Nov 22
HomeLoginBrowseNewsTV SchedulePreferenceHelp
 

Robin, nagbanta sa mga manliligaw ni Queenie!

Robin, nagbanta sa mga manliligaw ni Queenie!

Author: Ruel Mendoza

AYAW na ngang malaman ni Robin Padilla ang tungkol sa love life ng anak niyang si Queenie Padilla. Katunayan, hindi na raw niya tinatanong ang dalaga tungkol doon.

Pag-amin ni Robin, ayaw raw niyang masaktan. Iba raw ang pakiramdam ng isang ama lalo na kung alam niyang umiibig na sa ibang lalake ang kanyang anak na babae.

“Noong mga bata sila, ako lang ang lalake sa buhay nila. Talagang ginawa ko ang lahat para maprotektahan sila sa mga puwedeng manakit sa kanila.

At bilang ama, buong-buhay ko ay iaalay ko sa kanila dahil mahal na mahal ko sila,” bungad na sambit ni Robin.

Pero, na-realize raw niya na nagdadalaga na ang kanyang mga anak, at nakakaramdam na rin sila ng pagtingin sa ibang lalake.

“Noong mga maliliit pa sila, pinapalaki ko sila na parang mga lalake. Pero nadiskubre nga nila na mga babae pala sila! Ha! Ha! Ha! Ha!

“Kaya ngayong mala­laki na sila, marami na silang nalalaman at nakikilala.

Para sa amang katulad ko, masakit na malaman na hindi na ako ang nag-iisang lalake sa buhay nila. Mahirap tanggapin, pero 'yon ang katotohanan.

Balang-araw magugulat ka na lang na may iba na silang buhay,” patuloy na pahayag ni Robin.

Pero, inamin ni Robin na hinahanda na rin niya ang sarili na may lalakeng ipakikilala sa kanya si Queenie na nagpapatibok sa puso nito.

Ang hiling lang niya, huwag lang daw siyang gugulatin, at baka iba raw ang magawa niya. Tila may himig pagbabanta nga si Robin na baka maghuramentado siya kapag may iba siyang nalaman.

“Basta huwag lang akong bibiglain. Baka hindi ko makaya. Huwag lang akong gulatin ng balitang buntis na siya kasi hindi maganda ang magiging reaksyon ko.

“Pero may tiwala naman ako sa anak ko. Hindi siya gagawa ng hindi ko magugustuhan. Tayo naman, lahat ng magagandang values ng pagiging Pinoy ay itinuro ko sa kanila. Kahit sa ibang bansa sila nag-aral, gusto ko ay Pinoy sila sa puso at isipan nila.”

Anyway, magbabakasyon nga sa Pilipinas ang buong pamilya ni Binoe. Darating sila sa November 19 at marami raw silang gagawin dito na magkakasama.

“Bakasyon grande sila rito. Na-miss ko sila. Kakauwi ko lang kasi galing Iraq at gusto ko na magkasama naman kami ng asawa ko at ng mga bata.
“Magtatagal din sila rito at baka abutin sila ng Pasko.”

Nilinaw na rin ni Binoe na walang katotohanan ang balitang gagawa siya ng TV drama series sa ABS-CBN 2. May lumabas na balita na kasama siya sa Kung Tayo'y Magkakalayo, na pagbibidahan daw nina Kim Chiu at Gerald Anderson.

“Pelikula lang ang gagawin ko sa Star Cinema. Wala akong gagawing TV show sa kanila. Wala silang offer na ganun sa akin. May project kami na pinag-uusapan sa GMA-7. Pero for 2010 na lahat iyon.”

Siyanga pala, ngayon pa lang ay sina­sabi na ni Robin na wala siyang ie-endorse na presidentiable.

“Marami ang lumalapit, pero ayoko talaga. Mahirap na ang mapasama sa ganyan. Hanggang wala pang presidentiable na makakapantay sa husay ni Ferdinand Marcos, wala tayong ie-endorse!” mariing sabi ni Robin.

Ang tututukan daw ni Robin na i-endorse ngayon ay ang JAG Jeans, na kung saan makakasama niya sa malaking campaign ang endorser din nito na si Marian Rivera.

Source: Abante