Nov 23
HomeLoginBrowseNewsTV SchedulePreferenceHelp
 

Robin Padilla, hindi lalayasan ang Siyete!

Author: Rey Pumaloy

MARIING itinanggi ni Robin Padilla na lalayasan na niya ang GMA 7 at muling babalik sa ABS-CBN. Sabi-sabi kasi na pumirma ng kontrata si Robin sa Star Cinema, at ka-package deal doon ang pagggawa niya ng teleserye sa Dos.

“Ang pinag-uusapan lang namin sa ngayon ng ABS ay ang pelikula. Wala pa kaming pinag-uusapan sa TV,” sambit ni Robin.

Pero, puwede ba siyang bumalik sa Dos?

“Wala naman akong masamang tinapay kahit kanino. Puwede ako sa Channel 7, puwede rin ako sa Channel 2, at okey rin ako sa Channel 5.

“Puwede ako sa lahat ng channel. Ako naman ay hindi produkto ng kahit sinong network. Ako nagmula sa Viva. Hindi naman pagmumulan ng kahit anong diskusyon 'yan. Ang importante sa akin ay kung sino ang magtitiwala,” paliwanag ni Robin.

Anyway, finally ay sinagot na rin ni Robin ang tungkol sa naging pahayag ng scriptwriter ng Totoy Bato na si Suzette Doctolero.

Matatandaang binatikos nang husto si Robin ni Suzette sa kanyang blog, dahil sa pakikialam raw ni Robin sa kanyang script sa Totoy... Sinabi pa ni Suzette na ayaw na niyang makatrabaho si Robin.

“Naku, mga kaibigan ko sila. Hindi kailanman magkaroon ng diskusyon sa larangan ng talino. Ang opinyon ng bawat isa ay dapat respetuhin.

“Kung tayo ay nagkasala sa ibang tao, tayo ay humingi ng paumanhin.

“Wala po akong issue sa kahit kanino, at nirerespeto ko ang opinyon ni kapatid na Suzette. Ang kanyang mga opinyon ay nirerespeto ko.

“Ang bawat tao ay dapat nating respetuhin hangga't hindi tayo sinasaktan ng pisikal,” sabi pa ni Robin.

Pero, ano ang reaksyon niya sa pagbatikos sa kanya ni Suzette noon?

“Ayon sa kanya, nakainom daw siya ng scotch nung mga pagkakataon na 'yon. Okey lang 'yon,” nakangiting sabi ni Robin.

Ipinagdiinan nga ni Robin na hindi siya kailanman nambastos o mambabastos ng kahit sinong kapwa niyang manggagawa sa showbiz.

“Kailanman ay hindi ko tatapakan ang kahit na sinong talino, hangga't hindi po ito hinihingi ng produksyon. 'Yun lang po ang aking tinatayuan,” malumanay na pahayag na lang ni Robin.

Source: Abante