Nov 23
HomeLoginBrowseNewsTV SchedulePreferenceHelp
 

Ryan sa ABC 5 may (hosting) job

Ryan sa ABC 5 may (hosting) job

Author: Pilipino Star Ngayon
Column: About Showbiz

Masaya si Ryan Agoncillo that he's back to hosting, pero hindi sa ABS-CBN, kundi sa ABC5. Siya ang kinuha ng istasyon na mag-host ng game show na 50 Seconds to Fame at bale second hosting job na ito ng TV host-actor after Philippine Idol.

Sometime in August daw ang scheduled airing ng game show at isasabay ang launching sa ibang shows ng network. Last Monday lang nagsimulang mag-taping si Ryan at halatang excited, dahil hindi kinakitaan ng pagod kahit maghapon siyang nagtatrabaho.

Sabagay, matagal din siyang nakapag-bakasyon, kasama si Judy Ann Santos na suportado ang pagbabalik-trabaho ng kanyang fiancé. Hindi raw aalis sa Channel 2 si Ryan, sa Channel 5 muna siya, habang hinahanda ang mga shows niya sa kanyang home studio.

* * *

This week na lalabas ang character ni Nadine Samonte sa Ako si Kim Sam Soon at kung saan, gagampanan niya ang role ni Hannah, ang girlfriend na umiwan kay Cyrus (Mark Anthony Fernandez). Hindi napanood ng young actress ang original version ng Kim Sam Soon nang ipalabas sa GMA 7, dahil hindi nakarating ang DVD copy na pinaikot sa cast.

Karamihan sa eksena ni Nadine ay kasama sina Mark at Regine Velasquez at nang dumalaw kami sa taping ng comedy series sa Canyon Woods, may confrontation at sabunutan sila ni Regine. How is it working with the Songbird?

"Okey siya, masaya at nakakatawa siyang kasama. Hindi ko akalaing puwede siyang mag-comedy. Sa rehearsal pa lang, tawanan na kami. Mamaya sasabunutan ko siya, ayaw kong isiping si Regine Velasquez ang aawayin ko at baka lalo akong kabahan at kailangan may care pa rin ang pagsabunot ko sa kanya," sabi ni Nadine.

Si Dr. Hayden Kho ang love interest ni Nadine sa comedy series, hindi ba siya natatakot ma-link sa boyfriend ni Dr. Vicki Belo ?

"Ngeee! Bakit kami mali-link? Galit ako sa kanya sa eksena, pero lahat naman nali-link. Okey lang ma-link, mga tao naman ang nagli-link , 'wag lang for real," sagot ni Nadine.

Nagagwapuhan ba siya kay Doc Hayden?

"Okey lang! Matangkad siya. "

Samantala, mag-i-enroll ng photography sa College of St. Benilde sa August si Nadine. Bukod sa hilig niya ang photography, wala raw maayos na studio sa lugar nila sa Sta. Rosa, Laguna at siya ang magtatayo ng photo studio 'pag natapos ang three-year course. Nagbabalak na rin itong bumili ng Canon o Nikon camera para sa kanyang pag-aaral.

* * *

Nag-audition si Luis Manzano para mag-host sa Pinoy Fear Factor, pero balita namin, may napili nang mag-host ng reality show. Kung sino, tsaka na namin sasabihin at bawal pa.

Mapapanood pa rin naman ng kanyang mga fans si Luis, isa kasi siya sa tatlong leading men ni Anne Curtis sa Dyosa  ng ABS-CBN na malapit nang ipalabas. Nagkasama na sina Anne at Luis sa Kampanerang Kuba  at bale reunion nila ang fantaserye. Saka, mag-best friend ang dalawa't they're only to happy to be working together again.

Masuwerte si Anne, dahil bukod kay Luis, kapareha rin niya sina Sam Milby at Zanjoe Marudo at walang pag-aawayan ang mga fans ng tatlong actor dahil may kani-kanya silang moment sa actress na gaganap na Dyosa ng Hangin (Dyosa Cielo), Tubig (Dyosa Agua), at Lupa (Dyosa Tierra).

* * *

Aalamin nina Lani Mercado, Sherilyn Reyes, at Manilyn Reynes kung pabor ba ang mga guests nila sa Moms this Tuesday na kasalanan ang magpa-abort? Makakapalitan nila ng kuru-kuro sina Dr. Cynthia Siatan, Dr. Phil de Leon, Dr. Orpah Marasigan at Sis. Pilar Versoza.

Aalamin din ang emotional turmoil ng mga babaeng du­madaan sa abortion. Nagsisisi ba sila pagkatapos nilang gawin 'yon?  Napapanood ang Moms sa Q-11, 5 p. m., Monday to Friday.

Source: The Philippine Star