tiwala ko sa Star Cinema, eh. Na-repackage nila ako noong araw. Kapag sinabi nilang bukas tayo'y magsu-shoot n a, aba, wala nang tanong-tanong. Nandun na ako 7 a.m.,' pagbibida ni Binoe. Masaya ring ibinalita ni Robin na nagkaharap na sila ng kanyang kapatid na si Bebe Gandanghari at ang iba pang mga kapatid. Aniya, naging maayos naman ang kanilang paghaharap at tanggap na tanggap na nila si Bebe sa bago nitong pagkatao. Sinabi pa nga ni Robin na lalong gumaganda si Bebe ngayon. 'May malungkot na nangyari sa pamilya namin. Namatay 'yung pamangkin namin na alaga niya. Ang importante nandudun siya,' kuwento ni Robin. 'Medyo tinitingnan-tingnan ko lang siya pero iba na talaga siya. Maganda naman 'yung nakikita ko.' Pag-amin pa ni Robin ay kahit ang kapatid nitong si Royette na nagalit noong una sa bagong pagkatao ng kanilang kapatid ay natanggap na si Bebe, sa katunayan ay nagkaiyakan pa umano sila. Mahal umano nila ang kanilang kapatid at susuportahan nila ito kung saan ito masaya. Hindi na rin umano sila kailangang kumbinsihin ng kanilang ina na si Eva Carino dahil matatanda na sila. Sa katunayan sila pa ang nagkumbinsi sa ina na tanggapin na ang desisyon ni Bebe sa bago niyang pagkatao. Sa tingin naman daw niya ay masaya si Bebe sa buhay nito. 'Aba, kami'y nagiging masaya para sa kanya, e dapat maging masaya rin siya para sa sarili niya. Hangga't nakikita namin ang ngiti na 'yon at kinang sa mga mata niya, eh ayos,' sabi ni Robin. Source: ABS-CBN Interactive |