Nov 23
HomeLoginBrowseNewsTV SchedulePreferenceHelp
 

SARAH, NINAKAWAN NG HALIK NI JOHN LLOYD! Ms. Spain, tinanghal na Ms. Int'l 08!

SARAH, NINAKAWAN NG HALIK NI JOHN LLOYD! Ms. Spain, tinanghal na Ms. Int'l 08!

Author: Jojo Gabinete
Column: The Source

KASABAY ng The Next One concert ni Sarah Geronimo sa Araneta Coliseum noong Sabado ang coronation night ng 48th Miss International Pageant na ginanap sa The Venetian Resort Hotel sa Macau, China.

Nakasali sa 12 finalists ang Philippine delegate na si Patricia Fernandez, pero hindi ito pinalad na manalo.

Si Miss Spain Alejandra Andreu ang 2008 Miss International winner at siya rin ang Miss Photogenic. First runner-up si Maria Cristina Diaz-Granados ng Colombia, 2nd runner-up si Miss Poland Anna Tarnowska, si Chang Wei Lu ng China ang 3rd runner-up at 4th runner-up si Miss Czech Republic Zuzana Putnaranova.
***

Updated kami sa mga nangyayari sa Miss International Beauty Pa­geant habang pinanonood namin ang blockbuster concert ni Sarah dahil sa mga forwarded message na ipinadadala sa amin ni Boyet Blas.

Isang kaibigan ni Boyet ang nagpunta sa Macau para panoorin ang coronation night ng Miss International at siya ang nagkukuwento ng mga nangyayari sa The Venetian.

Ang source ni Boyet ang nagbalita na kabilang sa mga judge ng Miss International si Stella Marquez de Araneta.
***

Hindi binigo si Sarah Geronimo ng kanyang mga tagahanga dahil pinuno nila ang Araneta Coliseum. Nagpakitang-gilas si Sarah sa opening number dahil tumugtog siya ng piano habang kinakanta niya ang Forever's Not Enough.

Nakuha ni Jed Madela ang atensyon ng audience dahil sa kanyang powerful voice. Sobrang taas ng boses ni Jed nang kantahin nito ang Ikaw Lang Ang Mamahalin ni Joey Albert kaya umani siya ng masigabong palakpakan.

Nakipagsabayan din si Jed sa pagbirit ni Sarah nang awitin nila ang theme song ng Lobo, ang Ikaw Ang Aking Pangarap.

Si Sarah ang kumanta ng theme song ng Baler, ang official entry ng Viva Films sa 2008 Metro Manila Film Festival. Naging venue ang concert ni Sarah para sa promo ng Baler dahil habang kinakanta niya ang theme song, ipinakikita sa giant screen ang mga eksena ng pelikula na pinagbibidahan nina Anne Curtis at Jericho Rosales na kapwa nanood ng The Next One.

Kabilang si Billy Crawford sa mga special guest ni Sarah. Nagpasalamat ang singer-actress kay Billy dahil pinagbigyan nito ang kanyang request na maging bahagi ng concert niya. Ang sagot ni Billy? Isa siya sa milyun-milyong fans ni Sarah na tinawag niya na “awesome”.

Ang paglabas ni John Lloyd Cruz sa stage ang highlight ng The Next One.

Kahit alam ng audience na may ibang girlfriend si John Lloyd, kinilig sila sa duet number ni Sarah at ng aktor.

At tulad sa pelikula nila, ninakawan na naman ng halik ni John Lloyd si Sarah. Inutusan ni John Lloyd si Sarah na kumaway sa kanyang mga fans, at nu'ng kumaway si Sarah, bigla nitong hinalikan ang pisngi ni Sarah.

“Ikaw, ha!” ang nasabi na lang ni Sarah, na sinabayan ng ngiti.

Siyempre, kinilig nang husto ang mga fans ni Sarah sa eksena nila ni John Lloyd.

Malapit nang simulan ang shooting ng next movie team-up nina John Lloyd at Sarah. Base sa box-office result ng A Very Special Love at reaksyon ng big dome audience, potential blockbuster ang pelikula na gagawin nina Sarah at John Lloyd.
***

Si Luis “Jhong” Palaganas ng Ramos, Tarlac ang tinanghal na winner ng My MVP (Most Valuable Pinoy), ang kauna-unahang basketball reality show ng PBA at TV 5.

Tuwang-tuwa ang 25-year old forward sa karangalan na natanggap niya.

Hindi inaasahan ni Jhong na siya ang mapipili dahil mahuhusay rin ang 11 finalists ng My MVP.

Ginanap ang awarding ceremony ng My MVP noong Biyernes ng gabi sa New Ynares Stadium, Pasig City, pagkatapos ng pakikipag-face off ng 12 My MVP Finalists sa mga PBA Legends.

Sina Alvin Patrimonio, Vergel Meneses, Gerry Esplana, Jerry Condinera at Ronnie Magsanoc ang ilan sa mga miyembro ng PBA Legends.

Pinanood namin ang laban ng PBA Legends at ng My MVP Finalists.

Mahuhusay pa rin sa paglalaro ng basketball ang PBA Legends pero hindi sila umubra sa liksi ng aspiring PBA at PBL players.

Hinihingal na ang ilang member ng PBA Legends dahil tumaba na sila.

Nagkaroon pa ng shoulder injury si Vergel Meneses.

Tinalo ng My MVP finalists ang PBA Le­gends sa score na 109-101 kaya tuwang-tuwa ang kanilang coach na si Norman Black. Si Norman ang nagturo sa MY MVP finalists ng tamang attitude sa paglalaro ng basketball.

Source: Abante