Nov 24
HomeLoginBrowseNewsTV SchedulePreferenceHelp
 

'Salamat sa komiks'

Author: People's Taliba

ITO ang inihayag ni multi-awarded movie director at undisputed Komiks King Carlo J. Caparas kamakailan.

Nagapasamat din si Carlo J. sa GMA-7 network sa patuloy na pagtangkilik ng management na pinamunuan ni Atty. Felipe L. Gozon, chairman, president at chief executive officer at GMA senior VP for entertainment Tv Wilma Galvante , sa mga matagumpay na nobelang komiks na masugid na sinubaybayan ng kanyang mga tagahanga.

Ginawa ni Carlo J. ang pahayag sa paglulunsad kamakailan sa GMA-7 studios sa Quezon City ng Ang Babaeng Hinugot sa Aking Tadyang na pinakahuling telenobela na mapapanood simula ngayong araw na tampok sina Marian Rivera at Dingdong Dantes.

Pinasalamatan ni Carlo J. ang patuloy na pagkilala ng tv network sa mga nobelang komiks na nakakaaliw sa mga manonood sa gitna ng kanilang pakikipagsapalaran sa kanilang araw-araw na buhay upang makatawid sa kahirapan.

Matatandaan na ang GMA-7 network ang No. 1 top-rating pagdating sa telenobela sa bansa.

Sinamahan si Carlo J. sa naturang okasyon ni mega producer Donna Villa - ang kanyang lucky charm, idea woman at inspirasyon sa kanyang tagumpay —, at anak na si CJ.

Ipinaliwanag din ng master storyteller, na dinaluhan ng mga kaanib ng Fourth Estate, na lalong sumisigla ang komiks at napapaunlad ang mahikang daigdig nito na ikinalulugod ng mga manunulat at dibuhista ng komiks dahil sa pagtatampok sa telebisyon sa primetime ng mga nobelang komiks.

Tiyak na magiging mega-hit na naman ang pinakabagong teleserye ni Carlo J matapos mapanood ang pilot edition ng Ang Babaeng Hinugot sa Aking Tadyang, ayon sa mga mamamahayag na dumalo sa okasyon.

Nabibigyan tuloy ng inspirasyon, dagdag pa ng henyong master storyteller at 2007 Presidential Medal of Merit Awardee, ang iba pang mga may talentong kabataan na manunulat na magsikap nang husto at abutin ang kanilang mga pangarap sa buhay sa gitna ng kahirapan sa mundo dulot ng "global financial meltdown. "

Tamang- tama at sukdulan ang naturang obra ni Carlo J. para sa pagsisimula ng buwan ng mga puso at pag- ibig dahil punong puno ng super kilig na romansa ,hiwaga at mga lihim ang bagong telenobela na pagtatambalan ng pinaka sikat na love couple sa telebisyon na sina Dingdon at Marian.

Kuwento ng pag asa, pag ibig at pakikipagsapalaran sa buhay ang tema ng halos lahat ng nobelang komiks na kinatha ni Carlo J. na nagpaimbulog sa kanya sa tugatog ng tagumpay bilang Hari ng komiks.

Hitik sa aksyon, drama, at kapanabikan ang pinabagong telenobela ng Komiks King na dinirehe ni Joyce Bernal at halaw sa nobela ni Carlo J noong 1974 at isinagawa sa pelikula noong 1981 at kinatampukan ni Eddie Garcia at Vivian Velez.

Kabilang sa mga mega-hit na nobelang komiks ni Carlo J. na tinangkilik ng masang Pilipino ang Bakekang, Ang Panday, Joaquin Bordado, Tasya Pantasya, Pieta, Gagambino at Kamandag.

Masusundan din ang Tawak sa People's Tonight ni Carlo J. na tunay naman na tinatangkilik dahil sa kahindik-hindik at nakakasindak na eksena nito. Efren Montano

Source: Taliba