|
|
| Ryan, nabugbog sa Pinoy Fear Factor!![]() Author: Alfie Lorenzo BAKIT daw puro babae ang inilalabas na participantes sa Pinoy Fear Factor ni Ryan Agoncillo rito sa Abante? Eh, may mga lalake naman na kasali? Naku, baka mas type ng editor ko rito sa Abante ang mga girls na sina Phem Baranda at LJ Moreno, at kung sino-sino pa. Oh, sige, para hindi naman malugi ang mga bading na readers natin, heto ang mga participantes na sina Manuel at RJ. Si Manuel ay struggling businessman, at takot siya sa crocodile. Eh, sino ba naman ang hindi takot sa crocodile? Inamin ni Manuel na dati ay madilim ang landas ng buhay niya. Marami siyang bisyo, at marami rin siyang babaeng pinaiyak. In short, basura ang buhay niya noon. Pero, dahil sa isang aksidente, nagbago ang buhay niya. Sabi ni Manuel, para sa kanyang anak, opo, may anak na siya, gagawin niya ang lahat para manalo sa Pinoy Fear Factor. Malaking tulong nga raw para sa negosyo niya ang dalawang milyong piso kung siya ang mananalo. Si RJ naman ay isang kargador. Nagmula siya sa Parola, Tondo. Sa edad na 17, naging tatay na siya. At kamakailan lang, nanganak na naman ang kanyang live-in partner sa kanilang second daughter. Ang kahirapan ang nagtulak kay RJ para sumali sa Pinoy Fear Factor. At hindi raw niya sasayangin ang pagkakataon na ibinigay sa kanya para maiahon sa kahirapan ang kanyang pamilya. Kapag nanalo siya, gagamitin daw niya ang dalawang milyong piso sa pagtatayo ng negosyo. Siyanga pala, katakut-takot na hirap din pala ang naranasan ni Ryan sa Pinoy Fear Factor, dahil pinagawa rin sa kanya ang mahihirap na stunts na ginawa ng mga participantes. Nabugbog nga raw siya sa taping nila ng Pinoy Fear Factor sa Argentina, kaya marami siyang pasa sa katawan. Bagama't Araw ng mga Patay ngayon, at lahat ng tao ay nasa sementeryo para dalawin ang mga namayapa nilang mga kamag-anak, hindi pa rin maiaalis na ang Pasko ang tinututukan nang husto ng mga Pinoy. Ngayon pa lang, busy na ang mga tao sa pamimili ng mga regalo para sa kanilang mga kamag-anak at mga inaanak. Kunsabagay, kung sa December ka pa kasi mamimili, siguradong mauubos agad ang datung mo, dahil mahal na ang mga bilihin sa mga araw na `yon. Kaya, may payo ako sa mga gustong kumita ng pera o sa mga gusto na maging bongga ang Pasko nila. Aba, kung may talent ka rin lang sa paggawa ng parol, simulan mo na ngayon ang pag-iisip ng magandang tema. Isandaang libong piso ang naghihintay para sa magwawagi sa Ilaw ng Pasko, ang taunang parol-making contest ng Manila Broadcasting Company. Ang mga nais lumahok ay dapat gumawa ng malalaking parol mula sa recycled material. Maaring may sukat na 6ft hanggang 10 ft, kasama ang anumang palawit. Gumamit ng mga energy saving na bumbilya, subalit huwag lalagyan ng kuwitis, lusis o anumang peligrosong material. Bawal ding may nakalabas na tatak ng anumang produkto. Dapat pulido at matibay ang pagkagawa ng mga parol, na kayang magtagal buong kapaskuhan sa loob o labas man isabit. Deadline sa pagsa-submit ng mga kalahok ay sa ika-5 ng Disyembre. Para sa kumpletong mechanics at registration form, tumawag lang kay Ellen Fullido sa 6800-3405/832-6240, o kaya ay mag-email sa infullido@mbcradio.net. Source: Abante |