|
|
| Roxanne pailalim ang kamalditahan![]() Author: Cristy Fermin Akala nami'y kami lang ang nakapansin at hindi nagkagusto sa inugali ni Roxanne Guinoo sa Entertainment Live! Nung nakaraang Sabado at sa The Buzz naman nung Linggo nang hapon. Napakarami naming tinatanggap na komento na hindi paborable sa mahinhing si Roxanne, marami rin palang nakapansin sa kanyang pailalim na kamalditahan, tuloy ay muling nabuhay ang kapaniwalaan nating mga Pinoy na nasa loob ang kulo ng mga taong madalas tahimik lang. Nung Sabado sa Entertainment Live! ay pahapyaw niyang sinabihan ang mga hosts ng show na sina Mariel Rodriguez, Toni Gonzaga at Bianca Gonzales na tigilan na ang pagtatanong sa kanya tungkol kay Bangs Garcia, ang bagong leading lady ng kunu-kuno'y naka-break niyang karelasyong si Jake Cuenca, "Nararamdaman ko kasi na ginagawan n'yo na kami ng intriga," mahinahon pero pamalditang sinabi ni Roxanne, na ikinagulat namin. Nung Linggo naman sa The Buzz ay tinawag niyang 'The Girl' si Bangs, kumbaga sa tao ay meron namang pangalan ang dalaga, pero sinutsutan lang niya ito nang tawagin niya. Maraming hindi nagkagusto sa ginawa ni Roxanne, naturingan pa nga naman siyang mahinhin na parang hindi makabasag-pinggan, pero pailalim siya kung magtaray. Sabi nga ng isa naming kaibigan ay matagal na raw nitong ramdam ang kamalditahan ni Roxanne, natatakpan lang yun ng kunwari'y kalamyaan niyang magsalita, pero sarkastiko naman. Nung talakayin namin ang ginawa niya sa dalawang talk shows sa aming programa sa DZMM (Showbiz Mismo) ay tumawag sa amin ang isang taong matagal nang nagsabi sa amin tungkol sa totoong ugali ng dalagang aktres, meron itong ipinaalala sa amin. "Don't tell me I didn't warn you about her!" may kumpiyansa ang boses ng kausap namin sa kabilang linya, "For you to know more, bakit hindi mo tawagan si --(pangalan ng isang malapit kay Joross Gamboa), mas marami siyang alam tungkol sa kamalditahan ni Rox, yun ang reason kung bakit ayaw sa kanya ng kampo nung lalaki! "Very deceiving ang itsura ng batang yun, parang hindi niya kayang lumaban pero ang totoo, siya ang umoopensa at hindi siya ang mukhang nakakaawa sa sitwasyon. "Matagal na siyang pinagkukuwentuhan ng mga ka-batch niya, meron talaga siyang ugaling hindi maganda, hindi lang lumalabas yun dahil iniintindi siya ng mga kasamahan niya," paalala nito sa amin. Yung pagiging simangutera ni Roxanne na parang lagi siyang aburido sa buhay ay madaling intindihin, pero ang harap-harapan niyang pagmamaldita ay kailangang kinakalos na, dahil baka ang akala ni Roxanne Guinoo ay tama ang kanyang mga ginagawa. * * * Totoo kaya ang impormasyong nakarating sa amin na nung kasagsagan pala ng relasyon nina Direk Lino Cayetano at KC Concepcion ay nililigawan din ng direktor si Erich Gonzales? Ang kuwentong yun ay pinatunayan din sa amin ng ilan pang impormante, mabuti na lang daw at hindi kumagat ang batang aktres sa panliligaw ni Direk Lino, dahil alam nitong sila ni KC ang magkarelasyon. Tuloy ay nakapag-iisip, yun kaya ang dahilan kung bakit ayaw magbigay ng komento ni Direk Lino sa kanyang pakikipagrelasyon, yun kaya ang dahilan kung bakit ayaw niyang napag-uusapan ang kanyang lovelife? "Nanligaw siya kay Erich Yun kaya ang dahilan kung bakit nakipaghiwalay sa kanya ang dalaga ni Sharon Cuneta, nakarating kaya kay KC ang ginawang panliligaw ng direktor kay Erich, kaya nauwi sa wala ang kanilang relasyon? Sabi nga ng aming kausap, "Lino and Bianca deserve each other, remember, nahulog din si Bianca nun kay Zanjoe Marudo, kahit magkarelasyon sila ni Direk Lino?" Source: The Philippine Star |